Inday TrendingInday Trending

Abala sa pag-eempake ng gamit ng anak si Aling Landa. Sa wakas kasi ay makakaalis na ang kanyang nag-iisang dalaga patungong Saudi Arabia. Matagal na niya itong pinapangarap upang makaahon na sa kahirapan na dinaranas dito sa Pilipinas ang kanilang pamilya.

“O, Anak, ilagay mo na dito yung passport mo saka mga mahahalagang dokumento at baka makalimutan mo pa bukas.” paalala niya sa dalagang nakatulala lamang sa isang gilid. “Hoy Arlyn! Ano ba? Bakit nakatulala ka dyan? Diyos ko! Tulungan mo akong mag-empake ng mga damit mo dito!” sigaw niya pa rito, napabalikwas naman ito sabay yakap sa kanya.

“Nalulungkot lang ako Nay, unang beses kong mawawalay sayo tapos sa loob pa ng tatlong taon.” anang dalaga dahilan para mapaluha ang ina.

Labing siyam na taon pa lang si Arlyn ngunit kitang-kita na sa kanya ang determinasyon na makapagtrabaho sa ibang bansa. Hindi biro ang pinagdaanan niyang hirap para makamtan ang trabahong naghihintay sa kanya sa Saudi.

Dumating na nga ang araw ng pag alis ni Arlyn. Madaling araw pa lamang noong ginising siya ng kanyang ina para makapag-almusal. Pinaligo na siya agad at pinagbihis. Isang oras bago ang flight ay nakarating na sila sa airport at doon pinaalalahanan na muli siya ng ina.

“Nak, pagdating mo doon, tumawag ka kaagad sakin ha. Mahal na mahal kita! Huwag kang susuko doon ha, para sa kinabukasan mo lahat yan anak.” matamis na ani Aling Landa, sabay yakap sa humihikbing anak.

“O-opo nay.” matipid na sagot ng dalaga, tila ba may gusto siyang sabihin sa kanyang ina.

Binitbit na niya ang kanyang mga maleta saka naglakad papasok sa airport. Naririnig niya pa rin ang inang sumisigaw, “Ingat ka, Anak ko! Kaya mo yan!” doon na tuluyang bumuhos ang luha ng dalaga.

Pagkapasok sa loob, nadatnan niya ang kanyang mga makakasama sa pag-alis. Nakita siya ng mga ito agad naman siyang nilapitan. Dahil nga sa hagulgol ng dalaga, ipinasok siya ng mga ito sa palikuran at doon ay inamin niya kung bakit ganon na lamang ang iyak niya.

“Mga ate ko, buntis po ako. Ang alam ng nanay ko itutuloy ko ang trabaho ko sa Saudi, pero dahil nga may dinadala ako, hindi ko na ito maaaring ituloy. Tulungan niyo po ako.” hikbi ni Arlyn.

Dahil nga mayroon na lang silang kaunting oras bago ang flight, binigyan na lang siya ng mga katrabaho niya ng pera. Agad namang lumabas ng airport ang dalaga saka nagtungo sa bahay ng nobyo. Ngunit malapit pa lamang siya sa bahay nito, tanaw na niya ang binatang may akbay na babae palabas ng gate.

“Denver, anong ibig sabihin nito? May iba kana agad? Alam mo bang buntis ako?” mangiyak-ngiyak na ani Arlyn, pinapasok naman ng binata sa loob ng bahay ang kasamang babae.

“Anong pakialam ko kung buntis ka? Sigurado naman akong hindi akin yan. Dali na, umalis kana dito, baka pag-awayan ka pa namin ng nobya ko.” malamig na anang binata, sabay sarado ng gate.

Halos manlumo sa mga narinig si Arlyn. Wala siyang nagawa kundi umalis doon at maglakad-lakad kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta.

“Siguro nga kailangan ko nang ipaalam ito kay Nanay. Tiyak kong masasaktan niya ako, pagmumurahin. Pero atleast sinubukan ko.” aniya sa sarili saka tumawag sa kanyang ina. Gulat na gulat naman si Aling Landa.

“Nasaan ka nak? Susunduin ka ni Nanay, huwag kanang umiyak.” natatarantang anang ginang.

Pinuntahan niya nga si Arlyn, nakita niya itong nakaupo sa semento. Agad niya itong nilapitan at niyakap.

“Nay sorry po. Patawarin mo ako Nanay” iyak ng dalaga habang mahigpit na nakayakap sa ina.

“Ano bang nangyari anak? Sabihin mo kay Nanay.”

“Nay, buntis po ako.” kabadong pag-amin ng dalaga.

“Diyos ko.” buntong hininga ni Aling Landa. “Halika uwi na tayo, kaya natin yan. Tutulungan kita, kailan ko ba pinabayaan ang nag-iisang dalaga ko?” dagdag nito, halatang masakit para sa kanya ang sinapit ng anak ngunit pilit siyang ngumiti para bigyang pag-asa ang dalaga.

Doon nabuhayan ng loob si Arlyn, doon niya rin napatunayan na walang sinumang makakapantay sa pagmamahal na mayroon ang kanyang ina. Pinangako niya sa sarili na gagawin niya ang lahat para maiparamdam rin sa kanyang dinadala ang walang katumbas na pagmamahal na natanggap niya.

Minsan naglilihim tayo sa ating mga magulang sa takot na hindi tayo matanggap. Laging tandaan, higit kanino man, ang unang unang tao na makakaunawa sa atin ay walang iba kundi ang ating pamilya.

Advertisement