Inday TrendingInday Trending
Hindi Lahat ng Api ay Biktima

Hindi Lahat ng Api ay Biktima

Busy sa kase-cellphone si Wilma. Napakahaba na ng itina-type niyang caption sa picture na ipino-post niya. Ngising-ngisi pa ang babae dahil sa kaniyang balak.

“Makakaganti na rin ako sa inyo!” sabi niya.

Pagkatapos niyang i-click ang post ay sunod-sunod na notifications ang agad na dumating sa kaniya. Agad na nag-hit at nag-viral ang kuwentong gawa-gawa niya. Ngayon ay galit na galit na ang maraming tao sa dalawang taong kinaiinisan niya. Sa pagkakataong ito, pinalabas niyang siya naman ang biktima. Maraming nakisimpatiya sa kaniya, maraming naniwala. Marami talagang mga tao ngayon na mabilis mauto ng mga kuwentong barbero sa social media. Mga taong nanghuhusga agad hindi pa man nalalaman ang buong kuwento.

Samantala, tahimik na nagtitipa sa kaniyang computer si Sheryl nang makarinig ng sunod-sunod na bulungan mula sa mga kasamahan sa trabaho. Hindi niya na nga sana papansinin, kaya lang ay narinig niya ang pangalan niya.

“Sa pagkakakilala ko naman kay She, hindi siya ganiyang klaseng tao. Fake news siguro ʼyan,” anang close friend slash workmate niyang si Mae habang kausap si Kaye.

“Oo nga, e. Hay nako! Sasabihin ba natin?” nasa ganoong pag-uusap ang mga ito nang sumingit siya sa pag-uusap nila.

“Oy, anong chika nʼyo dʼyan, ha?” tanong niya.

Tila nagulat naman ang dalawa. Parehong nanlaki ang mga mata nila at tila ba hindi makaapuhap ng sasabihin.

Doon na nagtaka si Sheryl. Sa pagkakataong iyon, alam na niyang may nanyaring hindi maganda.

“Sabihin nʼyo na. Anoʼng mayroon?”

Imbes na sumagot ay iniangat na lang ni Mae ang kaniyang cellphone at ipinakita sa kaniya…

“What the heck?!” ang bulalas ni Sheryl sa nabasang caption ng picture at ni Joel noon.

Ang sabi sa post ay manloloko raw silang dalawa. Iniiputan daw nila ang asawa ni Joel na si Wilma habang nasa abroad ito, ngunit hindi iyon totoo!

Si Joel ang asawa ni Wilma, na siyang kabit naman ng asawa ni Sheryl. Ang litratong nasa post nito ay noong nagkape sika ni Joel matapos nilang idemanda ang kanilang mga asawa. Binaliktad pa ni Wilma ang nangyari para lang makaganti! Ibang klase talaga ang babaeng ito!

Agad niyang binuksan ang kaniyang sariling account, hindi para mag-post ng status na kontra sa sinabi nito, kundi upang mag-send ng message kay Wilma. Naniniwala kasi siyang mas maiging ayusin nila ang problema nang silang dalawa lang, dahil lalong lalaki ang gulo kapag sa social media platforms tulad ng Facebook nila ito ipinadaan.

Ngunit walang reply na nakuha si Sheryl kay Wilma. Seen lang sa account nito ang messages niya, at doon na niya napagdesisyunan na ipagkatiwala na ang lahat sa batas.

“Hindi ka na nadala, Wilma. Noong kinalantari mo ang asawa ko, pinabayaan kita. Nagsampa lang ako ng kaso para makakuha ng sustento ang anak ko mula sa ama niya, dahil hinaharang mo. Ngayon naman, ito? Baliw ka ba?” asar na aniya sa babae, nang magkaharap-harap muli sila.

Gusto niya itong saktan, ngunit mas pinili ni Sheryl na magpakatao at pigilin ang sarili. Hindi niya hahayaang ibaba ang lebel sa lebel ng babaeng ito.

“Sorry talaga, She. Hindi na ito mauulit. Huwag kang mag-alala, dahil ako na mismo ang magdadala ng sustento ko kay Jr. sa bahay nʼyo… Isa pa, wala na kami ni Wilma,” turan ng asawa ni Sheryl na kaharap din nila ngayon.

“Edi maigi! Kaya naman pala nanggagalaiti na naman sa akin ʼyang kabit mo e.”

Masama naman ang tingin ni Wilma kay Sheryl. Kulang na lang ay murahin niya ito dahil sa sobrang inis. Natapos ang buong pag-uusap nang hindi nagsasalita si Wilma. Ni hindi man lang siya humingi ng tawad.

Walang pagsisisi sa puso ni Wilma nang mga sandaling iyon, hanggang sa siyaʼy makauwi at mag-online sa social media.

Isa sa mga nakarinig ng pag-uusap kanina sa baranggay ang naglabas ng tunay na pangyayari sa likod ng post ni Wilma.

Isang makaking kahihiyan ang nangyari sa kaniya dahil doon. Ang galit na natanggap ni Sheryl sa kaniyang post ay nadoble at sa kaniya naman napunta. Mas grabeng panghuhusga pa ang natamo niya mula sa mga taong naging unang kakampi niya sa kaniyang viral post. Ang mga litrato niyaʼy naging katatawanan ng mga ito. Halos hindi na siya makalabas ng bahay dahil sikat na sikat na siya sa bansag na Kabit Ng Bayan. Doon lamang niya napagtantong mali ang ginawa niya kay Sheryl. Maling-mali at walang magandang maidudulot ang pagpo-post ng problema sa social media lalo na kung puro ito kasinungalingan.

Advertisement