Inday TrendingInday Trending
Nagdamot ang Dalaga sa Kaniyang Kapamilya; Luhaan Siyang Nagsisi Habang Nagdarasal

Nagdamot ang Dalaga sa Kaniyang Kapamilya; Luhaan Siyang Nagsisi Habang Nagdarasal

Napaismid si Corinne nang makita niyang tumatawag ang kaniyang kapatid na lalaki.

“Ano, Kuya? Ang aga-aga mo naman tumawag. May kailangan ka na naman, ano?” kastigo niya sa kapatid.

“Corinne! Pahiram kami ng sasakyan mo!”

Agad niyang naramdaman ang matinding inis.

“Ano? Bakit?”

Dinig niya ang pagkataranta nito. “Si Abby kasi, manganganak na!”

“Kuya, bakit ako ang tinatawagan mo? Tumawag kayo ng ambulansiya! Aalis ako, kailangan ko ng kotse dahil magsisimba ako!” inis na wika niya sa lalaki bago niya ibinaba ang tawag.

Napailing na lamang siya. Inis na inis talaga siya sa kaniyang mga kaanak. Porke’t siya ang may magandang buhay, bawat kibot ng mga ito ay sa kaniya nakadepende.

Tumawag pang muli ang lalaki kaya naman napilitan siyang i-off ang kaniyang cellphone.

May inis pa rin siyang nararamdaman habang papunta siya sa simbahan ngunit iwinaksi niya iyon dahil papunta siya sa tahanan ng Diyos.

Sinalubong siya ng isang madre na nakilala niyang si Sister Alana.

“Salamat naman at nakarating ka, hija,” nakangiting pagbati nito.

“Siyempre naman ho, Sister. Kailangan ko hong makarinig ng salita ng Diyos.”

Bawat miyembro ng kongregasyon ay may nakareserbang ngiti para sa kaniya.

At napakaganda ng sermon ng pari nang araw na iyon.

“Mapalad ang mga mayroon at hindi nauubusan, dahil sila ang inaasahan ng Panginoon na magbibigay sa iba,” wika ng pari.

Sumagi sa isip ng dalaga ang hindi niya pagtulong sa pabor na hinihingi ng kapatid subalit mabilis na iwinaksi niya ang isipin na iyon.

Naroon siya sa simbahan at nakikinig ng salita Nito. Iyon ang mahalaga.

Umuwi siyang may malaking ngiti sa labi. Pakiramdam niya kasi ay nalinis ang kaniyang puso mula sa mga kasalanan.

Kasalukuyan siyang kumakain ng masarap na pananghalian nang makarinig siya ng malalakas at sunod-sunod na pagkatok sa kaniyang pinto.

“Corinne! Corinne! Buksan mo ang pinto!”

Pinigil niyang mapapikit sa inis. Katatapos niya lang magsimba at ayaw niya na magkaroon na kaagad siya ng kasalanan.

Napagbuksan niya ang galit na galit niyang kapatid.

“Kuya, bakit ka nandito, akala ko ba manganganak na ang asawa–”

Hindi niya na naituloy ang sasabihin dahil sa gulat. Wala kasing kaabog-abog na sinuntok ng kapatid niya ang pader sa may pinto.

Magagalit na sana siya nang makita niya ang luha na dumadaloy mula sa mga mata ng kaniyang kuya.

Nakaramdam siya ng munting pag-aalala nang marinig ang lumalakas nitong pag-iyak.

“Kuya, anong nangyayari sa’yo?”

“A-ang asawa at a-anak k-ko…” utal utal na wika nito habang walang patid ang pagdaloy ng luha.

Binundol ng kaba ang kaniyang dibdib. May nangyari bang masama sa pamilya nito?

“Grabe ka naman, Corinne. K-kung pinahiram mo lang sana ang sasakyan m-mo…” muling wika nito.

“Kuya! Ano ang nangyari kay Abby at sa pamangkin ko?” takot na takot na tanong niya.

“N-nasa kritikal silang kondisyon ngayon, Corinne. Natagalan kasi ang pagsundo ng ambulansiya…”

Tila bombang sumabog iyon sa pandinig ni Corinne. Nangyari ang lahat ng iyon dahil sa pagdadamot niya!

Tila tukso pa niyang naalala ang sermon ng pari.

“Mapalad ang mga mayroon at hindi nauubusan, dahil sila ang inaasahan ng Panginoon na magbibigay sa iba.”

Subalit imbes na pagbibigay ay ano ang ipinakita niya? Pagdadamot!

Napaluha na lamang siya sa harap ng kaniyang kapatid, sising-sisi.

Wala siyang ibang magawa kundi ang pumunta sa nag-iisang lugar na maaaring makatulong sa kaniya – ang simbahan.

Napagtanto niya na madalas man siya sa simbahan upang makinig sa sermon ng pari ay iyon ang unang pagkakataon na magdarasal siya nang siya lamang. Madalas kasi ay sumusunod lamang siya sa dasal sa misa.

“Panginoon. Tulungan Niyo po si Abby at ang pamangkin ko. Hipuin Mo po sila ng Iyong mapagpalang kamay,” umiiyak na pakiusap niya.

Hinding hindi niya mapapatawad ang kaniyang sarili sa oras na may mangyaring masama sa pamilya ng kaniyang kapatid.

Hindi alam ni Corinne kung ilang oras siyang namalagi sa simbahan. Taimtim lamang siya na nagdasal para sa kaligtasan ni Abby ang ng anak nito.

Napapitlag siya nang maramdaman niya na may tumatawag sa kaniyang cellphone.

“Kuya…” marahang bungad niya.

Tila sinakal ang kaniyang puso nang marinig niya ang mahinang paghikbi nito.

Nagsimula na ring mamuo ang luha sa kaniyang mga mata.

“Si Abby at ang anak ko… maayos na ang kalagayan nila.”

Tuluyan nang tumulo ang luhang pinipigilan ng dalaga.“Salamat sa Diyos!” ang tanging bulalas niya, habang nag-uumapaw ang pasasalamat sa kaniyang puso.

Masalimuot man ang kabanata ng buhay na iyon ni Corinne ay isang napakalaking aral ang nakuha niya mula roon.

Hindi sapat na pinapakinggan lamang ang salita ng Diyos. Ang gintong aral ay isinasabuhay.

Advertisement