Ginagawa Lang Naman ng Guwardiyang Ito ang Kaniyang Trabaho; Sapak pa ang Kaniyang Inabot sa Lalaking Sinita Niya

Ginagawa Lang Naman ng Guwardiyang Ito ang Kaniyang Trabaho; Sapak pa ang Kaniyang Inabot sa Lalaking Sinita Niya

FunKarmaStories

Isa na namang pangkaraniwang araw para sa gwardiyang si Darren. Kasama ang kaniyang katrabahong si Louie ay nagbabantay sila sa entrance ng isang restawran. Protocol na sa lahat ng establisyimento ang pagsusuot ng face mask at face shield sa bawat taong papasok at mahigpit iyong ipinatutupad ng dalawang guwardiya sa kanilang pinagtatrabahuhang kainan.

Katatapos lamang noon ng tanghalian ni Darren kaya naman agad niyang hinalinhinan si Louie upang ito naman ang sumunod na makakain. Kababalik niya lamang noon sa kaniyang p’westo nang isang lalaking walang suot na face mask o face shield ang namataan niyang akmang papasok sa kanilang kainan. Dahil doon ay agad itong hinarang ng gwardiya upang ipaalala na kailangan nitong sumunod sa kanilang safety protocols.

“Sir, pakisuot na lang po ang inyong face shield at face mask. Bawal po kasing pumasok kapag wala iyon,” magalang na aniya sa lalaking kararating lang.

Huminto naman ang lalaki at ilang sandali siyang tinitigan. Ganoon pa man, maya-maya ay tinugon lamang siya nito ng isang ngisi at akmang magpapatuloy na ito sa paglalakad papasok sa kanilang restawran.

“Sir, sandali, bawal pong pumasok ang walang suot na face shield at face mask. Kung maaari lamang po ay baka p’wedeng kumuha po muna kayo o bumili n’on at p’wede na po kayong pumasok,” muli ay magalang pa ring sita ni Darren sa mayabang na kostumer.

Matapos iyon ay tila napikon ang lalaki. Masama na ang tinging sumunod nitong ipinukol sa gwardiya bago ito pagalit na nagtanong. “Hindi mo ba ako kilala?” anitong tila naghahamon na.

“Pasensiya na po, sir. Ginagawa ko lang po ang trabaho ko. No face shield and face mask, no entry. Para na rin po iyon sa kaligtasan n’yo at ng iba pang kostumer po ng kainang ito, laban sa coronavirus,” sagot naman ni Darren. Malumanay pa rin ang kaniyang tinig at hindi pa rin nawawala ang paggalang doon kahit pa nga halatang nagsisimula ng tensyon ang kausap niya ngayon. Dahil doon ay tila lalong nainis sa kaniya ang lalaking pasaway. Maya-maya pa nga ay bigla na lamang siya nitong kwinelyuhan!

“Kaibigan ko ang may-ari ng restaurant na ito! Wala akong pakialam sa protocol n’yo!” sabi pa nito at bigla na lamang siyang inundayan ng sapak sa mukha!

Sa lakas ng pagkakasapak ng naturang lalaki sa gwardiya ay napaatras ito at biglang nawalan ng balanse kaya nadulas ito at tumama ang ulo sa mesang nasa labas ng kanilang kainan kung saan inilalagay ang mga papel na sulatan ng kostumer para sa contact tracing!

Nawalan ng malay ang kawawang gwardiyang si Darren dahil napasama ang pagbagsak ng kaniyang ulo at ikinagulat iyon ng lahat. Dahil doon ay mabilis na nakatawag ng pulis at ambulansya ang isa sa mga nakakita ng naturang pangyayari at agad na nadala si Darren sa ospital!

Samantala, kinuyog ng mga tao ang naturang lalaking bigla na lamang nanapak sa guwardiya upang hindi ito makatakas at makaalis hanggang sa dumating ang mga pulis.

Nakabenda na ang ulo ni Darren nang siya ay magising. Nasa loob siya ng isang kwarto sa ospital at doon na rin siya in-interview ng ilang pulis. Isinaad ni Darren ang kaniyang salaysay sa mga ito at sinabi niyang handa niyang sampahan ng kaukulang kaso ang naturang lalaki na noon ay napag-alaman nilang ‘h*gh’ pala sa ipinagbabawal na gamot nang mangyari ang insidenteng iyon.

Sinubukang aregluhin ng lalaki ang gwardiyang si Darren dahil talagang malaki ang kaso nitong kahaharapin kung sakaling ituloy ng guwardiya ang pagsasampa ng reklamo, lalo na at nagsabi pa ang ilan sa mga nakakitang kostumer din ng kainan nang araw na iyon na handa silang tumestigo!

Matindi ang pagsisisi ng lalaki sa kaniyang ginawa. Sinubukan din nitong manghingi ng tulong sa may-ari ng restaurant na binabantayan ng security guard na si Darren, ngunit maging ito ay hindi nagustuhan ang kaniyang ginawa at wala itong balak na siya ay tulungan.

Pagbalik ni Darren sa trabaho ay binigyan pa siya ng bonus ng kanilang boss at pinuri para sa pagpapatupad niya nang maayos ng kanilang protocol. Sinabi nito na nagustuhan nito ang kaniyang ginawa at dahil doon ay mas naging mas maayos ang samahan nilang mag-amo. Sa mga nakakita naman ng nangyaring insidente ay tila mas nagkaroon sila ng respeto at mas mataas na pang-unawa para sa trabaho ng mga katulad ni Darren.

More Stories