Inday TrendingInday Trending
Pinagmalaki Niyang ang Kakayahang Tumawid sa Murang Edad, Kapahamakan na pala ang Kasunod Nito

Pinagmalaki Niyang ang Kakayahang Tumawid sa Murang Edad, Kapahamakan na pala ang Kasunod Nito

Lumaki ang dalagang si Sanya nang hindi umaasa kung kanino man. Sa edad na anim na taong gulang, sapilitan na siyang natutong mag-ayos ng sarili, maghanda ng sariling pagkain, pumasok sa eskwela, gumawa ng kaniyang takdang aralin, at mag-alaga ng kaniyang nakababatang kapatid dahil sa problemado niyang ina.

Wala itong ginawa buong araw kung hindi ang magpakalango sa alak, manigarilyo, at humilata simula nang ipagpalit sila ng kaniyang ama sa isang mayamang pamilya.

Sa katunayan, may pagkakataon pa ngang naisipan niya itapon ang alak at sigarilyo ng kaniyang ina para lamang tumigil ito sa pagbibisyo. Ngunit dahil nga sa mura niyang isip, sa nakabuyangyang na basurahan niya ito naitapon dahilan para siya’y mabisto nito at mabugb*g nang matindi.

At doon na nagpatuloy ang pananakit sa kaniya nito na naging rason din para siya’y matutong tumayo sa sarili niyang mga paa hanggang siya’y magka-edad na.

Pagtungtong niya ng bente anyos, hindi na niya pinagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Mas pinili na niyang magtrabaho dahil napapansin niyang imbes na magbago ang kaniyang ina habang lumalaki sila ng kapatid niya, lalo pa itong nalululong sa bisyo.

Ang perang kinita nito sa paglalabada na pambili sana ng pagkain nila, pinambibili pa nito ng alak at sigarilyo na talagang ikinaiinis na niya.

Nang makumpleto niya ang mga kailangang dokumento sa pag-aapply ng trabaho, agad na siyang sumubok na makapasok sa isang pabrika ng mga pantalon. Tila sinuwerte naman siya dahil kakilala niya ang nag-iinterbyu ng aplikante roon dahilan para siya’y agad nitong tanggapin at pagsimulain sa trabaho.

Simula nang kumita na siya ng sariling pera, bahagyang nabawasan ang pasanin niya sa buhay. Nabibilhan niya ng pagkain ang sarili’t kapatid niya, nakakabili siya ng mga gamit niya, at siya rin ay nakakapag-ipon na.

Pilit mang humingi sa kaniya ng pera ang kaniyang ina dahil nga alam nitong kumikita na siya, pinasawawalang-bahala niya ang mga daing nito. Sabi niya rito, “Magbagong buhay ka, lahat ibibigay ko sa’yo,” na ikinatawa lang nito.

“Sa’yo na ‘yang pera mo! Isama mo sa hukay mo!” sambit nito saka siya pinagmumura na ikinabuntong-hininga niya na lang.

Dahil nga hindi naman maganda ang relasyon nila ng kaniyang ina, minabuti niya na lang na ituon ang atensyon sa kaniyang trabaho. Nakipagkaibigan at nakisama siya sa mga katrabaho na talagang nagbigay kulay sa mundo niya.

Kaya lang, may isa siyang katrabahong takot na takot tumawid na labis niyang pinagtatawanan. Pagmamalaki niya pa rito, isang araw habang sila’y patawid sa kalsada, “Ako nga, anim na taon pa lang ako, marunong na akong tumawid at magbisikleta sa kalsada!”

“May masama kasing nangyari sa akin noong bata pa ako kaya hindi ko na nasubukang pag-aralan ang pagtawid sa kalsada,” nakatungo nitong sabi habang nakahawak sa kamay niya.

“Ganito lang ‘yan!” sigaw niya rito saka dali-daling hinakbang ang paa niya patawid ng kalsada.

Kaya lang, bago pa siya makalinga sa kabilang kalsada, may rumaragasang bus ang biglang papalapit sa kaniya.

“Sanya!” sigaw ng katrabaho niyang naiwan sa tabing kalsada, iyon na ang huling narinig niya bago siya mawalan ng malay.

Pagmulat niya ng kaniyang mata, hindi niya maramdaman ang kaniyang mga paa. Ni hindi niya magalaw nang ayos ang kaniyang leeg, at siya’y hirap na magsalita.

“Ate, bakit ka naman bigla-biglang tumawid? Alam mo namang mabibilis ang mga sasakyan doon, hindi ba? Tinakot mo naman ako maigi, akala ko, iiwan mo na ako,” hikbi ng kaniyang kapatid.

“Hindi porque sanay kang gawin ang mga bagay nang mag-isa, hindi mo na sisiguraduhin ang kaligtasan mo, Sanya,” payo ng katrabaho niyang nagdala sa kaniya sa ospital.

“Oo nga, eh, ngayon, naiintindihan na kita. Siguro, magkakaroon na rin ako ng trauma sa pagtawid,” patawa-tawa niyang sabi, “Teka, kailangan ko nang umuwi! Wala akong maipangbabayad dito sa ospital!” pag-aalala niya saka agad na nagpumilit na tumayo.

“Nagawan na ng paraan ng nanay mo, Sanya. Narinig ko pa nga siyang magdasal sa kapilya kanina, sabi niya, magbabago na raw siya, magising ka lang,” nakangiti tugon ng kaniyang kaibigan.

Bago pa siya makapagsalita, dumating na ang kaniyang ina na biglang napatalon sa tuwa nang makitang siya’y gising na.

“Magbabago na ako, anak! Kahit huwag mo na akong bigyan ng pera! Pangako, magbabago na si mama!” hikbi nito habang siya’y yakap-yakap na labis niyang ikinatuwa.

Ilang araw pa ang nagdaan, siya rin ay agad nang nakalabas ng ospital. Sa dami ng aral na napulot niya sa aksidenteng naranasan niya, hindi trauma ang nanatili sa utak at puso niya, kung hindi saya, lalo na’t kitang-kita niya ang pagbabago ng kaniyang ina na ngayo’y maraming raket na ginagawa para makabawi sa kanilang magkapatid.

Advertisement