Wala Nang Ginawa ang Babae Kung ‘Di Ipangalandakan sa Lahat ang Kaniyang Narating, Sa Huli’y Malinaw Niyang Maririnig ang Kaniyang Sarili
“Good morning, my name is Atty. Fe at kakalipat ko lang dito. Magtatanong sana ako ng pinakamagaling na pedia niyo?” bungad ng babae sa clinic na pinasukan niya.
“Magandang umaga rin po, pwede po kayong mamili sa mga pedia namin. Ito po ang listahan at iskedyul nila.”
“Ako ‘yung bagong City Attorney at wala pa kasi akong kakilala sa mga pedia o doktor dito kaya kung alam mo na, masasabi mo sana kung sino ‘yung pinakamagaling sa kanila, ‘yun na lang din ang pipiliin ko, just do me this favor,” pabulong pang muli niyang sinabi sa babaeng receptionist.
“Naku, ma’am, lahat po ng pedia at doktor namin ay magagaling kaya kayo na po ang pumili na pasok sa iskedyul niyo para hindi po kayo mahirapan,” masiglang sagot pa rin nito kay Fe.
“Attorney, please call me attorney, at hindi ma’am,” mataray na baling niya sa babae at mas nilakasan ang kaniyang boses upang marinig ng ibang mga pasyente na nandoon saka namili ng pedia para sa kaniyang anak na dalawang taong gulang.
Bagong salta lamang ang pamilya ni Fe sa lugar ngunit wala na itong ginawa kung ‘di ipagkalandakan ang posisyon niya sa munisipyo.
“Alam mo, ibang-iba talaga ang mga tao rito sa inyo, ang dami kong pinuntahan ngayon at kapag sinabi ko na ako ‘yung bagong abogado sa munisipyo ay wala man lang akong special treatment na natanggap! My goodness!” reklamo ni Fe sa kaniyang mister na kakauwi lamang sa trabaho.
“Alam mo naman ang mga tao, hindi ka papakitaan ng maganda kapag wala silang kailangan sa’yo. Kahit ako rin, sa opisina, parang wala lang. Wala pa rin akong kliyenteng natatangap at puro papel na kung ano-anong babasahin lang ang binigay sa akin!” reklamo rin ni Raymond, ang asawa ng babae na isa ring abogado sa isang pribadong kompanya sa lugar.
Parehas na nagtawanan ang dalawa at pinag-usapan ang mga taong nakasalamuha nila. Ilang buwan pa ang lumipas at ganoon pa rin ang mga tao sa kanila, walang espesyal na pagtrato o kakaibang paggalang silang natatanggap.
“Ano ba namang klaseng clinic ‘to!? Anong oras na wala pa rin ‘yung doktor ng anak ko! Hindi niyo ba alam na may trabaho pa ako?! Kaya nga lunch break lang ang pinili ko kasi ‘yun lang ‘yung oras na pwede ako! My goodness!” inis na reklamo ni Fe sa clinic, halos magdadalawang oras na itong naghihintay para sa check-up ng kaniyang anak.
“Ako si Ismelda, may-ari ng clinic na ‘to. Pasensiya ka na, mukhang nagkaroon ng emergency si Doktor Ramirez kaya siya nahuli,” mahinahong pagkakalma ni Ismelda kay Fe at binigyan ito ng isang malaking ngiti.
“Atty. Fe, ako ‘yung bagong City Attorney! Ikaw pala’ng may-ari nito? Akala ko rati ay empleyado ka lang din, pasensiya ka na, hindi kasi mukhang may-ari ang dating mo,” mabilis na baling pa rin ni Fe sa babae.
“’Panyera, mainit na ang ulo mo!” birong sabi pa rin ni Ismelda sa kaniya.
“Abogado ka rin?” gulat na tanong ni Fe rito.
“Oo, sa asawa ko talaga ang kilinika na ito,” ngiting sagot sa kaniya ni Ismelda.
