Handa na Raw Magpakilala ang Babae sa Pamilya ng Kaniyang Nobyo, Hindi Niya Akalain ang Mabubunyag sa Pagkikitang Iyon
“Himala yata ito, Paul, sa wakas ay makikilala na namin ang babaeng kinahuhumalingan mo!” pang-aasar ni Terry, ang nakakatandang kapatid ng binata habang umiinom ito ng kape.
“Naku naman, parang awa niyo na! Huwag niyo naman ako masyadong ipahiya!” pagmamakaawa ni Paul sa kaniyang ate. Matagal nang magkarelasyon sina Paul at ang nobya nitong si Sammy. Nakilala niya ang babae sa isang concert at kahit maraming may ayaw dito ay hindi napigilan ng binata ang mahulog at mahalin niya si Sammy nang lubusan. Hindi magaling makihalubilo ang nobya niya at sobrang pihikan din ito sa tao kaya naman halos sa anim na taon nilang relasyon ay ngayon pa lamang magpapakita ang babae sa kaniyang pamilya.
“Pwede bang magtanong? Paano ka naulila? Itinapon ka ba sa simbahan, ganoon?” inosenteng tanong ng siyam na taong gulang na kapatid ni Paul at lahat sila ay tila nasamid habang kumakain ng tanghalian. Mabilis naman na pinandilatan ng mata ni Paul ang kapatid ngunit ngumiti kaagad si Sammy saka tumango.
“Nasunugan kami nung bata pa ako at parehas silang nawala. Ako lang ang nakaligtas, maraming gustong umampon sa akin at kumupkop ngunit mas pinili kong manatili sa isang bahay-ampunan kung saan doon na ako lumaki. Noong matapos ko ang kolehiyo ay saka ako umalis doon para magtrabaho,” malambing na pahayag ni Sammy rito.
“Alam mo, napaka-pamilyar ng boses mo!” sabi ni Terry sa babae.
“Saglit lang, hindi ako pwedeng magkamali kasi sa akin nakatoka ang boses na ‘yan!” pagpupumilit pang muli ni Terry at mabilis na kinuha ang kaniyang telepono saka ito dali-daling pumindot ng numero upang tawagan.
Laking gulat naman ng lahat na bigla ring tumunog ang telepono ni Sammy na nasa mesa. Mabilis itong ibinaba ng babae at humingi ng pasensiya sa pamilya ni Paul.
Maya-maya pa ay tinawagan muli ni Terry ang numero at inilapit ang kaniyang telepono sa telepono ni Sammy na siyang pinagtakahan ng lahat.
“Sagutin mo nga,” utos ni Terry kay Sammy.
“Naku, nagkataon lang, wala ‘to,” sagot ni Sammy at itinaob ang kaniyang telepono.
“Sagutin mo,” matigas na utos muli ni Terry sa kaniya ngunit hindi pinansin ni Sammy ang babae at itinaas lamang ang kaniyang ulo upang ipakitang hindi siya nasisindak dito.
Kaya lamang ay mabilis din ang mga kamay ni Terry at kinuha ang telepono ni Sammy saka niya ito sinagot.
“Ikaw si Cynthia Gensaza? Baka lang hindi mo na ako nakikilala pero ako si Terry, ‘yung nakatalagang caregiver sa tatay mo na hindi mo dinadalaw sampung taon na ang nakakalipas! Niloloko lang tayo ng babaeng ito! Niloloko ka nito, Paul! Hindi Sammy ang pangalan niya at mas lalong hindi siya ulila!” panduduro ni Terry kay Sammy. Halata namang nagulat si Sammy at dali-dali itong umalis.
Nagtratrabaho si Terry sa tanggapan ng may mga sakit sa pag-iisip sa Bataan at simula nang magbukas ang ospital na pinagtratrabahuhan ay pasyente na nila si Ginoong Gensaza, ang ama ni Sammy. Simula nang dinala ng babae ang kaniyang ama roon ay hindi ito nagpakita pang muli. Palagi nilang tinatawagan ang babae upang pilitin na dalawin ang kaniyang ama dahil sa malubhang kalagayan nito ngunit balewala lamang ito sa dalaga.
Makalipas ang halos isang buwan ay saka nag-usap muli ang magkasintahan.
“Makikipaghiwalay ka na ba? Kukuhanin mo na ba lahat ng mga gamit mo? Tutulungan na kitang magbalot,” bungad ni Sammy kay Paul nang buksan niya ang pinto.
