Araw-araw Nilalakad ng Batang Ito ang Daan Patungo sa Eskwelahan; Isang Regalo ang Handog Para sa Kaniyang Pagsusumikap

Alas kwatro pa lamang ay pupungas-pungas nang bumangon ang batang si Roldan.

Naabutan niya ang ina at ama na tahimik na nagkakape sa kanilang maliit na lamesa. Maaga talagang nagigising ang dalawa. Ang ama niya ay magsasaka sa bukid habang ang kaniyang ina naman ay sinisiguro na makapaghahanda ito ng mga pagkain para sa kanila.

“Anak, kumain ka na rito,” nakangiting paanyaya ng kaniyang ina nang makita nito na gising na siya.

Halos mapapikit siya habang kumakain. Antok na antok pa kasi siya. Subalit wala naman siyang magagawa dahil kung hindi siya gigising ng maaga ay hindi siya aabot sa eskwelahan.

“Anak, kumusta naman ang pag-aaral mo? Isang linggo na lamang at matatapos ka na sa elementarya,” nakangiting untag ng kaniyang ina.

“Ayos naman po, Nanay. Magpapatuloy po ba ako ng pag-aaral sa hayskul, o sasama na po ako kay Tatay sa pagsasaka?” usisa niya sa ina.

Alam niya kasi na hindi biro ang ginagastos ng magulang sa kaniyang pag-aaral.

“Naku, anak! Anong trabaho ba ang sinasabi mo eh ang bata bata mo pa! Siyempre naman ay mag-aaral ka!” sabat ng kaniyang Tatay. 

Advertisement

“Kaso anak, mas malayo ang paaralan kapag nag-hayskul ka. Ayos lang ba ‘yun sa’yo?” tanong ng kaniyang ina. May pag-aalala sa mukha nito.

Matamis na nginitian niya ang ina.

“Oo naman po, Nanay. Ang swerte ko kumpara sa ibang bata. Sina Onyok nga po, gustong gusto pumasok sa eskwelahan pero hindi nila kaya kasi kailangan nilang tumulong sa bukid,” pagkukwento niya sa ina. 

“Pangarap ko po na makapagtapos. Para po maibigay ko ang mga gusto niyo ni Tatay,” nahihiyang dagdag niya.

Pawang napangiti ang kaniyang mga magulang. Tila nakuntento ang dalawa sa sinabi niya.

Ilang sandali pa silang nagkwentuhan bago nagkani-kaniyang paggayak.

Makalipas ang tatlong minuto ay handa na si Roldan harapin ang araw na iyon. Suot ang kaniyang uniporme at ang sapatos na regalo pa ng kaniyang ama noong nakaraang taon ay nagpaalam na siya sa mga magulang.

“Anak, mag-iingat ka sa paglalakad mo, ha. Lalo na’t madilim-dilim pa,” paalala ng kaniyang ina.

Advertisement

Iyon ang buhay na kinakaharap ni Roldan sa araw-araw. Kilo-kilometro ang nilalakad niya ngunit hindi niya iyon alintana.

Sa katotohanan ay marami siyang nakikilala sa kaniyang paglalakbay araw-araw.

“Magandang umaga, Lolo Anselmo!”

“Magandang umaga naman, Roldan! Mag-iingat ka sa paglalakbay mo, hijo!”

Isa lamang si Lolo Anselmo sa mga nakikilala niya sa paglalakad niya papunta at pauwi ng eskwelahan.

Kaya naman kahit hindi biro ang pagod ng paglalakad papunta sa eskwelahan, kahit papaano ay natutuwa siya at marami siyang nagiging kaibigan.

Pasikat na ang araw nang dumating siya sa baranggay na kinatitirikan ng kaniyang paaralan. Dalawampung minuto na lamang at magsisimula na ang klase.

Nasalubong niya pa si Kapitan Anselmo na kagaya ng dati ay may malaking ngiti para sa kaniya.

