Inday TrendingInday Trending
May Lamat na ang Relasyon ng Mag-asawa dahil sa Isang Trahedya; Isang Bagong Trahedya nga ba ang Tuluyang Wawasak sa Kanila?

May Lamat na ang Relasyon ng Mag-asawa dahil sa Isang Trahedya; Isang Bagong Trahedya nga ba ang Tuluyang Wawasak sa Kanila?

“Ihatid mo ako sa trabaho,” malamig na utos ni Jenny sa kaniyang asawang si Ricky.

Kasakuluyan itong sumisimsim ng kape habang nagbabasa ng dyaryo.

“Bakit? Hindi ka makakapagmaneho?” takang tanong nito.

Mas lalo lamang binalot ng inis ang ginang.

“Bakit? Hindi ka ba pwedeng maghatid? ‘Yun na nga lang ang magagawa mo para sa’kin?” sarkastikong asik niya sa asawa.

Narinig niya ang pagbuntong-hininga ng lalaki.

“Nagtatanong lang naman ako. May sakit ka ba? May problema ba?” sagot nito,

Umirap siya. “Wala ka na ro’n! Ang dami mong satsat. Gawin mo na lang ang iniuutos ko!” asar na wika niya bago siya nagdadabog na umalis sa hapag kainan at naghanda na sa pagpasok sa trabaho.

Matagal nang may lamat ang relasyon nilang mag-asawa. Nagsimula iyon noong maaksidente ito at ang kaisa-isa nilang anak.

Hinding-hindi niya malilimutan ang araw na iyon. Ang araw na gumuho ang mundo niya. Kasalukuyang siyang nasa trabaho nang mangyari ang malagim na insidente. Nakatanggap na lang siya ng tawag sa ospital. Kasalukuyan daw na nakikipaglaban kay kam*t*y*n ang mag-ama niya, matapos mabangga ng trak ang sasakyan na sinasakyan ng dalawa.

Nang dumating siya sa ospital ay naoperahan na ang dalawa. Walang tinamong permanenteng pinsala ang asawa niya, ngunit ang anak nila ang labis na napuruhan.

Limang taon na ang lumipas ngunit hindi pa rin nagigising ang anak nila. Walang kasiguruhan kung gigising pa ba ito, ngunit hindi siya nawawalan ng pag-asa.

Alam na alam niyang hindi ginusto ng asawa niya ang nangyari. Aksidente iyon. Subalit ano ang gagawin niya? Sino ang sisisihin niya?

“Tara na!” aniya sa lalaki. Agad naman itong tumalima.

Wala silang imikan habang nasa loob ng sasakyan.

“Anong nangyari sa sasakyan mo?” maya-maya ay basag ni Ricky sa katahimikan.

“Nasa talyer,” malamig na tugon niya.

Nagpanggap siyang tulog upang hindi na siya kausapin ng lalaki subalit may tinanong ito na nagpakulo ng dugo niya.

“Hanggang ngayon ba ay galit ka pa rin sa’kin?”

Galit siyang nagmulat ng mata.

“Bakit? Nasaan na ba ang anak natin? Maayos na ba siya?” mariing usal niya.

“Jenny, alam mong hindi ko ginusto ang nangyari. Araw-araw kong sinisisi ang sarili ko dahil sa nangyari kay Faith… Kung pwede lang na palitan ko siya roon, at ako na lang ang maratay gagawin ko…” garalgal na sabi ng lalaki, habang mahigpit ang hawak nito sa manibela.

Napangiti siya nang mapait bago nilingon ang asawa.

“E ‘di sana ikaw na lang. Sana ikaw na lang ang namat*y.”

Matapos niya iyong sabihin ay tila may nakarinig ng desperado niyang hiling. Isang rumaragasang trak ang biglang sumulpot sa unahan nila at walang pag-aatubili silang sinalpok.

Matapos ang salpukan ay pilit na idinilat ni Jenny ang kaniyang mga mata. Nakita niya ang duguang mukha ng asawa na nakaharap sa kaniya.

Nais niyang sumigaw sa labis na sindak ngunit wala siyang lakas para gawin iyon.

Nakita niya ang pagbuka ng labi ng asawa.

“Anak ko rin naman si Faith… hindi ko ginusto ang nangyari. Walang araw na nagkaroon ako ng kapayapaan sa puso…Para rin akong araw-araw na pinap*t*y,” anito.

“Patawad, Jenny. Patawad dahil pakiramdam ko ay ako ang may kasalanan sa nangyari sa anak natin. Pero hindi ko sinasadya. Mahal na mahal ko kayo, at magkita na lang tayo sa susunod nating buhay…” sa putol-putol na boses ay sabi ng lalaki.

Puno man ng dugo ang mukha nito ay alam niyang may luha ring naglalandas sa mga mata nito.

Maya-maya pa ay tuluyan nang pumikit ang lalaki.

Napaluha si Jenny. Sa kauna-unahang pagkakataon ay napagtanto niya ang pagkakamali. Hindi niya dapat sinisi ang asawa. Gaya niya ay nagdusa rin ito.

Ngunit huli na ang lahat.

“Ricky…” humihikbing bulong niya. Masakit man ang buong katawan niya ay walang papantay sa sakit na nararamdaman ng puso niya. Mukhang isang mahal sa buhay na naman ang mawawala sa kaniya.

“Jenny! Jenny!”

Napapitlag si Jenny nang maramdaman ang malakas ng yugyog sa kaniyang balikat. Namulatan niya ang asawa. Nang igala niya ang paningin ay nasa tapat na siya ng opisina nila. Panaginip lang pala ang lahat. Ngunit basang-basa ng luha ang mukha niya.

“Ano bang nangyari sa’yo? Bakit ka umiiyak? ‘Wag ka na kayang pumasok muna, at magpahinga ka na lang?” nag-aalalang suhestyon ng asawa niya.

Nagpatuloy lang sa pagluha si Jenny. Imbes na sumagot, sa kauna-unahang pagkakataon makalipas ang limang taon ay niyakap niya nang mahigpit ang asawa.

Dama niya ang pagkagulat nito, ngunit kalaunan ay niyakap din siya nito pabalik.

“Sorry, Ricky. Hindi mo kasalanan ang lahat. Wala kang kasalanan sa nangyari kay Faith,” umiiyak na wika niya sa asawa.Naramdaman niya ang pagtulo ng luha nito.

Ilang minuto nanatiling magkayakap ang mag-asawa nang gambalain sila ng isang tawag. Tumatawag ang ospital.

“Hello?” ani Jenny. May nginig sa boses niya, naroon ang takot na makarinig ng isang masamang balita.

“Hello? Kayo po ba ang nanay ni Faith Romero?” anang babae sa kabilang linya.

“A-ako nga po…”

“Pumunta po kayo rito sa ospital ngayon din!” May pagkataranta sa boses ng babae.

Tumulo ang luha ni Jenny. Parang nahulaan niya na ang susunod na sasabihin nito.

“Gising na ho ang anak niyo!”

Sa labis na pagkabigla ay naibagsak niya ang hawak na cellphone ay napaupo siya sa kalsada.

“Gising na ang anak natin…” umiiyak na balita niya sa asawa.

Humagulhol na nagyakap ang mag-asawa. Alam nila na iyon na ang katapusan ng madilim na yugto ng buhay nila.

Agad silang sumugod sa ospital. Nang mayakap nila ang nag-iisang anak ay isang bagay ang napagtanto ng mag-asawa.

Muli nang buo ang pamilya nila, ngunit ibang-iba na iyon sa dati—mas matibay na ang samahan nila na sinubok ng malalaking unos.

Advertisement