Inis na Inis ang Ginang na Ito sa Kapitbahay na Nagtitinda ng Inihaw na Isda; Ano Kaya ang Tunay na Dahilan?
“Ano ba ‘yan! Ang baho-baho na naman!”
Inis na inis na naman si Aling Bebeng sa katapat na kapitbahay. Nagtitinda kasi ito ng inihaw na isda tuwing hapon hanggang gabi, dahil nawalan ang padre de pamilya ng trabaho dahil sa epekto na rin ng pandemya.
“Mabango kaya! Ayaw mo ba sa inihaw na isda, Mama?” untag sa kaniya ng anak na si Angie habang nakadungaw sa bintana at tinitingnan ang pagpapaypay ng ilaw ng tahanan ng kapitbahay na si Aling Teresita.
“Basta, mabaho!” naiinis na sabi ni Aling Bebeng.
Ang totoo niyan, hindi naman talaga mabaho ang samyo ng inihaw na isda na paninda ni Aling Teresita. Katunayan, talaga namang nakagugutom ang mabangong aroma nito. Ang tunay na dahilan ng kaniyang pagngingitngit, naunahan siya ni Aling Teresita sa ganoong negosyo.
Balak niya kasing magtayo ng isawan sa tapat ng bahay nila, subalit ilang araw lamang, naunahan na siya nina Aling Teresita. At talaga namang malakas ito dahil nakikita niya ang mga dumarayong mamimili. Isa pa sa mga dahilan kung bakit patok at tinatangkilik ang inihaw ni Aling Teresita ay dahil sa napakasarap na sawsawan nito.
Nang minsang magawi lamang ang usok sa kanilang bahay, sinamantala na ito ni Aling Bebeng upang sugurin si Aling Teresita at komprontahin ito.
“Teresita, gusto mo ba kaming gawing tinapa? Napupunta sa bahay namin iyang usok ng pag-iihaw mo. Dumidikit sa mga kurtina kong imported at sa mga sinampay namin iyong usok,” naiinis na buwelta ni Aling Bebeng.
Inaasahan ni Aling Bebeng na makikipagtalakan sa kaniya si Aling Teresita subalit kalmado itong ngumiti at sinserong humingi ng dispensa.
“Pasensiya na po Aling Bebeng, kung magagawan ko lang po nang paraan na hindi mapadpad ang hangin sa lugar ninyo, gagawin ko po. Pasensiya na po talaga. Kailangan lang po naming gawin ito dahil wala na pong trabaho ang mister ko,” paliwanag ni Aling Teresita.
Naiinis naman si Aling Bebeng dahil tila hindi yata naapektuhan si Aling Teresita.
“May permit ba iyan mula sa barangay?” untag pa ni Aling Bebeng. Wala siyang pakialam kung naririnig siya ng mga kustomers ni Aling Teresita.
Nakangiting ipinakita ni Aling Teresita ang barangay permit to operate.
“Opo, Aling Bebeng. Legal at pinayagan naman po kami ng barangay.”
Hindi na kumibo si Aling Bebeng. Subalit nagbanta siya.
“Gawan ninyo nang paraan na hindi magawi rito ang usok. Ayokong maging amoy isda ang mga gamit ko sa bahay, na pawang mamahalin!” pasigaw na sabi ni Aling Bebeng at saka siya tumalikod.
Makalipas ang isang araw, isang nakagigimbal na anunsyo ang ipinarating sa kanila ng barangay. Dahil sa katigasan ng ulo ng mga tao sa kanilang barangay at patuloy na paglobo ng mga taong naaapektuhan ng virus, nagdeklara ng total lockdown ang kanilang barangay.
Hindi pinapayagan ang paglabas-labas kahit bibili lamang ng pagkain sa labas. Sinabihan ang lahat na kailangan may stock ng pagkain sa loob ng bahay, at darating naman ang ayudang grocery items mula sa barangay.
Kaya lang, ang inaakalang lockdown na isang linggo lamang ay tumagal ng isang buwan. Ubos na ang grocery items na ibinigay na ayuda, at wala ring stock ng pagkain sina Aling Bebeng.
“Baka naman magkasakit na tayo kapag puro de-lata at noodles na lang ang kinakain natin,” saad ni Angie sa kaniyang ina.
“Bakit kasi hindi ko naisipang mamili ng mga stock na karne, gulay at isda noon eh,” nanghihinayang na saad naman ni Aling Bebeng.
Maya-maya, may narinig silang katok sa kanilang pinto. Si Aling Teresita! Pinagbuksan niya ito. May dala-dala itong tila inihaw na isda na nababalutan ng dahon ng saging.
“Aling Bebeng, pagdulutan po ninyo, inihaw na isda…” nakangiting sabi ni Aling Teresita. Nabagbag naman ang kalooban ni Aling Bebeng sa pagmamalasakit na ipinakita ni Aling Teresita kahit na inaway-away niya ito, heto’t ito pa mismo ang nagbigay ng tulong sa kaniya.
“Maraming salamat, Teresita. Napakabuti naman pala talaga ng puso mo. Nakuha mo pa akong pagmalasakitan kahit na inaway kita dahil sa simpleng usok na iyan. Patawarin mo ako,” nahihiyang paghingi ng tawad ni Aling Bebeng sa kapitbahay.
“Naku wala iyan, Aling Bebeng. Sino-sino ba naman ang magtutulungan sa kagipitan kundi tayo-tayo ring magkakapitbahay,” nakangiting saad naman ni Aling Teresita.
Napagtanto ni Aling Bebeng na kailangang maging mabuti ang pakikitungo sa mga kapitbahay dahil sila ang maaasahan sa panahon ng mahigpit na pangangailangan at kagipitan.