Nilait-lait Niya ang mga Kaklaseng “Hindi Nagtagumpay” sa Buhay; Siya Tuloy ang Napahiya sa Dulo
Masayang nagtipon-tipon ang magkaklase. Sampung taon na rin ang lumipas simula noong magtapos sila sa kolehiyo at tahakin nila ang iba’t ibang landas.
Si Annie ay napalaki ng ngiti habang sumisimsim ng paborito niyang wine. Nanlalaki kasi ang tenga niya sa mga papuri na natatanggap niya mula sa kaniyang mga kaklase.
“Ang ganda ganda mo, Annie!”
“Ang sexy mo, anong ehersisyo ang ginagawa mo?”
“Grabe, parang hindi ka man lang tumanda! Mas maganda ka pa nga yata ngayon kaysa noon!”
Hindi naman nagsisinungaling ang kaniyang mga kaklase. At higit sa lahat, sa kanilang magkaklase ay siya na yata ang pinakamatagumpay. Paano ba naman kasi, isa na siyang boss sa isang malaki at sikat ng kompanya sa Pilipinas.
Kasalukuyang nagtatawanan ang magkakaklase nang isang may katabaang babae.
“Bakit, Miss?” taas kilay na tanong niya sa babae.
“Annie, ikaw ba ‘yan?” alanganing tanong ng babae.
“Oo, siya nga si Annie. Sino ka ba?” sabat ni Thea, isa sa mga kaklase niya.
Nagliwanag ang mata ng babae.
“Thea, ako ‘to, si Donna!” masayang bulalas nito.
Nabigla siya sa nalaman. Imposibleng si Donna ang babae. Ang kilala niyang Donna ay maganda at seksi! Malayong malayo ang hitsura ng babae sa harapan niya sa Donna na kaklase nila noon.
Subalit nang titigan niya ang mukha ng matabang babae ay nakita niya ang pagkakapareho ng estranghero at ang kaklase nila.
“Donna?” namimilog ang matang tanong ni Thea. Tila nakilala na rin nito ang kaklase.
“Ako nga!” tuwang-tuwang bulalas ng babae.
Ang mga tao sa kanilang mesa ay nakamaang lang sa nangyayari. Maging ang mga ito ay nagulat sa matinding pagbabago sa pisikal na anyo ni Donna.
Napakaganda kasi ni Donna noon. Seksi. Sa katunayan, ito ang pantasya ng bawat kalalakihan.
Hindi tuloy maiwasan ni Annie na mag-usisa at magkomento sa naging hitsura ng dating kaklase.
“Ano ba naman ‘yan, Donna? Ano ang nangyari sa’yo? Bakit naging ganyan ang hitsura mo?” Bakit parang losyang na losyang ka na?” kastigo niya sa babae.
Nahihiyang ngumiti ito. “Naku, may dalawang anak na kasi ako. Ang mga nanay, iba ang priority.”
Tuluyan na siyang napahalakhak sa sinabi nito.
“‘Wag mo ngang idahilan ‘yan. Si Nessa at Stella, may mga anak na rin. Halos lahat ng mga asawa na rin pero hindi naman sila nagaya sa’yo,” nakaismid na wika niya sa kaklase.
“Annie…” narinig niya ang halos magkakapanabay na saway sa kaniya ng ilang kaklase.
“Bakit? Totoo naman, hindi ba? Ang sa akin lang ay, bakit mo pinabayaan ang sarili mo na magkaganyan ka? Paano mo masasabi na successful ka kung ang ginagawa mo lang ay pag-aalaga ng bata at asawa mo?” inis na kastigo niya sa kaibigan.
“Hindi naman siguro nasusukat ng ganda ng trabaho, laki ng sweldo, o taas ng posisyon ang tagumpay, Annie. Ako, masaya ako sa buhay ko. Masasabi ko na kuntento ako sa buhay ko,” taas noong pagtatanggol nito sa sarili.
Sasagot pa sana siya subalit nangibabaw ang boses ng kaklase nilang si Vince.
“Hep, hep! Tama na! Masyado nang nagkakainitan dito!” tila pakengkoy na bulalas nito, marahil upang mabawasan ang tensyon sa paligid.
Kaya naman napagdesisyunan na rin ni Annie na ihinto na ang pagpuna kay Donna.
Masaya silang nagkwentuhan hanggang sa lumalim ang gabi. Noong una ay trabaho at kabuhayan ang pinag-uusapan nila ngunit maya-maya ay napunta ang usapan sa pagpapamilya.
Sa pag-uusap ng kaniyang mga kaklase ay may napagtanto si Annie.
“Wow, grabe! Nakuha ng mga anak mo ang ganda mo, Donna!” narinig niyang isa sa mga komento ng kaklase.
“Nakakapagod maging ina, pero hinding-hindi ko ipagpapalit ‘yun sa kahit na ano,” ani Nessa.
“Oo naman. Ang mga anak ko ang buhay ko,” dagdag pa ni Stella.
“May plano na nga rin kami mag-anak ni Andrew sa susunod na taon, eh,” sabi naman ni Claire.
Napagtanto niya na sa kanilang magkakaklase, siya na lamang pala ang wala pang asawa at sariling pamilya.
“Ikaw, Annie, wala ka pa bang planong mag-asawa?” Iyon ang tanong na bumasag sa pananahimik niya.
“Wala… wala pa akong nahahanap eh. Alam niyo na, abala sa trabaho,” kibit balikat niya.
“Saka bakit ako mag-aasawa? Pampabigat lang ‘yun, baka hindi ako maging matagumpay. Baka malosyang pa ako gaya ni Donna,” dagdag biro pa niya.
Natahimik ang lahat.
“Annie, ano ba ang tagumpay para sa’yo?” rinig na rinig niya ang kaseryosohan sa boses ni Donna.
Hindi siya agad nakapagsalita pero agad rin siyang nakabawi.
“Magandang trabaho, maraming pera, tipong nabibili ko lahat ng gusto ko,” simpleng tugon niya.
“Napapasaya ka ba ng mga bagay na binanggit mo?” muling usisa nito.
Napaisip siya.
“Oo naman, masaya ako,” sagot niya sa kaklase.
“‘Yung mo ang mga kaklase natin. Mukha ba silang hindi masaya sa buhay nila? Mukha bang ikaw lang ang masaya dito?” muli ay tanong nito.
“H-hindi naman, Donna. Alam ko naman na masaya kayo sa mga pamilya niyo. Kitang-kita ko ang saya niyo habang nagkukwentuhan kayo kanina,” napapahiyang sagot niya.
Ngumiti ito. “Eh ‘di nakita mo rin. Hindi porke’t ikaw lang ang maganda, sexy, at boss, ikaw lang ang successful. Hindi lang naman ‘yan ang sukatan ng tagumpay.”
Napayuko si Annie sa hiya sa kaklase. Mukhang napasobra nga ang pangmamata niya sa kasimplehan ng mga kaklase.
“Ako, eto, mataba ako, losyang, pero masaya ako, Annie. Hinding-hindi ko ipagpapalit sa kahit na ano ang pamilya ko ngayon,” paliwanag nito. “Gwapo pa ang asawa ko!” dagdag nito, na naging dahilan ng malakas nilang halakhakan.
“Ako rin! Makulit man ang asawa ko, alam kong sasamahan niya ako sa pagtanda!” segunda naman ni Thea.
Napangiti nang maluwag si Annie. Tuluyan nang nabuksan ang kaisipan niya. Naisip niya na iba-iba nga naman ang mga bagay na magpapasaya sa iba’t-ibang tao kaya sino siya para husgahan kung sino ang matagumpay at kung sino ang hindi?