Inday TrendingInday Trending
Nawalan ng Pakialam ang Babae sa Kaniyang Anak Matapos Siyang Iwan ng Asawa; Pagsisisihan pala Niya ang Kaniyang Pagkukulang

Nawalan ng Pakialam ang Babae sa Kaniyang Anak Matapos Siyang Iwan ng Asawa; Pagsisisihan pala Niya ang Kaniyang Pagkukulang

Labis ang naging kalungkutan ni Jenny matapos siyang iwan ng kaniyang asawa noon para sa ibang babae. Bukod doon ay iniwan din nito sa kaniya nang mag-isa ang kanilang limang taong gulang na anak, at ni hindi man lang nagbigay kahit na pinansyal na pangsuporta sa bata.

Hindi alam ni Jenny kung paano niya itataguyod nang mag-isa ang anak na si Jasmine nang mga panahong iyon. Mabuti na lang at nariyan ang kaniyang matalik na kaibigang si Erin na handang magbigay ng iba’t ibang klase ng tulong sa kanilang mag-ina. Dahil dito ay mabilis na nakahanap ng mapapasukang trabaho si Jenny nang sa ganoon ay mabuhay niya nang maayos si Jasmine.

Hayskul lamang ang tinapos ni Jenny kaya naman hirap siyang makahanap ng trabahong may mataas na sahod at maayos na oras na maaari niya pang ilaan sa kaniyang anak. Mabuti na lang at mataas na ang posisyon ng kaibigang si Erin sa pinagtatrabahuhan nitong call center kaya naman walang kahirap-hirap siyang naipasok nito roon. Ito na rin ang mismong nagturo sa kaniya ng kaniyang mga gagawin, at dahil doon ay mabilis siyang nakapag-adjust. Ilang linggo lang ay isa na siyang magaling at kapaki-pakinabang na empleyado ng naturang kompaniya na ikinatuwa naman ni Erin.

Ngunit nang matanggap ni Jenny ang kaniyang unang sahod ay tila nag-iba ang ihip ng hangin. Paano kasi, imbes na unahin nito ang mga pangangailangan ng kaniyang anak ay inuna niyang bilhin ang lahat ng kaniyang luho. Ni wala man lang siyang ibinili kahit na isang piraso ng lapis para sa anak na malapit na sanang pumasok sa isang preparatory school.

“Jenny, ano ka ba! Ni hindi mo man lang naisipang lagyan ng grocery itong ref n’yo! Ano ang kakainin ng anak mo sa tuwing iiwan mo siya kasama ang yaya niya?” kunot-noong tanong ni Erin sa kaibigan nang dumalaw siya sa bahay nito at nadatnang wala pa ring laman ang kanilang ref, ngunit napakaraming nagkalat na shopping bag sa salas.

“P’wede ko namang lagyan ’yan sa susunod na sahod ko, ano! Saka, masiyado nang malaki ang inilalaan ko sa pagbabayad pa lang ng yaya n’yang si Jasmine, kaya tama na ’yon,” katuwiran pa nito na nagpailing na lang kay Erin.

“Napakamakasarili mo, Jenny! Kung alam ko lang na ganiyan ang gagawin mo sa anak mo’y hindi na sana kita tinulungang makahanap ng trabaho. Pinababayaan mo siya!” bulyaw ni Erin sa kaniya na agad namang ikinainis ni Jenny.

“Sandali, masiyado ka na yatang nakikialam sa pagpapalaki ko sa anak ko, Erin! Oo nga at ikaw ang nagbigay sa akin ng trabaho pero sariling sikap ko pa rin ang sinasahod ko! Alam mo, kung isusumbat mo lang din naman sa akin ’yan, mabuti pang huwag ka nang tumulong. Hayaan mo na kami ng anak ko!” Pagkatapos ay pinaalis ni Jenny si Erin sa kaniyang tahanan.

Matagal na hindi nag-usap ang dalawang magkaibigan matapos ’yon. Samantalang nagpatuloy naman si Jenny sa pambabalewala sa kaniyang anak. Ni hindi niya ito magawang bilhan ng sapat na pagkain kaya naman unti-unti ay nangayayat ang bata. Madalas na rin itong dapuan ng sakit, na madalas din namang ipagsawalang bahala ng pabaya nitong ina.

Isang araw ay naisipan ni Erin na dalawin si Jenny at Jasmine sa tahanan ng mga ito upang magkaayos na silang magkaibigan, ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang maabutan niya si Jenny na nanginginig sa kaba habang may ambulansyang nagdadala sa anak nitong ngayon ay walang malay!

“Ano ang nangyari?!” tanong ni Erin sa kaibigan.

“E-Erin, ang anak ko! Bigla na lang siyang natumba pagkatapos niyang sabihin sa akin na masakit ang ulo niya. Sinubukan ko siyang gisingin pero ayaw niyang gumising, Erin!” natatarantang kuwento pa ng umiiyak na si Jenny. “Kasalanan ko ito! Tama ka! Pabaya nga akong ina at ako ang may gawa nito sa anak ko!” humahagulhol pang dugtong nito bago napayakap na lang sa kaniya.

Mabuti na lang at mabilis na naagapan ang mataas na lagnat ni Jasmine. Matapos itong bigyan ng gamot ng doktor ay naging maayos na ang lagay nito. Laking pasasalamat naman nina Jenny at Erin sa Diyos.

Matapos mangyari iyon ay natutunan din ni Jenny sa wakas na muling pahalagaan ang kaniyang anak. Ayaw niyang mawala ito sa kaniya katulad ng muntik nang mangyari dahil sa kaniyang pagiging pabaya.

Advertisement