Inday TrendingInday Trending
Nanay na, Tatay pa

Nanay na, Tatay pa

“Papa, may sulat pong ibinigay si Teacher sa amin kanina. Ibigay ko raw po sa inyo.”

Napaangat at napalingon si Celso sa kanyang anak na si Audrey, na kauuwi lamang mula sa eskwela. Abalang-abala si Celso sa kanyang laptop bilang isang manunulat. Kinuha niya ang liham mula sa guro at tahimik na binasa.

Tungkol pala ito sa isang gawaing kauganay ng pagdiriwang ng Nutrition Month kung saan inaanyayahan ang mga ina, kasama ang kanilang mga anak para sa isang “Cook Fest”.

“Sasali ba tayo diyan, Papa? Nanay lang daw po ang isasama eh,” tanong sa kanya ng anak.

Kung nabubuhay lamang ang kanyang asawang si Nenita, hindi sana poproblemahin ni Celso ang mga ganitong mga pagkakataon kung saan kailangan ni Audrey ng isang ina. Maagang pumanaw sa matinding karamdaman ang pinakamamahal niyang asawa, kaya mag-isa niyang itinataguyod ang kanyang anak na babae.

“Papakiusapan natin ang Tita Elaine mo para siya ang sumama sa iyo,” sagot ni Celso sa anak. Si Elaine ay ang nakababatang kapatid ni Celso na may sarili na ring pamilya.

“Yeheeeyyy! Kasi ako lang po ang hindi makakasali kung nagkataon. Ako lang po ang walang Mama.”

May kumurot sa puso ni Celso nang marinig niya ang sinabi ng kanyang anak. Hindi na rin niya kasi naisip na muling mag-asawa dahil masyado niyang minahal si Nenita.

Bagama’t marami naman siyang naka-date na babae simula nang magbabang-luksa siya sa pagkawala ng asawa. Sa lahat ng mga babaeng nagustuhan at nakilala niya, ang una niyang tanong sa mga ito ay kung matatanggap pa nila si Audrey.

Naging bukas naman ang mga babaeng iyon na gusto nila si Celso, subalit hindi nila maipapangakong magiging mabuti silang ina ni Audrey. Lumabas pa ang isyung kaya lamang sila dine-date ni Celso ay upang makahanap ng magiging ina para kay Audrey.

Simula noon ay isinantabi na ni Celso ang paghahanap ng kanyang makakapareha. Nagpokus na lamang siya sa trabaho at pag-aalaga kay Audrey. Maswerte siya sa kanyang anak. Matalino at bibo ito, mana sa kanyang asawa. Mahusay rin itong kumanta at sumayaw. Minsan, may mga pagkakataong naiisip ni Celso na sana, buhay pa ang kanyang asawa, dahil naisip niyang may mga bagay na tanging ang ina at ang anak na babae lamang ang dapat nag-uusap. At iyon ang kinatatakutan ni Celso.

Tinawagan ni Celso ang kapatid na si Elaine sa cellphone para pakiusapan ito.

“Naku kuya, may recital si Greg, hindi ako uubra.” Sagot ni Elaine kay Celso. Si Greg ay ang anak ni Elaine na pamangkin naman ni Celso.

At namroblema ngayon si Celso.

Ayaw naman niyang si Audrey lamang ang walang nanay sa naturang Cook Fest. Tinawagan niya ang isa sa kanyang mga kasamahang babae, si Nathy, na kasanggang-dikit niya sa trabaho. Baka mapakiusapan niya ito, total, magiliw naman ito kay Audrey.

“Bakit ako? I mean, okay lang naman sa akin. Pero diba, mas maganda kung ikaw ang pupunta.” Sabi ni Nathy kay Celso.

“Eh nanay daw ang kailangan eh…”

“Kausapin mo yung teacher ng anak mo at tanungin mo kung pwedeng exception to the rule. Mas maganda kung ikaw ang makakasama ni Audrey.”

Napaisip si Celso. May punto si Nathy.

Sa araw ng Cook Fest, masayang-masaya si Audrey dahil kasama niya ang kanyang Papa. Siya lamang ang nag-iisang tatay na sumama sa Cook Fest. Pinaliwanag ni Celso sa guro ang kanilang sitwasyon, at naintindihan naman ito ng guro. Bago magsimula ang kompetisyon, ipinaliwanag muna ng guro sa mga dumalong ina kung bakit si Celso ang kasama ni Audrey, bagay na kanila namang naunawaan.

Sa pagtatapos ng Cook Fest, sina Celso at Audrey ang tinanghal na nagwagi. Maraming natuwa sa kanilang nilutong putahe, na ipinamahagi naman sa iba pang mga kalahok.

Pagkauwi sa kanilang bahay, masayang-masaya si Audrey at hinalikan sa pisngi ang kanyang tatay. Kinalong ni Celso ang anak, at taimtim itong tinanong. “Anak, gusto mo bang magkaroon ng panibagong Mama?”

Saglit na huminto si Audrey. “Ayoko na po, Papa. Para sa akin, kaya na po ang the best Papa and Mama in town. Kahit wala na po si Mama, hindi ko naman po iyon naramdaman. Love you, Pa!” sabay yakap nito sa kanya.

Subalit bigla itong bumalikwas. “Pero Papa, kung gusto mo ulit mag-asawa, okay lang naman po sa akin.” Basta ang gusto ko po, maging masaya po kayo.”

Napaluha si Celso sa sinabi ng anak. Niyakap niya nang mahigpit si Audrey. Nagpapasalamat siya sa Diyos dahil nawala man ang kanyang pinakamamahal na asawa, pinagkalooban naman sila ng matalino, maunawain at mabait na anak.

Advertisement