Nauumay na Raw ang Mister sa Kaniyang Misis Dahil sa Araw-araw na Niyang Nakikita ang Babae; Sa Huli’y Siya Pa Pala ang Bulag sa Kanilang Dalawa

“Mahal, ano gusto mong ulam mamayang gabi?” tanong ni Yeng sa kaniyang mister.

“Wala na ba tayong ibang pag-uusapan kung ‘di tungkol sa ulam at mga pagkain?” natatawang sagot ni Ian dito.

“Ano pag-uusapan natin na ganitong parehas na tayong nasa bahay,” natatawang sagot din ng babae sa kaniya.

“Kahit ano, ikaw na bahala,” sagot ng lalaki saka napailing at bumalik na lamang sa kaniyang trabaho.

Call center agent ang lalaki ngunit nang magkapandemya ay nalipat ito sa pagtratrabaho sa bahay na siyang naging dahilan upang oras-oras niyang makita ang kaniyang asawa at anak.

“Pareng Jun! Mukhang ang aga niyang tagay mo,” bati ni Ian sa kumpare niyang nag-iinom, lumabas ang lalaki upang bumili ng sigarilyo.

“Hindi ka lang talaga lumalabas sa inyo, pare, tara rito at dito ka muna magpalipas ng oras mo,” sabi naman ni Jun sa kaniya.

“Alam mo, ang dami talagang epekto ng pandemiya na ito. Tingnan mo, ang aga-aga nag-iinom na ako,” dagdag na sabi ng lalaki.

Advertisement

Hindi naman sumagot si Ian at natawa na lamang sa kaibigan saka siya naupo sa tabi nito at sinindihan ang sigarilyo niya.

“Alam mo, Pareng Ian, atin-atin lang naman. Dati miss na miss ko si misis kapag nasa trabaho at ganadong-ganado ako pero noong sa bahay na siya nagtratrabaho ay nauumay na ako! T@ng!na, hindi pala masaya ang mga work from home!” bulong ni Jun sa kaniya.

“Ikaw ba? Hindi ka nauumay sa asawa mo? Palagi na lang ulam o ‘di naman kaya mga kalat at sa bahay ang pinag-uusapan at pinagtatalunan namin, sakit sa ulo,” muli pang dagdag ni Jun sa kaniya.

“Naku, parang kami lang ni misis, puro ulam ang pinag-uusapan,” natatawang sagot ni Ian sa lalaki.

“May gana ka pa bang tabihan si misis? Ako kasi kailangan ko na yata ng alak, nauumay na rin ako!” birong sagot ni Jun sa kaniya at hindi na sumagot pa si Ian sabay nagpaalam na ito.

Nang makabalik na ito sa kaniyang upuan ay tahimik siyang napaisip sa sinabi ni Jun. Tiningnan niya ang asawa na abala sa paghuhugas ng pinggan at pagluluto ng kanilang tanghilan habang nasa may paahan nito ang anak nilang apat na taong gulang na. Simula nang makapanganak si Yeng ay sa bahay na lang ito nagtrabaho bilang isang manunulat at mas maluwag ang oras nito kaysa sa kaniya.

Napailing siya ng lihim at napapikit dahil kahit ayaw man niya ay nakakaramdam siya ng pananawa sa misis. Oras-oras kasi niya itong naririnig at nakikita, hindi naman kalakihan ang bahay nila.

“Anong problema, Ian?” tanong ng babae nang mapansing nakapikit siya at parang napakalalim ng iniisp.

Advertisement

“Wala, trabaho lang,” sagot ng lalaki at nagkunwaring abala sa kaniyang computer.

“Yeng, may tanong ako,” biglang saad ng lalaki.

“Hindi ka ba nagsasawa na oras-oras mo akong nakikita?” tanong ng lalaki sa kaniya.

“Hindi naman, masaya nga ako at nandito ka na sa bahay nagtratrabaho at mas ligtas sa sakit,” nakangiting sagot ng misis niya.

“Ibig ko bang sabihin ay… wala, hayaan mo na,” sagot ni Ian at hinayaan na lang ang asawa niya sa ginagawa nito.

Hanggang sa tumagal ng tumagal ang mga araw at buwan ay tumataas ang pananawa ng lalaki hanggang sa nag-iinom na rin ito sa gabi kasama ng iba pang tambay sa labas.

“Papa, bakit ka umiinom?” tanong ni Yurie, anak ng lalaki.

“Kailangan lang magpahinga ni papa, anak, kasi buong araw akong nasa bahay at kailangan magrelax para makapagtrabaho ulit para may pera,” sagot niya sa bata.

Advertisement

“Bakit si mama walang pahinga?” biglang tanong ng bata at napatigil siya.

“Tinuruan ka ba ng mama mo at bakit ganiyan ang tanong mo sa akin?” pagalit niya sa anak.

“Hindi po, kasi si mama simula umaga nagluluto, naghuhugas, nagpapakain sa akin at nag-alaaga. Sa gabi, nagluluto pa rin siya at maghuhugas tapos maglalaba pa tapos magtratrabaho kapag tulog ka na. Pero bakit siya walang pahinga tapos ikaw iinom sa labas para magpahinga? Bakit ganon, papa?” tanong muli ng kaniyang anak.

Hindi nakasagot si Ian at hinanap niya si Yeng.

“Nasa banyo siya, naglalaba, kasi mahal daw mag-washing machine kaya magkukusot na lang siya,” sagot ng bata nang mapansin nito na hinahanap ng kaniyang ama ang kaniyang ina.

“Sorry, anak,” sabi ni Ian at mabilis na niyakap ang kaniyang anak. Ngayon lamang niya nakita ang mga ginagawa ng kaniyang asawa sa mahabang panahon. Kahit kailan ay hindi siya nakarinig ng reklamo mula sa babae ngunit ang anak na pala niya mismo ang makakakita na napapagod din ang asawa niya. Kaya naman dali-dali siyang naghubad ng tsinelas at hinugasan ang pinagkainan nila. Saka ito naglinis at nakipaglaro kay Yurie.

“O, akala ko ba makikipag-inuman ka?” tanong ni Yeng nang makita ang mister.

Hindi naman sumagot si Ian at nginitian lamang ang kaniyang anak saka siya bumulong sa bata na, “Simula ngayon, palagi na nating tutulungan si mama,” sabay halik sa ulo nito.

Advertisement

Mas nakita niya ngayon ang magandang benepisyon ng pagtratrabaho sa bahay at iyon ay ang pagkakataon niyang maging isang mabuting ama sa mata ng kaniyang anak hindi lamang sa pinansiyal na aspeto ngunit sa pagiging isang tao nito. Mas tinutulungan na rin niya ngayon si Yeng sa mga gawaing bahay at nakita niyang nawawala ang umay na nararamdaman niya noong una at mas napalitan ng kagustuhang matapos na nila ang mga gagawin upang magkaroon ng oras sa isat isa.