Inday TrendingInday Trending
Subukan Natin?

Subukan Natin?

Hindi maintindihan ni Aubrey kung bakit kay malas-malas niya pagdating sa pag-ibig. May balat ba siya sa pwet at minsan man ay hindi siya sinuwerte sa larangang iyon?

Madalas ay pinapaasa lamang siya ng mga tukmol na lalaking nakikilala niya, pinagkakaperahan na animo’y isa siyang ATM machine kung ituring. Sa palagay niya ay hindi naman siya kapangitan.

Pero bakit lagi nalang siyang kandidato sa mga lolokohin?

“Hoy! Aubrey kumusta kana? Parami na naman nang parami pimples mo ah, huwag mong sabihin na inlove ka na naman niyan?”

Ito pa ang isang ito. Ang kontrabida sa buhay niya, palaging nang aasar, ang kababata niya- si Daniel.

“Dumaan ka lang ba dito para asarin ako?” inis niyang wika.

“Hindi naman, napadaan lang ako at napansin ko nga lang ang paparami mong pimples. Baka naman gusto mo ng i-harvest ang mga iyan para may paglagyan naman ng iba pa?”

“Lumayas kana, hangga’t nakakapagpigil pa ako. Utang na loob naman.” bwisit talaga ito, sabi kaya ng nanay niya ay maganda siya.

Isang araw ay bigla na lamang tumili ang katabi niya sa opisina, Para itong kuting na nasagasaan.

“Aubrey, may bago tayong kasama. Gwapo na yummy pa aaahhh!” tili nito na ikinaismid niya.

“Gano’n ba? Sa tingin mo mapapansin kaya tayo niyan?”

“Hmm, mukhang hindi masyado. Kasi iba ang level niya e,” anito.

“Korak! Kaya tama na ang umasa,” wika niya at saka ito nilampasan.

Abala siya sa pagtatype ng mga files nang biglang may tumawag sa kanya.

“Hello Miss Aubrey,” anang boses baritonong lalaki. Nang lingunin niya ay parang nag-slow motion ang buong paligid. Anak ng pitong puting tupa, ang gwapo! “Ikaw raw ang Team Lead ko?”

“A-Ah yes,” utal-utal niyang wika. Kay galing galing niyang makipag usap sa ibang tao, ewan niya kung bakit tila naputol ang dila niya rito.

Mabait ang lalaki sa kanya at maalaga pa. Mabilis na nagkapalagayan ang loob nila, hinahatid siya nito tuwing uwian nila. At heto na naman siya maligayang-maligaya at umaasang baka may gusto ang lalaki sa kanya- baka ito na nga ang kanyang happy ending.

“Hoy! Aubrey, lumilipad na naman iyang utak mo. Umaasa kana naman na mamahalin ka ng lalaking pogi na iyon. Baka lumagapak kana naman sa lupa niyan.”

Hindi niya talaga mawari kung kaibigan niya ba talaga ang tampalasang si Daniel o kontrabida ito sa buhay niya. Kasi kung maka-realtalk ito ay wagas.

“Pake mo ba? Ikaw ba ang lalagapak?”

“Hindi naman, pero nakakasawa kana kasing makitang umiiyak. Tapos tinatanong sa sarili kung anong mali sa’yo at kung may kasalanan ka ba sa mundo. Pangit ka ba? Pango lang naman ang ilong mo, ma-pimples ang mukha mo pero may pusong totoo ka naman. Sawang-sawa na kasi akong marinig ang pagmamaktol mo na iyan.” reklamo pa nito. “Kaya sana, hanapin mo na iyong taong magmamahal sa’yo ng totoo. Malay mo nasa tabi molang pala.”

Tinignan niya ito ng masama mula ulo hanggang paa. “So parang ikaw?”

“Malay mo, sa’kin ka lang pala hindi aasa at ako lang ang hindi manloloko sa’yo.”

“Paano mo naman nasabi ‘yan? Siguro mahal mo ako?”

“Siguro. Naaawa na kasi ako sa’yo kasi lagi ka nalang pinapaasa at niloloko. Bakit hindi mo nalang ako subukan, kapag niloko kita alam ng pamilya mo ang bahay namin. Pwedeng-pwede niyo kaming sugurin.”

“Teka nga! Nililigawan mo ba ako ngayon o nag-uusap lang talaga tayo?”

“Nag-uusap lang talaga tayo. Doon naman sa nililigawan, depende ‘yon sa’yo. Kung sasagutin mo ako, e di liligawan kita.”

“Ano? Sasagutin muna kita bago mo ako liligawan?”

“Oo para maiba naman. Kasi lahat ng lalaking nagpaasa at nanloko sa’yo niligawan ka nila. Kaya naman ngayon sa’kin, iibahin ko. Para masabi mo na kakaiba ako.”

“Ang hangin Daniel, hindi kaya babagyo?” nate-tense siya kaya pilit niyang tinatabunan ang emosyon sa pamamagitan ng pagjo-joke.

Ngumisi ito, “Mahangin lang ako, pero hinding-hindi ako nang-iiwan sa ere Aubrey.” tinitigan pa nito ang mga mata niya, “Walang mawawala kung susubukan.”

Sabagay. May punto naman ito, kung tutuusin ay kilalang-kilala na niya si Daniel, pati nga amoy ng utot nito ay alam na niya. Kaya hindi nadin naman siguro masama kung papatulan niya ang mga pinagsasabi nito.

“Sige, tayo na. Sinasagot na kita,” walang emosyon niyang wika.

“Basta ipangako mo sa’kin na hindi kana makikipaglandian sa lalaking feeling celebrity na iyon.” tukoy nito kay Simon.

“Syempre hindi na. Boyfriend na nga kita ‘di ba?” di niya matukoy, pero iba ang saya ng puso niya.

“Okay,” anito sabay yakap sa kanya ng mahigpit.

“Bakit mo ako niyayakap?” angal niya.

“Boyfriend mo na ako ‘di ba?”

Natatawa nalang din siyang niyakap ito ng mahigpit. Makalaunan ay nalaman niyang may girlfriend si Simon, mabuti nalang at hindi na siya interesado dito dahil kay Daniel.

Habang ang nobyo niya naman ay araw-araw, hindi pumalya sa panliligaw sa kanya. ipinadama nito sa kanya kung paano siya dapat mahalin.

Kahit talaga gaano kalalim ang hinanakit natin sa mundong walang ibang ginawa kundi saktan tayo, may isang taong darating na magiging dahilan upang muli tayong maniwala sa pag ibig.

Advertisement