Walang Negosyong Pumapatok sa Lalaking Ito, Isasampal ng Anak Niya Mismo ang Malas na Dala ng Lalaki
“Kakabukas pa lang naman ng ipinatayo mong pwesto sa bayan, maghintay ka pa ng ilang buwan para masabi mo kung mahina talaga,” wika ni Imelda ang misis ni Jaime.
“Sumasakit ang ulo ko kapag naiisip kong puro palabas ang perang inipon ko sa ibang bansa. Baka ‘pag nagtagal ang ganitong kamalasan ay mag-uulam tayo ng asin,” baling ni Jaime sa babae habang nagkakape ito sa kanilang hardin.
“Isa pa, nakakahiya sa kasosyo kong si Mareng Matilda, baka iniisip nun ay walang kwenta ang mga naiisip kong negosyo at hindi pumapatok,” dagdag pang muli ng lalaki.
“Huwag kang masyadong mag-isip ng ganiyan, hindi naman tayo pababayaan ng mga anak natin na napagtapos mo bilang mga doktor. Isa pa may sari-sari store naman ako na ipinatayo mo, kahit papaano ay malakas ito rito sa atin. Marami ka kasing ka kompetensiya sa bayan kaya naman hindi ganun kalaki kaagad ang kita,” sagot muli ni Imelda sa kaniya.
“Hindi mo naiintindihan, mahirap ang walang perang sarili, paano puro ka lang kasi hingi!” mahinang baling ng lalaki.
Hindi sumagot si Imelda at itinuloy na lamang ang pagkakape nila.
“Grabe naman yata kayo kay mama, baka nakakalimutan niyo na siya ang nandito simula pagkabata namin dahil nagtratrabaho kayo sa ibang bansa,” biglang sabi ni Rico, ang panganay na anak nila na isang doktor.
“O, nandito na pala ang doktor na pinagtapos ko! Nakikinig ka pala sa away namin ng mama mo, bakit? Sa tingin mo ba kung hindi ako nag-abroad ay magiging ganito kaginhawa ang buhay niyo?” singal ni Jaime rito.
“Tigilan niyo na ‘yan, huwag niyong gawing agahan ang pagtatalo at hindi kayo mabubusog ng mga ere niyong nagsasabog,” singit ni Imelda sa dalawa at tumayo ito para pumunta na sa kusina at maghanda ng agahan nila.
Umupo pa rin si Rico kasama ang ama at hindi na lamang ito nagsalita, hinipan ang kape niya saka ito hinigop nang pagkalakas-lakas.
“Simula nang umuwi ako sa ‘Pinas ay mahangin ka na sa akin, porke ba wala na akong trabaho at sa tingin mo aasa na ako sa’yo kaya ganiyan ka makitungo sa akin?” mayabang na tanong ni Jaime sa binata.
“O, bakit ako na naman ang nakita niyo? Saka hindi ba’t kakapatayo niyo lang ulit ng bagong negosyo? Ano, mukhang masama na naman ang balita dahil binabaling niyo na naman ang galit niyo kay mama,” pabalang din na sagot ni Rico sa kaniya.
“Bastos ka rin talaga, huwag mong hintayin na umakyat ang init ng ulo ko at baka makalimutan kong anak kita. Hindi mo na ako nirespeto simula nang bumalik ako!” mahinang baling ni Jaime sa kaniyang anak at bahagya itong tumayo.
“Gusto niyo bang malaman kung bakit wala kayong swerte sa mga itinatayo niyong negosyo?” kalmadong tanong ni Rico sa ama at binalewala lamang ang galit nito.
“Hindi ko kailangan ng opinyon mo dahil alam ko ang ginagawa ko! Isa pa, huwag kang mag-alala dahil hindi ako hihingi ng pera sa’yo kung iyon ang inaalala mo kaya hindi mo ako iniimikan simula nang dumating ako!” sagot ni Jaime sa binata.
“Hindi ho kayo basta minamalas lang sa negosyo kung ‘di kayo mismo ang nagdadala ng malas niyo sa buhay,” diretso at matapang na sagot ni Rico sa ama.
