Bwisit na ang Babaeng Ito sa Kaniyang Anak Dahil sa Ingay at Gulo Nito Habang Siya’y Nagtratrabaho, Magugulat Siya sa Gagawin ng Bata Makalipas ang Ilang Linggo

“Nay Sheng, balikan niyo ako ha! Walang ibang mag-aalaga rito sa anak ko! Alam niyo naman na sa inyo na nahiyang at lumaki si Mateo,” pagmamakaawa ni Lanie sa kaniyang kasambahay na uuwi ng probinsiya.

“Pasensya ka na rin talaga, Lanie, biglaan ang pagsasabi ko pero wala na akong magagawa, binawian na ng buhay ang mister ko at kailangan ko na talaga umuwi,” iyak ng matanda sa kaniya.

“Malaki naman na ‘yan si Mateo, nakikinig na ‘yan basta kausapin mo lang ng maayos ang anak mo. Huwag puro init ng ulo ang unahin, tandaan mo, ang pera kikitain mo pa ‘yan kahit saan pero ang oras at edad ng anak mo ay hindi mo na maibabalik pa,” dagdga pa ng ale.

Hindi na nagsalita pa ang babae at niyakap na lamang ang matanda bago ito tuluyang umalis.

Apat na taon ng single mom si Lanie at mula nang naipanganak niya ang bata ay si Aling Sheng na ang nag-alaga rito dahil mas itinuon niya ang pansin sa paghahanap buhay.

“Anak! Huwag masyadong maingay, kung gusto mo dun sa ka may TV maglaro ng mga sasakyan mo. Masyadong maingay, Mateo, may trabaho ang mommy!” inis na sabi ng babae sa anak niya na naglalaro.

“Pero mommy, bawal malapit sa TV sabi ni Nanay Sheng,” sagot ng bata sa kaniya as mas lalo pa itong nag-ingay.

“P@t*y!n mo ‘yung tv o ‘di kaya lumabas ka! My God! Ang ingay!” muli niyang bulyaw sa bata at tumahimik na lamang si Mateo at niligpit ang kaniyang laruang sasakyan at mas piniling laruin ang mga blocks at tumahimik sa isang tabi.

Advertisement

“Ayan! Matanda ka na! Simula ngayon maging good boy ka naman kay mama!” sabi ng babae sabay irap sa bata at bumalik ito sa trabaho.

Maya-maya pa ay kinalabit muli siya ni Mateo.

“Ano?!” iritableng sagot nito sa bata.

“Mommy, nagugutom na po ako,” malungkot na sabi nito.

Nagulat si Lanie at ngayon lamang napansin na pasado alas dos na pala at hindi pa rin kumakain ng tanghalian ang anak niya.

“Sh*t!” sagot niya sa bata at dali-daling tumayo saka kumuha ng sardinas, plato at kanin saka ibinigay sa bata.

“Mommy, hindi healthy ito sabi ni Nanay Sheng,” sabi ni Mateo sa kaniya.

“Hala, pwede na ‘yan, ‘anak, ‘wag masyadong reklamador saka tigilan mo na ‘yung kakasabi ng Nanay Sheng kasi wala na siya rito. Kumain ka na riyan at may trabaho pa ako,” masungit niyang sabi sa anak at tinalikuran na ito.

Advertisement

Hanggang sa tumagal ng ilang araw at ilang linggo ay mas lalo pang uminit ang ulo ni Lanie sa bata dahil sa balitang hindi na raw makakabalik ang dating kasamabahay, mabuti na nga lang daw at pinayagan siya ng kompanya na magtrabaho sa bahay.

“Ma, makikipaglaro lang ako sa kapitbahay,” paalam ni Mateo sa kaniya.

“Mas mabuti pa nang tumahimik naman ang buhay ko,” sagot niya rito at hindi na pinansin ang bata. Hanggang sa tumagal ng tumagal at napapansin niyang pagkatapos magtanghalian ay wala na ang anak niya sa bahay at gabi na ito kung bumalik.

“Mukhang nawiwili yata si Mateo sa kapitbahay, silipin ko nga muna,” saad niya sa sarili at tumayo saka nagdala ng kaunting chichirya upang ibigay sa kapitbahay nila.

Laking gulat niya nang makita si Mateo na nakaupo lamang sa labas ng bahay nila.

“Akala ko ba nasa kapitbahay ka? Anong ginagawa mo riyan? Bakit ka nakaupo riyan?” tanong ni Lanie rito.

“Kasi ano po, mommy-” kabadong sagot ni Mateo sa kaniya.

“Kasi ano? Inaway ka ba nila? Pinaalis ka nila? Tara at susugurin ko!” baling kaagad ng babae at mabilis na hinatak ang anak niya patayo.

Advertisement

“Hindi mommy, hindi,” sabi ni Mateo sabay pigil dito.

“Lagi ka kasing galit kapag nasa bahay ako kaya lumalabas na lang ako para makapagtrabaho ka. Hindi ka na kasi katulad ng dati mommy, hindi mo na ako gustong makita at lagi ka ring naiinis sa boses ko kaya rito na lang ako sa labas, ayos lang naman,” sabi ng anak niya at napalunok si Lanie sa kaniyang narinig.

“Mommy, please don’t get mad. Ayaw ko na magalit ka, hindi naman ako nag-iingay rito sa labas,” dagdag pa ng bata.

“E anong ginagawa mo rito kapag nandito ka?” mangingiyak-ngiyak na tanong ni Lanie sa bata.

“Wala, minsan nakikipaglaro kapag may batang lumabas, minsan naman nakatingin lang sa mga dumaang tricycle o ‘di kaya naman sumisilip lang sa TV ng kapitbahay natin. Ayos lang ako, mommy, magtrabaho ka na baka mawalan tayo ng pera at baka mas lalo ka pang magalit,” sabi ni Mateo at binitiwan ang kamay niya.

Saglit na naiwang nakatayo si Lanie at napabuntong hininga siya ng malalim habang pumapatak ang mga luha sa kaniyang mata. Dali-dali niyang niyakap si Mateo at umiyak. May kung anong gripo nga raw na nakakabit sa mga mata niya ng mga oras na iyon dahil hindi maubos ang pagdaloy ng kaniyang luha.

Humingi siya ng tawad sa kaniyang anak at ngayon niya mas nakita ang kaniyang pagkukulang at kapabayaan dahil nabulag siya sa problema at hindi nakita na apat na taon pa lamang ang bata at kailangan pa nito ng gabay at pagmamahal na siyang hindi niya naibigay una pa lang.

Isang linggo na hindi pumasok sa trabaho ang babae upang tutukan ang kaniyang anak at ayusin ang lahat ng kanilang pangangailangan ngayon na dalawa na lamang sila sa bahay. Kinausap at pinaintindi rin niya sa bata ang sitwasyon sa paraang hindi ito masasaktan. Ngayon ay kahit papano, masasabi ni Lanie na naayos na niya ang sarili sa pagiging isang ina kay Mateo, mahirap ngunit anak pa rin daw niya ang mas mahalaga sa lahat.