Inday TrendingInday Trending
Walang Swerte sa Negosyo ang Dalagang Ito, Lola Lang Pala Niya ang Gigising sa Kaniya

Walang Swerte sa Negosyo ang Dalagang Ito, Lola Lang Pala Niya ang Gigising sa Kaniya

“Kuya, sige na, pahiramin mo na ako kahit pang puhunan lang, gusto ko lang talaga subukan ang pagbebenta ng shawarma. Usong-uso na kasi ‘ yun ngayon,” pagpupumilit ni Donna sa kaniyang kapatid habang kumakain at kumpleto ang buong pamilya.

“Donna, tigilan mo na ‘yang pagnenegosyo! Hindi ka pa ba napapala sa mga nasasayang mong pera?” iritableng sagot ng kaniya kuya.

“Bakit hindi ka na lang mag-aral ulit, pumasok ka sa kolehiyo, trenta ka pa lang naman baka may pag-asa ka pa! Tapos saka ka humanap ng trabaho, kapag nakasweldo ka na ay ipunin mo saka mo simulan ang mga gusto mo. Tapos maiintindihan mo rin ang nararamdaman namin sa tuwing malulugi ang negosyo mo, nagtatapon ka ng pera!” dagdag pa ng lalaki.

“Parang awa niyo na, ‘wag naman natin pagtalunan ang pera sa harap ng pagkainan at lalo na ngayong anibersaryo ng kamat@y@n ni mama,” sabi ni Isabel, isa pang kapatid ng babae.

“Kung nandito lang sana si mama, siya lang naman ang naniniwala sa akin,” mahinang sabi ni Donna at napayuko na lamang ito.

“Sabihin mo, sa’yo napagod si mama kaya inatake sa puso ‘yun dahil sa mga kapalpakan mo sa buhay. Kung nagtapos ka lang sana,” muling pahayag ng kaniyang kuya.

Wala nang nagsalita pa ni isa sa kanila at itinulog na lamang ng tahimik ang pagkain.

Kolehiyo pa lamang ay kung ano-anong negosyo na ang pinasok ng babaeng si Donna hanggang sa naging dahilan ito na hindi na siya nakapagtapos ng pag-aaral dahil nawili sa kaniyang kinita. Ngunit habang tumatagal ay nalugi ang negosyo nitong computer shop at nagkasunod-sunod na nga ang malas sa buhay ng dalaga. Dahil kahit anong pasukin o itayo niyang negosyo ay nalulugi at hindi niya naibabalik ang puhunan na pinahihiram sa kaniya.

“Apo, magkano bang kailangan mo?” tanong ni Lola Susan sa kaniya.

“Naku, ‘la, hayaan niyo na ‘yun. Baka tama nga si kuya, oras na rin siguro para tumayo talaga ako sa sarili kong paa. Sinukuan na ako ng sarili kong pamilya, ito na ang sinyelas na hindi para sa akin ang pagnenegosyo,” sagot ng dalaga sabay ngiti sa matanda at niyakap ito.

“Ipon ko ito mula sa pension ko, hindi ko alam kung sapat ba ‘yan pero sana gamitin mo sa negosyong sa tingin mo kaya mong patakbuhin ng matagal na panahon,” sabi ni Lola Susan sa kaniya at ibinigay ang sobre na naglalaman ng singkwenta mil.

“La! Ang dami nito, p@p*t*y!n ako nila kuya kapag nalaman nilang sa’yo nanggaling ‘to. ‘Wag na po,” tanggi kaagad ni Donna sa matanda sabay balik ng sobre sa ale.

“Sige na, apo, kuhanin mo na. Tandaan mo, kung mawalan man ng tiwala at bilib sa’yo ang buong mundo, ‘wag mong iwanan ang sarili mo. Lagi kang magtiwala sa kakayahan mo, isipin mong mabuti kung saan ka ba talaga magaling, hindi sa kung anong uso. Isipin mo na araw-araw mong gagawin ang bagay na ‘yun kaya dapat buong puso ang ibibigay mo. Wala akong alam sa negosyo pero isa lang ang alam ko, kapag gusto mo ‘yung ginagawa mo sa huli’y mapapalago mo ito. Samahan mo ng dasal, apo,” sabi ni Lola Susan sabay yakap sa dalaga.

“Hindi mo rin kasalanan na nawala ang nanay mo kaya huwag mong hayaan na tumatak iyon sa isipan mo. Nandito pa ako, apo, naniniwala ako sa’yo kaya gamitin mo ‘yan at tumayo kang muli. Patunayan mo ang sarili mo, hindi pa huli ang lahat,” dagdag pa ng matanda.

Napaiyak si Donna at mas yumakap pa ng mahigpit dito. Simula nang mawala ang kaniyang ina dahil sa sakit ay nawalan din siya ng taga-suporta kaya naman bumaba at patuloy siyang nawalan ng bilib sa sarili.

Isinapusong maiigi ni Donna ang mga sinabi na iyon ng kaniyang lola at nagtayo siya ng isang water station at unti-unti niyang pinasok ang mga opisina upang maging suplayer siya ng mga ito. Iniisip na maiigi ng babae ang pangangailangan ng tao sa araw-araw at sa matagal na panahon. Kaya naman kasama ng dasal at pananampalataya ay naibalik ng dalaga ang ipinahiram sa kaniya ni Lola Susan at nabayaran pa niya ang mga pinagkakautangan noon.

Naging matagumpay ngayon ang babae at utang na loob nga raw niya ito sa kaniyang lola na hindi nawalan ng tiwala sa kaniya.

Lagi sana nating tatandaan na darating ang araw na kakalimutan tayo ng lahat o maaring sukuan tayo ng mga taong mahal natin pero lagi rin sana nating maalala na huwag nating iwan ang sarili natin. Kasama ng Diyos, manalig, mangarap at magsumikap para sa magandang bukas.

Advertisement