Hindi kagandahan, hindi rin sexy, matalino lang! Iyan ang sinasabi ng karamihan sa kanya.
Siya lang naman si Hazel, ang ultimate bestfriend forever, taga-sulat ng love letter, pampalakas loob, sumbungan ng problema, at kung anu-ano pang ka-martyran ang ginagawa niya para lamang kay Marlon.
Hindi nga niya alam kung totoo ba itong nakikipagkaibigan sa kanya o nilalapitan lang siya nito para utus-utusan! Ka-badtrip.
“Hazel,” masayang tawag nito sa pangalan niya.
Minsan natatakot na siya kapag ganito kasaya ang kaibigan kasi alam na niyang may pabor na naman itong hihingin sa kanya. “Ano?” Nais man niyang barahi kaibigan ay hindi niya ginawa. Masaya kasi siya kapag nakikita itong masaya.
“Tulungan mo ulit ako,” lambing nito.
Siya naman si marupok ay agad na na um-oo kahit medyo labag iyon sa kanyang ka-atay-atayan. Wala pa itong sinasabi ay alam na niya kung ano ang ibig nitong sabihin. May trip na naman itong ligawan.
“Sino na naman ba iyan?”
“Iyong magandang chicks na bagong lipat d’yan. Balak ko sanang ligawan, alam mo na kursunada ko kasi siya. Marlon’s type,” anito sabay kindat at ngiting-ngiti pa sa kanya, nagpapa-pogi.
“Ang tanong type ka ba niya?” nais niyang isampal ang salitang iyon sa sarili, dahil iyon din ang tanong niya- bakit niya minamahal ang lalaking ito na hindi naman nakikita ang kanyang halaga?
“Sa klase ng tingin niya sa’kin ay halatang meron.”
“Ows! ‘Di nga, baka sadyang assumero ka lang.”
“Ang dami mong sinasabi, Hazel. Ano tutulungan mo ba ako o hindi?”
Tinitigan niya ito sa mga mata at walang magawang nagsalitang muli. “Oo na. Highblood ka naman masyado,” wika niya upang tantanan lang siya nito.
Tulad ng ipinangako niya rito ay tinulungan niya ang kaibigan. Gaya ng dati ay ginawan niya ng mabulaklak na love letter ang babaeng kursunada nito, bukod pa doon ay pinapalakas niya pa ang loob ng binata para hindi ito mawalan ng pag-asa.
Makalipas lamang ang ilang linggo ay sinagot na nga ito ni Vanity, ang babeng bagong lipat sa kanto.
Masayang-masaya ang kaibigan niya dahil sa bagong lovelife nito, habang siya naman hanggang ngayon ay kulelat parin dahil sobra na yatang pangit niya at wala man lang nagkakamaling manligaw sa kanya.
“Hoo! Ang sarap ma-inlove,” masayang wika ni Marlon habang komportableng nakaupo sa sofa nila sa bahay.
“Ano naman ngayon kung masarap nga’ng ma-inlove? Anong gusto mong palabasin? Iniinggit mo lang ba ako, kasi wala akong lovelife?” nakataas ang kilay niyang wika.
“Bakit? Naiinggit ka ba?” tukso pa nito na lalo niyang kinainis.
“Bakit naman ako maiinggit? Alam ko naman na maghihiwalay lang rin kayo.”
“Wow! Kasisimula nga lang namin, miss. Bitter ka?”
“Oo. Ipagdarasal ko ‘yan,” naiinis niyang wika. Ang yabang kasi, kung tutuusin ay hindi naman ito sasagutin ni Vanity kung hindi dahil sa effort niya sa paggawa ng love letter, mula umaga, tanghali, meryenda at gabi.
Hindi din niya maisip kung bakit gusto nito ang magbigay ng sulat kung may cellphone naman sana. Gusto lang yata nitong pahirapan siya at pakapalin ang kalyo sa kamay niya.
“Kakain na nga lang ako. Nasaan ba si Lola?” anito at iniwan na siya upang hanapin ang Lola niya.
“Ang jupal talaga ng fezlak nito! Pupunta lang siya rito para kumain. Isa ka talagang dakilang patay gutom.” wika niya at tanging malakas na tawa lang ang isinagot nito.
Isang araw ay bigla yatang nagpaulan ng biyaya ang langit at sa wakas ay may nanligaw na rin sa kanya. Desperada na siya kung tatawagin, pero jowang-jowa na talaga siya.
“Hoy! Hazel, balita ko may nanliligaw sa’yo. Huwag mong sasabihin na sasagutin mo iyon.” nambubwisit na wika ni Marlon sa kanya.
“Ano naman ang pake mo,” masungit niyang tanong.
