Inday TrendingInday Trending
Palagi na Lamang Daw May Komento ang Kapatid ng Babaeng Ito sa Kaniyang Buhay, Sa Huli’y Isang Malaking Sikreto Pala ang Mabubunyag sa Dalawa

Palagi na Lamang Daw May Komento ang Kapatid ng Babaeng Ito sa Kaniyang Buhay, Sa Huli’y Isang Malaking Sikreto Pala ang Mabubunyag sa Dalawa

“Anong pinagsasabi mo na magpapakasal ka? Nawiwindang ka na ba, Aira?” tanong ni Rica sa bunso niyang kapatid nang maabutan niya itong nakikipagtalo sa nanay niya.

“O, bakit nandito ka sa ‘Pinas? ‘Di ba nasa Canada ka? Anong ginagawa mo rito?” tanong ng dalaga sa kaniya.

“Pinauwi ako ni mama kasi hindi ka na raw niya makontrol sa mga kagagahan mo! Umupo ka nga at baka masabunutan kita, nanggigil ako sa’yo!” inis na baling ni Rica rito.

“Anak, magpahinga ka muna, kakarating mo pa lang. Uminom ka muna ng tubig,” wika ni Aling Vivian, nanay ng babae.

“Nakakainit naman talaga ang aabutan ko. Sinasagot-sagot ka na ng batang ‘to! Ano ba pinagmamalaki niyang syota mo at siguradong-sigurado ka nang magpakasal sa kaniya?” baling muli Rica rito.

“Bakit ba sa tuwing may mangyayari sa buhay ko o sa kahit anong aspeto ay kailangan nakikisawsaw ka, ate? Naiintindihan kong ikaw ang nagtratrabaho sa ibang bansa para mabubay kami pero huwag mo naman gamitin ‘yun para kontrolin ang buhay ko. Parang mas malala ka pa kay mama kung magalit ka riyan!” sigaw din ni Aira sa kapatid.

Mabilis sanang hahatawin ni Rica ang babae nang mabilis din siyang napigilan ng kaniyang nanay.

“‘Wag, anak, hindi solusyon ang manakit, huwag,” awat ng matanda.

“Nasa tamang edad na ako, 18 anyos na ko at ilang taon na lang ay matatapos na ako sa pag-aaral. Si Jovit na raw ang bahala sa akin, ayaw kong mawala sa akin ang boyfriend ko kaya magpapakasal na kami,” paliwanag ni Aira sa dalawa.

“Bakit, buntis ka ba? Kaya ka ba nagkakaganyan? Ano bang meron sa lalaking iyon na nakuha sa’yo at gustong-gusto mo nang magpatali?” galit pa ring tanong ni Rica rito.

“Marami ka pang hindi nalalaman sa mundo, kung alam mo lang, Diyos ko!” dagdag pa ng babae.

“Hindi ko kailangan sagutin ‘yan ‘di naman kita nanay!” baling ni Aira sa kaniya. Hindi malaman ni Rica ngunit naging masyadong mabilis ng kilos niya at nasampal ito ng malakas.

“Patawarin mo ako, Aira,” iyak ni Rica ilang segundo ang makalipas nang dumampi ang mabigat niyang kamay sa pisngi nito.

“Huwag kang umalis, may kailangan kang malaman,” dagdag pang muli ni Rica at mas lalo pa itong naiyak.

“Anak kita, Aira, anak kita!” sigaw ni Rica rito saka napaluhod sa harap ng dalaga.

“Anong pinagsasabi ni ate, ‘ma?” naguguluhang tanong ni Aira kay Aling Vivian.

Hindi nagsalita ang matanda at yumuko na lamang ito.

“Anak kita, Aira, sa akin ka nanggaling. Nabuntis ako nung 17 anyos pa lang ako sa tatay mo na akala ko magiging katuwang ko habang buhay pero hindi. Bata pa ako noon at hindi ko alam paano ang gagawin ko nung sinabi niyang ayaw pa niyang maging tatay. Hindi kita kayang ipalaglag pero hindi ko pa rin kayang maging isang ina dahil mas gusto kong maging doktor. Kaya naman nagpunta kami sa Canada kung saan kita pinanganak at umuwi rito sa ‘Pinas at pinalaking kapatid kita,” bunyag ni Rica kay Aira na parang hindi naririnig ang mga sinasabi niya dahil nakatulala lamang ang dalaga.

“Alam kong kakamuhian mo ako kapag nalaman mo ang totoo pero mas kakamuhian ko ang sarili ko kapag nagaya ka lang sa akin. Bata ka pa, Aira, ang dami mo pang pwedeng marating at maabot sa buhay bukod sa pag-aasawa. Magalit ka sa akin pero hinding-hindi ko papayagan na mapariwara ang buhay mo ng ganito kaaga. Patawarin mo ako, anak, patawad,” iyak ni Rica rito at lumuhod sa dalaga.

Nang lumaki na si Aira ay unti-unting pinagsisihan ni Rica ang naging desisyon niya na itago ito sa lahat ngunit pinangako niya sa kaniyang sarili na sasabihin ang totoo sa tamang panahon. Hanggang sa kinain na siya ng takot at nagtago na lamang sa kaniyang ina at mas piniling suportahan si Aira sa lahat ng aspeto ngunit bilang kapatid lamang ito.

Katulad ng inaasahan ay nabigla si Aira at nagalit sa kaniyang pamilya ngunit trinabahong maiigi ni Rica ang kaniyang anak sa pagkakataong ito at hindi niya iyon sinukuan. Binitiwan ng babae ang trabaho sa ibang bansa at dito na sa ‘Pinas naghanap buhay. Hanggang sa lumipas ang panahon at naintindihan din ni Aira ang kaniyang ina at pinatawad ito.

Ngayon ay ipinangako ni Rica sa sarili na hindi na muling tatalikuran pa ang responsibilidad niya na maging isang ina at hinding-hindi na rin itatago pa sa kahit na sinong tao.

Advertisement