Inday TrendingInday Trending

Dahil sa maagang pagpanaw ng kanilang mga magulang, sa lansangan na lumaki ang magkakapatid na Edgar, Lester at Asher. Araw-araw nilang sinusuyod ang buong palengke para makapanglimos. Naghihiwa-hiwalay ang magkakapatid upang makakalap ng maraming barya, tapos ay magkikita-kita sa ilalim ng tulay kung saan matatagpuan ang sarili nilang gawang barung-barong.

“O, kuya may nahingi akong bente doon sa isang mayamang lalaki, binantayan ko lang yung kotse niya.” ani Asher, ang bunso sa magkakapatid.

“Bente lang? Wala ka pala e. Ako nakapanlimos ng kwarenta pesos! Nagbukas-sara lang ako ng pintuan sa 7/11! Mayroon pa akong hotdog!” pang-iinggit ni Lester, pangalawa sa tatlong magkakapatid. “Pero syempre, hati-hati tayo.” nakangiting ika nito tapos ay pinarte sa tatlo ang pagkaing nalimos.

“Ang gagaling naman ng mga utol ko! O, ito ang sakin! Naka-isang daan ako at may mga barya pa! Kumanta lang naman ako sa bus at mga jeep kanina! Ang layo pa ng narating ko!” pagmamalaki ng panganay na si Edgar, tuwang-tuwa naman ang mga kapatid niya.

Halos ganito araw-araw natatapos ang araw ng magkakapatid. Pagkatapos nilang mapagsama-sama ang mga naipong pera, pupunta naman sa malapit na bilihan si Edgar upang mamili ng kanilang makakain.

Ngunit sa kasamaang palad habang nasa daan ang binata, bigla siyang hinarang mga tambay sa tulay at pilit kinukuha ang kanyang bitbit na pera.

“Akin na yan lahat kung ayaw mong masaktan.” sigang ika ng isang lalaki habang nakatitig sa kamay ng binatilyo.

“P-Pasensya ka na Boss, pero pinanlimos lang namin ito ng mga kapatid ko. Ito lang ang pera na mayroon kami para makabili ng pagkain.” anang binata, tinalikuran na niya ang mga tambay ngunit may bigla na lang siyang naramdamang matigas na bagay na tumama sa ulo niya. Tapos noon ay nawalan siya ng malay, agad namang kinuha ng mga tambay ang halos dalawang daang pisong naroon sa kamay ng binatilyo.

Nagising na lang siyang nasa loob na ng kanilang barung-barong. Agad naman niyang tinanong ang mga kapatid kung ano ang nangyari at kung paano siya nakauwi sa kanila, noong malaman niya ito, dali-dali niyang pinag-empake ang dalawa.

“Hindi na tayo ligtas dito, lilipat tayo ng lugar.” natatarantang ani Edgar, hindi niya alintana ang bukol niya sa ulo.

Lumipat sila sa kabilang siyudad, nagtayo muli sila ng maliit na baroung-barong sa tabi ng dagat ngunit mahina ang limusan dito. May pagkakataon na hindi sila nakakakain sa isang araw. Kaya naman nag-isip ang panganay kung paano kikita.

“O, Asher, nakikita mo yung sasakyang yon? Kapag yun umandar at dumaan dito, ibarandal mo yung katawan mo sa mismong kotse. Tapos ikaw naman Lester umiyak-iyak ka, kayang-kaya mo yun diba? Tiyak bibigyan kayo niyan ng pera. Dito lang ako para mag-signal sa inyo.” bulong niya sa mga kapatid, umayon naman ang mga ito dahil sa gutom na nararamdaman nila.

Isinagawa nga ng dalawa ang plano ng kanilang kuya. Tagumpay nilang napaniwala ang driver ng isang magandang sasakyan na nabangga nga ang bata. Ninais ng driver na ipatingin ito sa ospital ngunit iginiit nilang bigyan na lamang sila ng pera, pumayag naman ito.

Tuwang-tuwa ang magkakapatid sa limang daang pisong nakuha nila. Hanggang sa araw-araw na nila itong ginawa ngunit isang araw, nagulat na lamang si Edgar noong hindi na nakabangon ang kapatid na si Asher pagkatapos gawin ang kanilang modus. Kitang-kita niya kung paano totoong lumuha ang kapatid na si Lester dahilan para mapatakbo siya patungo sa mga kapatid niya.

“Kuya! Kuya! Si Asher kuya napuruhan!” sigaw ni Lester, agad namang lumabas ng kotse ang nakabangga at saka isinakay ang bata, sumama naman ang dalawang magkapatid patungong ospital.

“Sir tulungan mo kami. Iligtas niyo po ang kapatid ko Sir!” iyak ni Edgar sa driver ng kotse habang yakap-yakap ang duguang kapatid. Halos hindi naman makaimik sa nasaksihan si Lester.

Hindi naman sila pinabayaan ng nakabanggang lalaki, ngunit balita ni Edgar, malubha ang kalagayan ng kanyang kapatid dahil maraming dugo ang nawala rito. Natulala na lang siya sa isang gilid, nananalanging madugtungan ang buhay ni Asher.

“Kung hindi ko lang sana naisip ang modus na yon, edi sana sa mga oras na ito, kasama ko ang masayahin naming si Asher. Diyos ko, pangako hindi ko na ilalagay sa alanganin ang mga kapatid ko para kumita ng pera. Pangako lalaban na kami ng patas sa buhay at hindi manloloko ng tao, basta iligtas mo lang ang kapatid ko.” mahinang paghikbi ng binata.

At dininig nga ng Maykapal ang kanyang panalangin, naging maayos na ang kalagayan ni Asher. Labis siyang nagpasalamat sa kabutihang loob na mayroon ang lalaking nakabangga.

Inamin nilang pinagplanuhan nila iyon, ngunit imbes na pagalitan sila at ireport sa DSWD, “Magtrabaho kayo bilang mga hardinero ko. May bahay na kayo, makakakain pa kayo.” ika ng lalaki na lubusan namang ikinawindang ng magkapatid.

“Nakita ko ang sarili ko sayo noong minsang malagay rin sa panganib ang kapatid ko. Alam ko ang pakiramdam ng magutom at mawalan ng pag-asa sa buhay.” dagdag pa nito, naiyak sa tuwa ang tatlo.

Sa hirap ng buhay, di maiiwasang sumagi sa isipan na kumapit sa patalim para lang makaraos. Wag magpapadaig sa kasamaan, maniwala lang sa Diyos dahil tiyak na sa bandang huli, gagantimpalaan ang gumagawa ng mabuti.

Advertisement