Advertisement

“Wala ka talagang kupas, Roldan! Aba’t sa anim na taon mo sa elementarya ay tila hindi ka pa lumiban sa klase o nahuli man lang!” natutuwang puri ng matanda.

“Siyempre po, Kap!  May pangarap po, eh!” sagot niya naman, na lalong ikinatuwa nito. Bahagya pa nitong ginulo ang kaniyang buhok bago siya inudyukan nito na pumasok na sa eskwelahan. 

Isang linggo ang mabilis na lumipas at dumating na ang araw ng pagtatapos ni Roldan sa elementarya.

Umarkila pa sila ng traysikel para sa pambihirang pagkakataon na iyon. Kitang-kita ni Roldan ang pagmamalaki sa mukha ng kaniyang Nanay at Tatay nang tawagin ang pangalan niya sa entablado.

Pakiramdam niya ay sa mga ito nanggaling ang pinakamalakas na palakpak.

Bilang pagwawakas ay tinawag ang panauhing pandangal ng okasyon na iyon. Walang iba kung hindi si Kapitan Mariano.

“Mayroon akong nakilalang bata, at bilib na bilib ako sa kaniya,” pagsisimula ng kapitan.

Tila may hinanap ang mga mata nito at ngumiti ang matanda nang magtama ang kanilang paningin.

Advertisement

Hindi man nito sabihin na siya iyon ay alam niya na na siya ang tinutukoy ng matanda.

“Araw-araw niyang nilalakad ang papunta sa eskwelahan na ito. At nang tanungin ko kung bakit ganun na lamang ang pagti-tiyaga niya, sinabi niya na dahil iyon sa pangarap.”

“Pagbati at pagpupugay sa mga estudyanteng magtatapos! Nawa kagaya ng espesyal na batang si Roldan ay hindi kayo mapagod na abutin ang inyong mga pangarap!” pagtatapos ng mensahe ng kapitan, na sinundan ng masigabong palakpakan.

Nahihiyang nginitian ni Roldan ang mga kaeskwela na bumabati sa kaniya.

“Grabe, Roldan, nabanggit ni Kap ang pangalan mo!”

“Congrats, Roldan! Sana magkaklase ulit tayo sa susunod.”

“Anak, grabe! Ikaw ba ‘yung Roldan na nabanggit ni Kapitan? Aba’y sikat ka naman pala dito!” natutuwang komento ng kaniyang Tatay.

Sasagot na sana siya nang makita niya ang kapitan na papalapit sa kanila.

Advertisement

“Kayo ho ba ang magulang ni Roldan? Napakaswerte niyo ho’t napakasipag ng anak ninyo,” nakangiting bungad ng kapitan. 

“Maraming salamat ho, Kap! Isa hong karangalan na makilala kayo,” magalang na tugon ng kaniyang Tatay.

“Kung hindi niyo ho mamasamain ay may simpleng regalo lamang ho ako sa batang ito. Kaunting tulong para sa kaniyang pag-aaral.”

Nanlaki ang mata ni Roldan nang sang lalaki ang lumapit sa kanila na may tulak tulak na isang bagong bisikleta!

“Para ho hindi na siya maglakad,” dagdag pa nito.

Hindi makapagsalita ang kaniyang mga magulang. Alam niya kasi na matagal na iyong pangarap ng kaniyang mga magulang para sa kaniya. Kaso lamang ay wala silang pera. 

Nang makahuma ang mga ito ay abot-abot ang kanilang pasasalamat sa butihing kapitan. Ang kaniyang ina ay napaiyak pa sa sobrang tuwa.

“Maraming salamat po, Kap! Iingatan ko ho itong regalo niyo!” tuwang tuwang bulalas naman niya.

Advertisement

Tuwang tuwa si Roldan. Isang napakagandang regalo ang natanggap niya sa araw ng kaniyang pagtatapos. Marami ang taong naniniwala sa kaniya. Kaya naman hinding-hindi siya mapapagod na magsikap para makamit ang kaniyang pangarap. Buo ang tiwala niya na maaabot niya iyon.