Inday TrendingInday Trending
Iniibig ng Doktor ang Kaniyang Pasyente sa Ospital; May Magandang Bukas Kayang Naghihintay sa Kanila?

Iniibig ng Doktor ang Kaniyang Pasyente sa Ospital; May Magandang Bukas Kayang Naghihintay sa Kanila?

“Good news, Ms. Freya! Mukhang nagbunga na ang anim na buwan mong therapy, sa tingin ko ilang araw na lang ay pwede ka nang makalabas. Kailangan mo pa ring bumalik-balik para sa konsultasyon para masigurong wala na talagang c@ncer cells, ‘di ba, Doc Hiro?” masiglang sabi ni Marc sabay lingon sa isa pang bata at gwapong doctor. Ngunit nawala ang ngiti niya dahil sa mahabang katahimikan na sumunod. Nakatitig lang si Doc Hiro sa notepad na hawak nito at nakayuko lang din si Freya na animo ay hindi masaya sa ibinalita niya. Bagong doktor lang si Marc sa ospital na iyon pero nahahalata niyang tila may kakaiba sa dalawang ito.

Nagpaalam na lalabas ng kwarto si Marc, saka dumiretso sa istasyon ng mga nurse.

“Magkakilala ba si Ms. Freya at saka si Doc Hiro?” tanong niya sa mga ito.

“Oo doc, alam mo ba balita ko eh high school sweethearts sila. Pero nangibang bansa daw si Doc Hiro kaya nagkahiwalay. Nang pumasok dito sa ospital si Ms. Freya, first time yata ulit nilang magkita. Naku eh halata namang may feelings pa sila sa isa’t isa, kilig ‘no?!” Tulad ng inaasahan, alam ng madaldal na nurse na si Sheena ang lahat ng kwento sa ospital.

Sa kwarto naman ni Freya, binasag ni Hiro ang katahimikan.

“Kahapon, pumunta ulit yung isang lalaki dito, may dalang bulalak. Kaso tulog ka,” sabi nito. Hindi nito diretsong itinanong pero ang totoo ay gusto niyang malaman kung nobyo ba iyon ng dalaga.

Gusto sana ni Freya na sabihing fan niya lang iyon dahil isa siyang fashion designer, ngunit pinigil niya ang sarili. Ayaw niyang magbigay ng kahit anong motibo dito dahil kapag nagkataon ay ito lang ang masasaktan.

Noong isugod siya sa ospital dahil sa sakit niya, halos mahimatay siya ulit nang makita ang nag-aalalang mukha nito. Akala niya ay nanaginip siya ngunit napag-alaman niyang bagong doctor ito doon. Hindi niya maitatanggi na may nararamdaman pa rin siya para dito, ngunit iba na ang sitwasyon ngayon, hindi na sila mga bata, at natatakot siyang iwan na naman ito sakaling lumala pa ang c@ncer niya katulad nang ginawa niya noon kaya ito nangibang bansa na lang.

Napabuntong hininga na lang si Hiro nang hindi siya kibuin ng dalaga. Magkahalong takot at saya ang naramdaman niya nang makita itong muli. Siya pa mismo ang nagpresintang maging doktor nito dahil gusto niyang gawin lahat upang gumaling ito. Aaminin niyang may pagtingin pa rin siya dito, ngunit tila malinaw na wala na itong nararamdaman para sa kaniya. Sa anim na buwan ay hindi nito hinayaang makalapit siya. Lagi nitong ipinapamukha na doktor siya at pasyente ito, iyon lang. At ngayon ngang lalabas na ito ng ospital, tiyak na maiisip niya ito palagi. Sana man lang ay naayos nila ang gusot sa pagitan nila.

Ngunit lumipas ang isang linggo ay lalong nawalan ng pag-asa si Hiro dahil hanggang makaalis ito ay hindi man lang siya tinatapunan ng tingin ni Freya. Pinangako niya sa sarili na sa labas ng ospital niya ito muling susuyuin.

Ngunit hindi inaasahang nagkaroon ng maraming emergency kaya’t naging abala siya sa buong linggo. Gayunpaman, kahit wala masyadong tulog at kain, laging pumapasok sa isip niya si Freya. Kumusta na kaya ito? Tanong niya sa kawalan habang nagpapahinga saglit. Nagulat siya nang makarinig ng malakas na pagbukas ng pinto at makita si Sheena na humahangos papalapit sa kaniya.

“Doc Hiro! Si Ms. Freya!” Iyon lang ang sinabi ng nurse at kumaripas na siya ng takbo. Pagdating sa emergency room na tinuro ng nurse ay dagundong na ang tibok ng puso ni Hiro. Lalo pa’t nakikita niyang namimilipit sa sakit at putlang-putla si Freya. Agad umaksyon si Hiro at ginawa ang lahat ng makakaya para sa dalagang minamahal. Nagkaroon ito ng komplikasyon sa tiyan bukod pa sa sakit nitong c@ncer. Tila ba walang nakikita at naririnig si Hiro maliban lang sa operasyon. Unang beses yata sa buhay niyang makaramdam ng ganoong katinding takot ngunit ganoon din kadeterminado.

Matapos ang limang oras na operasyon, imbes na magpahinga ay napag-isa si Hiro upang magdasal.

Binabantayan din niya si Freya kapag may libre siyang oras. At nang araw na iyon na nagising na ang dalaga, nilapitan niya ito upang kumustahin ang kalagayan nito, imbes na malamig na tugon ay nagulat siya dahil niyakap siya nito.

“Natatakot ako…” umiiyak na sabi nito. Gumanti ng yakap si Hiro at wala mang maraming salita, tila ba ang munting tagpong iyon ang nagbukas muli ng puso nilang dalawa.

Sa mga sumunod na araw ay mas naging magaang ang pakikitungo nila sa isa’t isa. Mas ngumingiti na si Freya at tila puno ng buhay.

“Kumusta ang pasyente natin ngayon?” nakangiting sabi ni Hiro isang araw na bisitahin si Freya. Hindi niya duty nang araw na iyon kaya’t ‘di siya mukhang doktor. Natawa naman si Freya at niyakap siya.

“Aba mukhang nakakarami ka na sakin ha,” sabi ni Hiro pero tuwang-tuwa yumakap din sa dalaga.

“Alam mo, naisip ko, sobrang ikli lang pala talaga ng buhay ‘no? ‘Di natin alam kung kailan tayo kukunin ng Diyos. Kung ganoon naman pala ay bakit hindi ko yakapin ang mga taong mahal ko, o ngumiti, o tumawa, ‘di ba?” sambit ni Freya.

Napatigil si Hiro sa sinabi ng dalaga. Mahal siya nito! Hindi makapaniwala sa narinig ay nagtapat din siya ng kaniyang damdamin. Nagtapat din si Freya na nag-aalala lang ito noon dahil may sakit ito at ayaw niyang iwan si Hiro ulit kung sakali, kaya ito umiiwas.

“Doktor naman ako eh, hindi mo kailangang mag-alala. Basta dito ka lang sa tabi ko,” sabi ni Hiro.

Sa lahat ng kanilang pinagdaanan ay nangibabaw pa rin ang pinakaimportanteng bagay – ang pag-ibig. Natutunan nilang maikli lang ang buhay kaya’t dapat hindi iyon sayangin sa takot. Hindi naman kailangang harapin iyon nang mag-isa. At habang may buhay ay may pag-asa.

Advertisement