Tatlong taon din na mas pinili ni Demi ang maging single. Kaya noong may nanligaw sa kanya ay mas naging masinop siya sa pagpili. Takot na kasi siyang makaramdam muli ng sakit.
Hanggang sa nakilala niya si William, nanligaw ito sa kanya at ilang buwan lang ay sinagot naman niya ito. Mabait ang binata at maalaga, kumpara sa dati niyang nobyo na si Jayson ay mas naramdaman niya ang pagmamahal rito,
“Sunduin kita mamaya Love?” malambing na tanong ng lalaki sa kabilang linya.
“Hindi ka ba busy Love?”
“Pagdating sa’yo hindi ako magiging busy,” anito na ikinangiti niya.
“Sige, ikaw na ang bahala Love. Basta hihintayin kita dito mamaya ah. I love you,” malambing niyang wika at saka tinapos ang tawag.
Mag-iisang taon na sila ng nobyo pero hindi pa nangyaring nag-away sila ng malala. Hindi katulad noong sila pa lang ni Jayson ay umiiyak ang araw kapag hindi sila nag-aaway. Hanggang sa nagsawa nalang sila pareho at naghiwalay.
Habang abala sa binibiling groceries upang i-stock sa kanyang apartment ay bigla niyang nabangga ang isang lalaki.
“Ay, sorry po.” hinging paumanhin niya.
“Demi?”
Agad niyang naangat ang paningin sa mukha ng lalaking tumawag sa pangalan niya. “J-jayson?”
“Demi, ikaw nga! Kumusta kana?”
“Ayos lang ako. Ikaw kumusta?”
“Ito single parin,” nakangiting wika nito na para bang may ibig sabihin.
“Ah, gano’n ba. Mabuti naman, nagpapahinga kana ba sa tambak-tambak mong lovelife?”
“Wow! Grabe naman sa tambak-tambak talaga Demi, para mo namang sinabi na ang dami kong niloko,” tatawa-tawa nitong wika.
“Hindi naman masyado.” nakangising sagot niya.
Matagal silang nagkausap at nagkumustahan, nagpalitan ng numero bago tuluyang umuwi. Hindi doon nagtapos ang pag-uusap nila dahil halos araw-araw na itong tumatawag sa kanya. Wala paring nagbabago sa relasyon nila ni William at mahal na mahal niya pa rin ang binata.
Isang araw ay niyaya siya ni Jayson na kumain sa labas upang mas makapag-usap ng maigi, agad naman niya itong tinanggihan. Ngunit hindi nagpatinag ang lalaki, nagulat nalang siya nang makita ito sa harapan ng kanyang trabaho.
“Oy, bakit ka nandito?” gulat niyang tanong sa lalaki.
“Sinusundo ka.”
“Ha? Hindi mo naman kailangang gawin iyon Jayson.”
“Pero gusto kitang makita Demi,” walang preno nitong wika.
“Kaso hindi ako pwede ngayon,” naiilang niyang wika. Hindi niya alam kung paano ito tatanggihan, dahil tapos na niya itong tanggihan kanina.
“Saglit lang naman tayo,pagkatapos ay pwede na tayong umuwi. Kakain lang naman tayo sa labas.”
Napakamot nalang siya sa kanyang batok dahil mukhang wala talaga itong balak na tantanan siya. “Sige, basta saglit lang ah.”
Ang akala niya ay magtatapos na ang pangungulit ni Jayson, ngunit doon siya nagkamali. Dahil lagi na itong pumupunta sa trabaho niya, lalo na kapag hindi niya sinasagot ang text at tawag nito. Ang kinakatakutan niya ay baka malaman iyon ni William at baka mag-away pa sila.
“Bakit nandito kana naman Jayson?” medyo naiirita niyang sambit. Ano bang trip nito, hindi ba ito marunong umintindi?
“Hindi kana kasi sumasagot sa tawag ko,” sagot naman nito.
“Jayson–”
“Alam ko, alam kong ayaw mo na akong makita at makausap pa Demi, pero hindi ko kaya. I want you back Demi, lubos akong nagsisisi dahil sa kagaguhan ko noon. Kung pwede ko lang sanang ibalik ang ang nakaraan ay hinding-hindi ko hahayaan na umabot tayo sa ganito.”
Nalunok na yata niya ang kanyang dila dahil natameme nalang siya sa sinabi nito.
“Gusto kong bumalik ka sa buhay ko Demi, noong nakita kita ulit doon ko na-realize na hanggang ngayon ay mahal parin kita, at hindi kita kayang mawala. Bumalik ako, para itama ang lahat.”
Para namang isang tubig baha na dumaloy sa isipan niya ang lahat ginawa nitong mali noon sa kanya. Ang lahat ng sakit at ang mga luhang nasayang dahil sa labis na pagmamahal niya noon kay Jayson. Pagkatapos ay pumalit naman ang alaalang nagawa nila ni William, at hindi niya napigilan ang hindi maiyak.
“Minahal kita noon Jayson, ibinigay ko ang lahat-lahat na meron ako dahil gano’n kita kamahal. Pero wala ka namang ibang ginawa kundi ang saktan ako. Saktan ang puso mo, nagmakaawa pa nga ako sa’yo noon para huwag mo lang akong iwan, dahil hindi ko kakayanin.
Pero mas pinili mo ang iba kesa sa’kin. Durog na durog ang puso ko at nahirapan akong magmahal at magtiwala ulit. Doon naman pumasok sa buhay ko si William, sinira mo ako, pero muli akong binuo ni William. Minahal niya ako kahit hindi na ako buo, tinanggap niya. Sayo ko ibinigay ang buo kong pagkatao, pero winasak mo ako. Pero si William, minahal niya ako ng walang hinihinging kapalit. Sa tingin mo ba, bibitawan ko si William para sa’yo?”
“P-pero…”
“Hindi ko ipagpapalit ang masayang kasalukuyan ko, sa sakit na naranasan ko sa nakaraan. Kaya pakiusap lang Jayson, huwag mo na akong guguluhin. Paulit-ulit mang baliktarin ang mundo, hinding-hindi ko na babalikan ang nakaraan natin.” wika niya at agad na itong nilampasan.
Magsisi man ang lalaki, wala na sa kanya ang babaeng minamahal.