Inday TrendingInday Trending
Dalawang Bagay ang Hangad ng Bata: Magkaroon ng Sariling Bahay at Kompyuter na Ipinagdamot sa Kaniya ng Tiyahin; Matupad Kaya Niya Ito?

Dalawang Bagay ang Hangad ng Bata: Magkaroon ng Sariling Bahay at Kompyuter na Ipinagdamot sa Kaniya ng Tiyahin; Matupad Kaya Niya Ito?

Taong 1995. Narinig ni Moi ang tuwang-tuwa niyang pinsan na si Jestoni, kaedad niya. Nang mga sandaling iyon ay naghuhugas si Moi ng mga pinagkainan. Nakikitira lamang sila ng kaniyang Nanay sa kapatid nitong si Tita Normita. Kaya naman obligado siyang kahit paano ay kumilos-kilos sa bahay upang walang masabi sa kanila.

“Yehey! May family computer na ako! Salamat Mommy!” saad ni Jestoni.

Sinilip ni Moi ang tinutukoy na family computer ni Jestoni. Iyan ang usong naririnig niya. Sabik na isinet-up ito sa telebisyon sa sala. Isinalang kaagad ang bala ng Super Mario. Agad na hinawakan ang joysticks at naglaro kaagad sila ng kapatid nitong si Jeck-jeck. Napansin ng kaniyang Tita Normita na nakatingin siya. Tumapang ang mukha nito.

“Moi, tapos ka na ba sa mga hinihugasan mo?” seryosong tanong nito.

“H-Hindi pa po, tita,” nahihiyang sabi ni Moi.

“Tapusin mo muna iyan. Tapos, magsaing ka na ha,” utos ng kaniyang tita.

Tumalima naman si Moi. Takot na takot siya sa kaniyang Tiya Normita na laging nakaangil sa kaniya, subalit kapag nariyan na ang kaniyang Nanay, tila maamong tupa naman sa kaniyang harapan. Hindi niya magawang magsumbong sa kaniyang Nanay dahil natatakot siya na baka palayasin sila.

Hindi makapagpokus si Moi sa kaniyang ginagawa. Gustong-gusto niyang makipaglaro sa kaniyang mga pinsan sa family computer na iyon. O kahit man lamang makinood. Tumatalon ang kaniyang puso sa tuwing humihiyaw si Jestoni, o kung humahagikgik si Jeck-jeck.

Matapos makapaghugas at makapagsaing sa rice cooker, dahan-dahang lumapit si Moi sa kaniyang mga pinsan. Hindi siya napansin dahil Street Fighter naman ang nilalaro nila. Matamang nanonood si Moi. Maya-maya, napansin siya ni Jestoni.

“Moi, tara, gusto mo bang maglaro?” aya nito.

Maluwag na ngiti ang isinukli ni Moi. Lalapit na sana siya nang biglang may humawak sa kaniyang balikat. Ang kaniyang Tita Normita.

“Moi, baka masira mo. Sa susunod na lang. Pakidiligan mo nga muna yung mga halaman sa labas.”

Bagsak-balikat na sumunod na lamang si Moi sa pinag-uutos ng kaniyang tita. Nagtungo siya sa likod-bahay, kinuha ang timba ng tubig at tabo, at nagtungo sa harapan ng bahay upang diligan ang mga halaman. Hindi niya napigilang mapaiyak. Gusto niyang maglaro ng video games.

Iyong pakiramdam na tila hindi siya makapahinga o makaupo dahil tila nakasubaybay sa mga kilos at galaw niya ang Tita Normita niya. Parang minamanmanan ang kaniyang mga gagawin. Kung siya ang masusunod, gusto niyang umalis na sila sa bahay na iyon at manirahan na lamang sila kahit sa maliit na bahay lamang, basta’t silang dalawa lamang ng kaniyang Nanay.

Minsan, naitanong niya ito sa kaniyang Nanay. Bakit ba sila nakikipisan sa poder ng Tita Normita niya. Wala raw kasing magbabantay sa kaniya. Walang titingin sa kaniya habang nagtatrabaho ito. Gustong sabihin ni Moi na hindi naman siya binabantayan ng kaniyang Tita Normita kapag wala na siya, kundi ginagawa lamang utusan.

Wala namang problema kay Moi kung kinakailangan niyang tumulong sa mga gawaing-bahay. Sa kaniyang batang edad, alam niyang nakikipanuluyan lamang sila, kaya kailangan niyang makisama. Subalit sa bawat araw na dumaraan, pakiramdam niya ay hindi kamag-anak ang tingin sa kaniya kundi isang alila.

Kahit kailan, hindi nakapaglaro si Moi sa family computer ng pinsan. Sa tuwing magtatangka siya, lagi siyang hinaharangan ng kaniyang Tita Normita. Sa batang isip ni Moi, ipinangako niya sa kaniyang sarili na kapag nakapagtapos siya ng pag-aaral, nagkaroon ng trabaho at kumita ng pera, dalawang bagay ang bibilhin niya: sariling bahay at family computer.

Dumating ang araw na pinakaaasam-asam ni Moi. Kinailangan nilang lumipat ng tirahan dahil naitalaga ang kaniyang Nanay sa isang branch ng pabrikang pinagtatrabahuhan sa Marikina. Bumukod sila at nangupahan. Nakaramdam ng kalayaan si Moi mula sa ‘pang-aalila’ ng kaniyang tita, na kailanman ay hindi niya isinumbong sa kaniyang Nanay. Ayaw niya kasing pagmulan ito ng anumang gulo.

Nagpokus si Moi sa kaniyang pag-aaral. Matuling lumipas ang panahon at nakatapos siya ng high school. Iginapang siya ng kaniyang ina upang makapag-aral naman sa kolehiyo. Kursong Mechanical Engineering ang kaniyang kinuha.

Dahil likas na matiyaga, makalipas ang apat na taon ay nakapagtapos na rin sa pag-aaral si Moi. Magna Cum Laude pa. Hindi siya nahirapang makahanap nang maayos na trabaho. Ilang taon lamang ay napromote na siya at kumita nang malaki. Inipon niya ang suweldo upang matamo ang una niyang pangarap: ang magkaroon ng sariling bahay!

At ngayong 2021, sa tuwing may dumadalaw na panauhin sa mala-mansyong tahanan ni Moi, laging napapansin ang koleksyon niya ng bala ng family computer sa kaniyang kuwarto. Tinupad niya ang pangalawang pangako niya sa kaniyang sarili: subalit hinigitan pa, dahil nangolekta rin siya ng sariling arcade, playstation, gameboy, at lahat ng mga nausong video games.

Wala siyang anumang galit na kinikimkim sa kaniyang puso sa lahat ng kaniyang mga pinagdaanan. Nakatulong ang lahat ng ito upang makamit niya ang mga bagay na mayroon siya sa kasalukuyan.

Advertisement