
Natatakot Siyang Madismaya ang Kaniyang Ina sa Pagkakaroon Niya ng Nobyo; Lingid nga ba Ito sa Kagustuhan ng Kaniyang Ina?
Labis na iniiwasan ng dalagang si Chesca na madismaya niya ang kaniyang ina katulad ng nagawa ng nakatatanda niyang kapatid na sa murang edad, agad nang pumasok sa mundo ng pag-aasawa.
Mayroon man na itong sariling pamilya, sa kanilang mga magulang pa rin ito naasa sa tuwing walang kita ang asawa nitong pagkokonstruksyon lamang ang pinagkakakitaan.
Sa katunayan, hindi niya mawaglit sa isipan ang araw na makita niyang nakaluhod at iyak nang iyak sa harap ng altar nila sa bahay ang kaniyang ina. Kitang-kita niya sa paghikbi nito ang labis na paghihirapan na kinahaharap dahil sa kapatid niyang kahit diaper at gatas ng anak, dito inaasa.
Narinig niya pa ang dasal nitong, “Ang bunso ko na lang po ang tangi kong pag-asa. Pakiusap, protektahan Mo po siya sa kasamaang ng mundong ito. Nawa’y siya ang maging sandalan ko pagdating ng panahon dahil hirap na hirap na po ako,” na talagang nagbigay din sa kaniya ng bigat sa dibdib.
Dito niya pinangako sa sarili na hinding-hindi muna papasok sa isang relasyon hangga’t hindi niya pa nakikitang maalwan ang kanilang buhay.
Ito ang dahilan para pursigihin niyang siya’y makatapos ng pag-aaral sa pamamagitan ng sarili niyang pera mula sa iba’t ibang raket na ginagawa niya at agad na maghanap ng trabaho pagkatapos na pagkatapos niyang makuha ang kaniyang diploma.
At dahil sa angkin niyang determinasyon, ilang araw lang ang kaniyang binilang, agad na rin siyang nakahanap ng magandang trabaho sa Maynila na labis na ikinatuwa ng kaniyang ina.
Simula noon, bahagya nang gumaan ang buhay nila. Nagagawa niya pa minsang abutan ng pinansiyal na tulong ang nakatatanda niyang kapatid na talagang ikinapapasalamat nito.
Kaya lang, hindi nagtagal, hindi na niya naiwasang hindi mahulog sa isa sa kaniyang mga katrabaho na sobrang bait sa kaniya. Bukod sa araw-araw siya nitong binibigyan ng makakain, wala rin itong palya sa paghatid-sundo sa kaniya mula sa kanilang opisina hanggang sa kanto ng tinitirhan niyang barangay dahilan para tuluyan na siyang pumasok sa isang tagong relasyon kasama ito.
“Kailan ba ako pupwedeng dumalaw sa bahay niyo? Gusto ko sanang hingin sa magulang mo ang…” agad na niyang pinutol ang sasabihin nito.
“Hindi pa sa ngayon, Gino. Ako na lang ang pag-asa ng nanay ko. Ayokong madismaya siya sa akin kapag nalaman niyang may nobyo na ako,” seryoso niyang sagot sa binata saka agad nang nagpababa sa sasakyan kahit malayo pa sa kantong pinagbababaan niya.
“Teka, ilang kilometro pa ang layo ng kantong pinagbababaan ko sa’yo,” pag-aalala nito.
“Simula ngayon, huwag mo na akong ihatid pauwi. Baka mamaya, may makakita sa atin at isumbong pa ako kay mama,” sambit niya rito saka nagpumilit na bumaba na ikinailing na lang ng binata.
Lumipas ang mga araw na ganoon ang sitwasyon ng kanilang relasyon. Ni hindi sila makakain sa labas at makapaglakad nang sabay sa takot niyang baka may makakita sa kanilang dalawa.
Isang araw, habang nagluluto silang mag-iina ng mga pagkaing ihahanda sa kaarawan ng anak ng kaniyang kapatid, nagulat siya nang bigla siyang tanungin ng kaniyang ina kung may nobyo na ba siya.
“Syempre po, wala! Kayo ang prayoridad ko!” pagsisinungaling niya.
“Huwag ka ngang magsinungaling d’yan! Gusto mo bang humaba ang ilong mo? Imbitahan mo ‘yong poging binatang naghahatid sa’yo sa kanto noon, gusto ko siyang makilala!” nakangiting sabi nito na ikinagulat niya.
Agad naman ikinuwento ng kaniyang nakatatandang kapatid na sandamakmak na tsismosa na ang nagpunta sa kanilang bahay upang ibalita ang eksenang iyon.
“Hi-hindi po kayo galit, mama?” tanong niya sa kaniyang ina na abala sa pagbabalot ng lumpia.
“Bakit naman ako magagalit kung iyon ang ikakasaya ng anak ko? Ang ate mo nga, tinanggap ko. Ikaw pa kayang walang ibang ginawa kung hindi isipin ang kapakanan naming dalawa? Nasa tamang edad ka na rin naman, anak, wala ka nang dapat itago sa akin,” tugon nito na ikinaiyak niya maigi.
Dahil sa pag-uusap nilang iyon, agad niyang pinapunta sa bahay ang kaniyang nobyo at labis siyang natuwa nang makita kung gaano kasaya ang nanay niyang makilala ang lalaking nagpapasaya sa kaniya.
“Alam niyo na ang tama at mali, ha, huwag niyo na kaming gayahin ng asawa ko! Sobrang hirap magkapamilya nang hindi handa!” pangaral ng kaniyang nakatatandang kapatid na agad namang sinang-ayunan ng binata.
“Pangako po, pakakasalan ko po muna si Chesca bago kami mag-anak,” sabi pa nito na talagang ikinakilig niya.