“Bakit ka nagsinungaling sa pagiging ulila mo? Bakit pinabayaan mo na ‘yung tatay mo? Alam mo, Sammy, tanggap ko na hindi ka mahilig sa tao pero ang hindi ko matatangap ay ‘yung babalewalain mo ‘yung sarili mong pamilya,” baling naman agad ni Paul sa kaniya.
“Matagal na akong walang tatay, matagal na siyang wala, matagal na siyang nakalibing sa puso ko,” sagot ng dalaga.
“Mahal na mahal ng tatay ko ang nanay ko, kaya nung nalaman niya na may lalaki si mama at iiwan na siya ay hindi niya matanggap kaya nagkasunog sa bahay, mali, kaya sinunog niya ang bahay! Kinulong kami ng tatay ko sa kwarto dahil hindi niya raw ako anak, anak daw ako ng nanay ko sa ibang lalaki kaya naman kailangan ko rin daw mam@t*y. Totoo ang sunog, totoong wala na ang nanay ko pero ginawa niya ang lahat para makaligtas ako at simula no’n ay itinatak ko na sa sarili kong wala na rin ang tatay ko,” malamig na sinabi iyon ni Sammy sa lalaki.
Saglit na natahimik si Paul.
“Kaya kung pipilitin mo akong makipag-ayos sa tatay ko, maghiwalay na lang tayo,” dagdag pang muli ng dalaga.
“Pasensiya ka na kung nagalit ako sa’yo kahit hindi ko pa naririnig ang kwento mong ito pero isa lang ang sasabihin ko sa’yo. Makakapamili tayo ng kaibigan, ng asawa, ngunit hindi natin mapipili ang ating mga magulang. Alam kong mabigat para sa’yo ang magpatawad pero sana kahit sa huling pagkakataon, ikaw na ang magpalaya sa sarili mo sa sakit ng nakaraan. Puntahan mo siya habang may oras pa dahil sa huli, siya lang ang tatay mo, at kayo lang ang makakapaghilom ng sugat na ‘yan sa puso mo,” saad ni Paul at umalis na rin ito.
Biglang naiyak si Sammy nang hindi niya inaasahan, biglang bumalik sa kaniyang memorya ang masasayang alaala nila ng kaniyang ama. Puno ng galit, poot, katanungan, at sumpa ang puso ni Sammy ngunit tama si Paul, siya lang din ang makakapagpalaya sa kaniyang sarili.
Kaya naman muling nagpakita si Sammy sa kaniyang ama at isinumbat niya ang lahat ng galit dito.
“Patawarin mo ako, anak, patawarin mo ako pero maraming salamat dahil dumating ka at makakahingi ako ng tawad sa’yo. Ito na lang ang hinihintay ko, ‘yung personal akong makahingi ng tawad sa’yo dahil alam kong walang kabayaran ang ginawa ko sa inyo ng nanay mo pero pagbabayaran ko ang lahat ng iyon sa impyerno. Kaya salamat dahil nagpakita kang muli, salamat, anak. Ang hiling ko lang ngayon ay ang mabuhay ka nang masaya at malaya sa lahat ng mapapait na nakaraan na ibinigay ko sa’yo. Mabuhay ka nang malaya, Cynthia,” iyak ng kaniyang ama.
Luha at hagulgol lamang ang naibigay ni Sammy ng mga oras na iyon sa kaniyang ama. Ngayon niya naintindihan si Paul, ngayon lamang niya naramdaman ang gaan sa kaniyang puso, sa kaniyang balikat at sa kaniyang pagkatao. Ginamit na rin niya ang tunay niyang pangalan at pinatawad na niya ang kaniyang ama, hindi nagtagal ay binawian din ito ng buhay.
Sa kabilang banda naman ay binalikan niya si Paul at inihanda ang kaniyang sarili kung hindi man siya tatanggaping muli ng nobyo ngunit isang mahigpit na yakap lamang ang ibinigay nito na hindi niya inaasahan.
“Lahat tayo may mga nakaraan na gusto nating takbuhan, gusto nating kalimutan pero mas matapang ang mga taong hinaharap ito sa pamamagitan ng pagpapatawad. Kaya naman pinapatawad na kita sa lahat ng sa tingin mong kasalanan mo sa akin at sa ating relasyon. Mahal kita, Cynthia, at tanggap ka rin ng pamilya ko,” sambit ni Paul sa kaniya at hinalikan siya sa noo.
Sa mga sandaling iyon ay napatunayan ni Cynthia na mas masarap mabuhay sa katotohanan, masakit man ngunit totoo.