“Napakaswerte talaga niyang si Jenny no, kahit hindi kagandahan, nakabingwit ng mayamang Amerikano! Sana paglaki ng anak ko miahon rin ako sa kahirapan!” anang isang ale habang pinagmamasadan ang malaking bahay ng dalaga.
“Oo nga mare, pero alam mo ba, masama daw ang ugali niyang si -” sasagot sana ang kausap pero narinig ito ni Jenny.
“Sino? Umalis nga kayo dito. Wala kayong ginawa kundi na lang pag-usapan ang buhay ng may buhay!” ani Jennifer sa dalawa, mabilis namang umalis ang mga ito.
Biglang umangat ang buhay ng probinsyana noong makilala niya ang isang Amerikanong tunay na nagmahal sa kanya. Lahat ng kanyang luho ay ibinigay nito. Nagkaroon siya ng sariling bahay, isang sports car at isang resort na kung saan kinuha niyang trabahador ang mga kaanak.
Naging matagumpay naman ang pagpapatakbo ng dalaga sa nasabing resort, maraming tao ang nagpupunta dito dahil sa gandang mayroon ito.
“O, Mang Isko, baka gusto mong linisin itong swimming pool.” ani Jenny habang metikulosang sinusuri ang tubig ng swimming pool.
“Kakalinis ko lang niyan ineng, marumi pa rin para sayo? Kay arte mo talagang tunay ano?” pagbibiro ng matanda, ngunit napakunot ang noo ng dalaga.
“Mang Isko, baka nakakalimutan mo kung sino ang kausap mo? Sinabi na sa inyong kapag andito sa loob ng resort, ‘Ma’am’ ang itawag ninyo sakin diba?” pagtataray ng dalaga dahilan para mapatungo si Mang Isko.
Dahil nga sa yamang mayroon na siya, madalas nagiging masungit na ang dating palabirong si Jenny. Marami tuloy sa mga kaanak niya ang naiinis na sa kanya. Ngunit ika niya, “Wala akong pakialam sa sasabihin nila, basta ako, kumikita ako ng pera, nabibili ko lahat ng gusto ko. Panigurado, naiinggit lamang sila kaya lagi akong pinag-uusapan.”
Naging busy naman sa trabaho ang kanyang kasintahang Amerikano. Minsan na lamang ito tumatawag at mag-iisang taon nang hindi nakakauwi ng Pilipinas. Ngunit kahit na ganito ang nangyayari ay sinisigurado ng amerikano na hindi siya pumapalya sa pagpapadala ng pera at mga rosas sa kasintahan para maiparamdam ang pagmamahal nito sa dalaga.
Pero siguro nga’y ang hinahanap na pagmamahal ni Jenny ay higit sa pera at bulaklak kaya naman nakahanap ng atensyon at oras ang dalaga sa isa raw sa mga mayayamang lalaki sa kanilang probinsya. Nang malaman iyon ay grabe ang galit ng Amerikano, pinagbabawi nito ang lahat ng naibigay sa nobya.
“Hindi niya ito maaaring gawin, Mama. Lahat ng mga ito ay pinaghirapan ko! Dugo at pawis ko ang inialay ko para mapalakad ng maayos ang resort!” nanggagalaiting anang dalaga.
“Pero Jenny baka nakakalimutan mo, hindi sayo nakapangalan ang resort na ito. Pati na rin ang bahay na tinitirhan natin ngayon, sa kanya nakapangalan. Nakasaad pa dito na kukunin niya lahat ng pera na nasa joint account niyo sa bangko, diba doon lahat pumapasok ang kita ng resort?” malungkot na anang nanay ni Jenny.
Tila tumigil ang mundo ni Jenny noong marinig ang mga salitang iyon kaya naman sinubukan niyang kausapin ang Amerikano ngunit ayaw nang pumayag nito.
“You’re the one who messed up. I gave you everything and what did I get in return? Cheating!”sumbat nito sa kanya, hindi nakasagot ang dalaga kasi totoo naman. Napaiyak na lamang siya.
Dumating na nga ang araw kung saan napalayas ang pamilya ni Jenny sa mala-palasyo nilang tinitirhan. Pansamantala ring pinasara ang resort kaya naman dali-daling nagpunta si Jenny sa lalaking naging dahilan ng paghihiwalay nila ng kanyang nobyong amerikano. Ngunit napatigil siya noong makita niya itong may kargang batang babae.
“May pamilya kana pala?” maluha-luhang ani Jenny.
“Ah, oo Jenny e. Pasensya kana ha. Ang totoo rin niyan hindi talaga ako mayaman. Pilit ko lang inilapit ang sarili ko sayo para kahit paano kumita ng pera pangbili ng gatas ng anak ko. Patawarin mo ako.” nahihiyang pag-amin ng lalaki dahilan para mapatakbo palayo ang dalaga.
Noong makalayo na ay napaupo si Jenny sa gilid ng daan.
“Diyos ko! Bakit niyo ako ginaganito? Patawarin mo ako kung naging ganid ako sa pera. Parang awa mo na huwag mong hayaang maghirap muli ang pamilya ko!” panalangin ng dalaga, nagulat na lamang siya nang may mag-abot sa kanya ng isang sobre.
“M-mang Isko, ano po ito?”gulat na ika ng babae.
“Yaan ang naipon ko sa pagtatrabaho ko sa resort mo dati, iyo na yan. Gamitin mo para makapag-umpisa muli.” ani Mang Isko, pagkasabi noon ay mabilis nitong na ipinedal ang kanyang bisikleta palayo.
Nababago ng pera ang ugali ng isang tao. Wag masyadong magmataas, baka mauntog. Laging tandaan na umiikot ang buhay ng tao, palaging piliing maging mabuti sa kapwa.