“Naku! Uhaw kana ba sa lalaki? Sasagutin mo ‘yong lalaki na’yon. Wala pa ngang krimen mukhang siya na ang suspek.”
“Ano?!” naiinis niyang wika rito. “Kung ako sa’yo Marlon, lumayas kana sa bahay namin. Hindi ka naman namin kailangan dito kaya layas na!”
“Ito lang ang sasabihin ko sa’yo, huwag na huwag mong sasagutin ang lalaking iyon Hazel.”
“Jowang-jowa na ako kaya wala kanang pake. Di mo nako maaasar ngayon,” wika niya at tuluyan na itong itinaboy.
Kinabukasan ay binisita siya ng kanyang nag-iisang manliligaw, kasabay naman niyong dumating si Marlon.
“Anong ginagawa mo rito? Doon kana muna kaya sa jowa mo, istorbo ka naman sa moment namin e,” wika niya, tanging ismid lamang ang isinagot ng lalaki.
“Ayoko! Mas maiiging nandito ako, para mas makilala ko ang lalaking iyan.”
“Ano raw? Sino ka ba? Tatay na ba kita ngayon?”
“Bestfriend mo ako ah, kaya natural lang na kilatisin ko ang lalaking mamahalin mo.”
“Hindi ko kailangan ang tulong mo, promise. Kaya makakaalis na, go na.”
“Ayaw!”
Imbes na umalis ay umupo ito sa katapat na upuan ng kanyang manililigaw. Kahit kailan naman talaga, minsan na nga lang siya magkaroon ng manliligaw, hinaharang pa nito.
Isang gabi ay nagulat nalang siya dahil may nagsisisigaw sa labas ng bahay nila.
“Hazel!” boses iyon ni Marlon. Ano na naman kaya ang trip ng gago?
“Hoy! Maghunusdili ka nga d’yan. Bakit kaba nagsisisigaw d’yan? Pumasok ka kaya dito sa loob.”
“Hazel, huwag mo siyang sasagutin.”
“Ano?”
“Huwag mo siyang sasagutin! Hindi mo siya pwedeng sagutin.” muli nitong sigaw.
“Hoy! Ano bang pinagsasabi mo? Pwede ba Marlon, nakakahiya kana. Ang dami ng tao o!”
“Makinig ka Hazel, pakiusap huawag mong sasagutin ang manliligaw mo. Hindi siya ang tunay na nagmamahal sa’yo.”
Talagang iniinsulto siya nito? Por que ba pangit siya ay wala na siyang karapatang mahalin? Aba’t siraulo talaga ‘to. Ibubuka na sana niya ang bibig upang singhalan ang kaibigan nang muli itong magsalita.
“Dahil ako lang ang nagmamahal sa’yo ng totoo Hazel,” pakiramdam niya ay nabingi siya dahil sa sinabi ni Marlon. “Ako lang ang may kayang mahalin ka, kaya huwag mo siyang sasagutin.”
Lalo siyang nabingi sa sigawan ng mga kapitbahay nilang nakiki-tsismis sa kanila.
“Sagutin mo na Hazel at huwag ng pahirapan si Marlon,” anang boses na hindi niya alam kung kanino nanggaling.
Bigla naman siyang hinila ng Lola niya upang bumaba para makaharap si Marlon ng maayos. Nang nasa baba ay tila pareho na silang na-pipi dahil nakatitig nalang ito sa kanya at gano’n din siya rito.
“Mahal kita Hazel, noon pa hindi ko lang alam kung paano sasabihin sa’yo.”
“Bakit mo sinasabi sa’kin ‘to ngayon?”
“Kasi ayokong mawala ka sa’kin.” muli ay nagkagulo na naman ang mga kapitbahay nila na animo’y ay taping na nagaganap sa lugar nila.
“Paano si Vanity?” tanong niya.
“Dalawang Linggo na yata kaming wala.” nahihiyang pag-amin nito. “Mas marami kasi akong oras para sa’yo kesa sa kanya kaya nakipaghiwalay siya.”
“Sira ka kasi,” natatawa niyang sambit.
“Ako nalang ang mahalin mo Hazel kung talagang jowang-jowa kana. Mas kaya kitang mahalin higit pa sa kung kanino man.”
“Kung hindi pa ako naging desperada hindi ka pa aamin? Oo na! Mahal din kita Marlon, nahihiya lang akong manligaw sa’yo. Pero ang totoo matagal na talaga kitang mahal.” pag-amin naman niya.
“Pakasal na tayo agad, gusto mo?”
“Sus! Ako pa hinamon nito,” aniya dahilan upang magtawanan ang lahat.
Ngayon ay masaya na silang namumuhay kasama ng kanilang anak. May bestfriend na siya, may asawa pa!