“Bakit hindi ka nag-abogado? Sayang naman ang pinaghirapan mo!” mabilis na saad ni Fe at pinanlakihan niya ito ng mata.
“A, alam ko na, wala kang makitang kliyente? Mababa ang pasweldo? Naku, ganun talaga lalo na kung regular na abogado ka lang at alam mo na, maraming bagsak bago nakapagtapos. Kaya sumasandal ka na lang sa negosyo ng asawa mo. Ayos lang ‘yan! Alam na alam ko ‘yung mga ganiyang kwento, magaling akong bumasa ng tao. Pero kung interesado ka pa rin na gamitin ang pinag-aralan mo, tawagan mo lang ako. Nasa munisipyo lang ako at pwede kitang bigyan ng posisyon lalo na’t ikaw pala ang may-ari nito!” mabilis ding dagdag ni Fe at ngumiti lamang si Ismelda sa kaniya habang malakas na halakhak naman ang ibinigay ni Fe at ini-abot ang kaniyang calling card.
Pagkabalik niya sa opisina ay kaagad niyang hinanap sa internet si Ismelda at hindi siya makapaniwala na ang babaeng kausap niya kanina ay isa palang international lawyer. May lisensiya ito sa ibang bansa bilang abogado at maging dito rin sa Pilipinas.
“F*%k!ng$h!” mga salitang lumabas sa kaniyang bibig nang makumpirma niya sa kaniyang kakilala ang mga impormasyon tungkol kay Ismelda.
“Ang daming kumukuha sa kaniya pero ang sabi sa mga naririnig ko ay dedikasyon niya raw ang pagtulong sa klinika nung asawa niya. Ang sabi pa nga ay maraming tinutulungan ‘yung clinic na ‘yun at ‘yun din daw ang pinakamura sa lugar diyan! Marami rin ‘yang binibigyan ng trabaho at higit sa lahat, isa ‘yan sa pinakamalaking magbigay ng donasyon sa mga mahihirap lalo na ‘pag tungkol sa libreng pagpapagamot,” sabi pa ng babaeng kausap niya sa telepono.
“Pero bakit may pa-ganon? Tatakbo ba sila sa eleksyon? O marami lang pera kaya ganoon?” baling niya sa kausap.
“Hindi, kasi nabigyan ng pangalawang buhay ‘yung asawa niya kaya naman simula nun, sabi niya tutulong siya sa mga may sakit. Kahit nga ‘yung mga kaso na hawak niya minsan ay hindi na siya nagpapabayad,” sagot naman muli ng nasa kabilang linya.
Hindi na nakapagsalita pa si Fe at napalunok na lamang ito ng laway. Ngayon niya napagtanto na hindi lahat ng abogadong katulad nilang mag-asawa ay sakim sa posisyon, kapangyarihan at atensiyon dahil may mga natitira pa palang katulad ni Ismelda. Isang abogado at napakatalinong tao ngunit napakamapagkumbaba nito.
Ngayon niya napagtanto sa sarili na mukha siyang katawa-tawa sa tuwing pinagkakalandakan niya ang kaniyang posisyon gayong may mga tao pala sa paligid niya na mas mataas pa sa kaniya ang narating sa buhay. Simula noon ay natutunan niyang manahimik at mamuhay nang normal na tao sa labas ng kaniyang opisina. Hindi na niya pinagsisigawan ang kaniyang posisyon o ang kaniyang pagiging abogado.
Hinintay niya na magalit sa kaniya si Ismelda o kumalat man lang ang tsismis tungkol sa pang-aapi niya rito ngunit hindi ito nangyari kaya naman sa tuwing makikita niya ang babae ay nagsisilbi itong paalala sa kaniya na hindi katalinuhan ang nagpapataas sa isang tao kung ‘di ang mabubuting gawain nito sa salita at sa gawa. Siya na ang humingi ng tawad sa babae at niyakap lamang siya nito bilang tanda ng taos-pusong pagpapatawad.