“Akala niyo ba hindi ko malalaman na babae niyo ‘yang kasosyo niyo ngayon? Kumareng Matilda pa ang tawag niyo at talagang pinipilit niyo pa siyang mapalapit kay mama? Ang lakas mo, ‘pa, ikaw na talaga!” natatawa ngunit bakas ang galit sa boses ng binata nang bitawan niya ang pahayag na iyon.
“Wala kang alam sa mga sinasabi mo!” galit at mabilis na banat ng kaniyang ama saka ibinagsak ang kaniyang kamao sa mesa.
“Kayo ang walang alam! Lumaki akong palagi niyong sinasabi kay mama na wala siyang alam sa hirap ng buhay dahil hindi siya ang nag-aakyat ng pera sa pamilyang ito, dahil kayo ‘yun, kayo ‘yung nasa ibang bansa, kayo ang nahihirapan at kayo lang ang palaging may karapatan na magreklamo! Tapos uuwi kayo rito sa Pilipinas, ipagmamalaki sa lahat na napagtapos niyo ang mga anak niyo sa pagiging doktor, dahil magaling kayo at mapera! Hanggang sa unti-unting lumalabas ang baho niyo, may babae kayo at pinatayuan niyo pa ng negosyo!” galit na siwalat ni Rico sa kaniyang ama.
“Ayos lang sana kung may babae ka, matanda ka na, baka roon mo nakikita ‘yung pagkalalaki mo. Pero alam niyo ‘yung hindi tama? ‘Yung maliitin mo si mama, hindi lang ikaw ang nagpatapos sa amin, dahil buong buhay namin ay si mama ang nandito. Hindi lang ikaw ang nagsakripisyo, dahil buhay ni mama ang ibinigay niya maalagaan lang kami. Kaya huwag niyong ilagay sa ulo niyo ang pera dahil habang tumatagal, mas lumiliit ang tingin ko sa inyo sa tuwing minamaliit niyo si mama! Tandaan niyo ho, walang negosyong papatok sa inyo dahil kabit niyo ang kasama niyo! Dapat ito ‘yung panahon na bumawi naman kayo kay mama hindi ‘yung iiputan niyo siya!” dagdag pa ni Rico habang sinasabi ito na nakatitig sa mga mata ng kaniyang ama.
Hindi nakapagsalita si Jaime at tiningnan lamang niya ang kaniyang panganay na umalis at pakiramdam niya ay nanlambot ang kaniyang tuhod. Hindi niya akalain na anak niya pa mismo ang makakaalam na may kabit siya. Kaya naman tahimik siyang nakapag-isip-isip sa kanilang buhay mag-asawa at ngayon niya naintindihan ang kaniyang anak.
Kahit na anong gawin ng kaniyang asawa sa bahay ay maliit ang tingin niya sa babae dahil pakiramdam niya’y wala itong silbi lalo na nga’t simula noong nagsama sila ay hindi naman ito nagtrabaho pero ngayon niya lang din naalala ang lahat ng ipinangako niya rito. Ang magandang buhay na itatayo nilang dalawa bilang mag-asawa. Ngayon lang din naalala ni Jaime na ni isa sa personal na pangarap ng kaniyang misis ay wala siyang natupad dahil inuna ng babae ang kapakanan ng kanilang mga anak.
“Tama si Rico,” mga salitang namutawi sa bibig ng lalaki habang nakatitig ito sa kawalan. Ngayon niya lubos naisip na masyado nga siyang naging hambog sa sarili at nakalimutan na niya ang ambag ng kaniyang asawa. Mas lalo pa siyang nagkamali nang nangaliwa siya dahil lamang pakiramdam niya ay walang silbi ang babae sa buhay niya.
Hindi nagtagal ay hiniwalayan niya ang kaniyang babae at hindi na nagtayo pa ng bagong negosyo. Pinalago na lamang niya ang sari-sari store at mas binigyan ng oras si Imelda. Habang tumatagal ay nakikita niya na hindi lamang pera ang nakakapagpasaya sa kaniyang asawa at maging sa kaniya kung ‘di ang gaan ng buhay na walang problema, walang niloloko at higit sa lahat walang may galit na anak sa’yo. Ngayon, para sa kaniya, ito ang tunay na swerte niya sa buhay.