
Takang-taka ang Dalagita Kung Bakit Parating Masaya ang Mahirap Niyang Kaklase; Lumabot ang Puso Niya sa Nalamang Rason
Magkasabay silang lumaki ng kababata niya na si Mikay. Gayunpaman ay hindi niya nakasundo ang babae, o kahit na sino sa pamilya nito.
Ibang-iba kasi ang buhay nila kumpara sa buhay ng pamilya nito. Tila mansyon sa ganda ang bahay nila, samantalang halos barong-barong lang ang bahay ng mga ito.
Sa totoo lang, kilala niya lang si Mikay dahil kaklase niya ito. Kung hindi niya ito nakikita sa eskwelahan ay baka nunca niya itong tinapunan ng tingin man lang.
May dahilan kung bakit inis na inis siya kay Mikay. Kung umasta kasi ito ay parang mayroon ito ng lahat sa mundo.
Parati itong nakangiti at masaya, gayong halos mas mahirap pa ito sa daga!
“Ano’ng ulam mo?” nakangiting usisa nito sa kaniya. Sa kamalas-malasan kasi ay katabi pa niya ito.
“Bacon,” simpleng sagot niya.
“Ang sarap naman. Ako ito, gulay, luto ng nanay ko,” turo nito sa sariling baon. “Gusto mo?” magiliw na alok pa nito,
Malamig siyang umiling bago ito tahasang tinalikuran, upang ipaalam dito na wala siyang planong makipagkwentuhan.
Sa loob ng apat na taon ay hindi niya man lang nakita na sumimangot ang kaklase. Bakit nga ba ang saya-saya nito?
Kaya naman nang makahanap siya ng pagkakataon na makita itong malungkot ay hindi niya iyon pinalampas.
Pareho sila ng kaarawan ni Mikay. Alam niya dahil taon-taon ito kung mang-imbita, na ni minsan ay hindi niya pinaunlakan.
Tuwang-tuwa pa nga ito noong malaman nito na magka-birthday sila.
Taon-taon ay nagdaraos ito ng malaking salo-salo upang ipagdiwang ang kaarawan nito. Siya naman ni minsan ay hindi ginusto na magkaroon ng malaking party. Wala rin naman siyang ibang yayayain.
Ngunit iba ang plano niya sa taong iyon. Isang linggo bago ang kaarawan nila ay namigay siya ng imbitasyon para sa enggrande niyang kaarawan.
“Sa wakas, makakapasok na tayo sa mansyon nina Erika!” biro ni Roxy habang masayang iwinagayway ang nakuhang imbitasyon.
Minasdan niya ang reaksyon ni Mikay. Wala siyang makitang inis o lungkot doon.
“Mikay, ayos lang ba? Baka walang pumunta sa birthday mo,” aniya sa kaklase.
Nakangiti itong umiling.
“Wala, walang problema! Kung pwede nga lang pupunta rin ako. Kaso may handaan din sa bahay,” sagot nito.
Napairap na lang siya. Hindi niya talaga maintindihan ang kaklase.
Sumapit ang kaarawan ni Erika. Umaga pa lang ay sabik na siya. Iyon kasi ang unang beses na nag-imbita siya ng ibang tao para sa kaniyang kaarawan.
Isa pa, masaya siya dahil nangako ang kaniyang Mama at Papa na darating ang mga ito para sa party niya.
Nang sumapit ang alas sais ay isa-isa nang nagdatingan ang mga bisita. Gaya ni Erika ay sabik din ang mga kaklase niya. Manghang-mangha ang mga ito bawat bagay na makikita sa malaking bahay.
Ang bahay naman nina Mikay ay tahimik.
Nagsimula na ang party. Nag-enjoy ang marami sa masarap na pagkain. Mayroon ding tumugtog na banda, kaya naman nagkaroon ng tiyansa ang bawat isa na sumayaw at kumanta.
Bawat isa ay may ngiti sa labi maliban sa isa—si Erika. Panay ang tingin niya sa gate. Wala pa rin kasi ang kaniyang mga magulang. Ang huling sabi ng mga ito ay mayroon pa raw meeting ang dalawa.
Hindi namalayan ng dalagita na tumulo na pala ang luha niya. Alas dose na kasi, tapos na ang kaarawan niya ngunit ni anino ng mga ito ay hindi niya nakita.
Ang nakarating lang sa kaniya ay mga mamahaling piraso ng alahas na regalo ng dalawa. Ngunit ano ang gagawin niya sa mga iyon, kung hindi niya man lang makasama ang kaniyang pamilya sa mahalagang araw na iyon?
Upang hindi umagaw ng eksena sa mga bisitang nag-eenjoy ay nagdesisyon si Erika na magpahangin sa labas.
Pagbukas niya pa lang ng gate ay nakarinig na siya ng malakas na halakhakan. Nang mapalingon siya sa bahay nina Mikay ay alam niya na agad na doon nagmumula ang ingay.
Hindi niya maiwasang makuryoso—anong buhay nga ba ang mayroon si Mikay?
Unti-unti siyang sumungaw upang makiusyoso. Doon ay nakita niya si Mikay na nakaupo at pinalilibutan ng sarili nitong pamilya. Pawang may ngiti sa labi ang bawat isa habang iniaabot kay Mikay ang mga regalo.
May suot pa si Mikay na korona na gawa sa karton, malayo sa kumikinang na koronang suot niya. Ngunit malaki ang ngiti sa labi ng kaklase niya.
Sa bawat regalong binubuksan ni Mikay ay lalong lumalapad ang ngiti nito. Payak na regalo lang ang natatanggap nito—bestida, bag, at sapatos. Ngunit bakas sa mukha nito ang labis na pasasalamat sa pamilya.
“Mahal na mahal ka namin, anak!” malambing na wika pa ng tatay ni Mikay.
Noon napagtanto ni Erika kung bakit naiiba si Mikay. Kung bakit ito laging puno ng saya. Dahil iyon sa pagmamahal na binubuhos ng pamilya nito.
Napagtanto niya rin na ang saya ay hindi basta-basta nakukuha sa malaking bahay, magagandang regalo o magagarbong okasyon—nakukuha ito sa mga tao na tinatawag nating pamilya. Kahit simple at payak, basta mula sa puso at puno ng pagmamahal ay walang katumbas na halaga.