Inday TrendingInday Trending
Sinindikato Mo Ang Puso Ko

Sinindikato Mo Ang Puso Ko

Pagkababa sa bus, agad na kinuha ni Jonalyn ang baong tuwalya sa loob ng kanyang backpack at pinunasan ang kanyang mukhang tigmak ng luha. Pagkatapos, ngumiti siya at pinalakpakan ang sarili. Best actress ka talaga, girl! Puri niya sa kanyang sarili.

Isa si Jonalyn sa mga “certified manggagantso” na pinamamahalaan ng mga sindikato. Isa siyang ulila na nagpalaboy-laboy sa kalsada, at napunta sa poder ng sindikatong iyon. Hindi naman sila minamaltrato, subalit kaakibat ng pagkupkop sa kanila, kailangan nilang magtrabaho para sa kanila.

Ang kanilang modus operandi, magpapanggap silang humihingi ng tulong para sa kanilang mahal sa buhay na may sakit. May ipinakikita pa silang barangay permit o kaya’y medical certificate na ipinasadya lamang nila sa Recto.

Ang drama niya, kasalukuyang may breast c*ncer ang kanyang ina at nangangailangan ng malaking pondo para sa paggagamot. Isa siyang college student at wala pang trabaho. Kinakailangan nilang papaniwalain ang mga pasahero ng bus upang bigyan sila ng tulong-pinansyal.

Kung kinakailangang pumalahaw ng iyak para lamang may magbigay sa kanya, ay ginagawa ni Jonalyn. Matapos umiyak at ipaliwanag kung saan at kanino mapupunta ang kanyang paghingi ng tulong, ipamumudmod na niya ang maliit na puting sobre na may nakalagay na “God bless you”. Dalawang taon na niyang ginagawa ang ganitong gawain kaya sanay na sanay na siyang umiyak.

Madali lang para kay Jonalyn ang umiyak dahil totoo ang kanyang mga sinasabi. Totoong nagdusa sa malalang sakit ang kanyang ina, subalit matagal na itong namayapa. Kaya naman naibibigay niya ang tamang emosyon na nakapagpapabagbag sa damdamin ng mga pasahero. Hindi bumababa ng bus si Jonalyn nang walang nahahakot na pera.

“Ang galing mo talaga, Jonalyn! Ibang klase ka, girl. Kaya paborito ka ng mga bosing eh,” puri sa kanya ni Lorna. Si Lorna naman ay tila isang pastora sa anyo nito. Ang modus naman nito, magpanggap na tagapamalakaya ng Mabuting Balita mula sa Bibliya.

“Ganoon talaga, kailangang makaipon para makakalas na sa grupo. Ayoko na rin sa ginagawa natin. Gusto ko nang magbagong buhay.” Paliwanag ni Jonalyn.

“Naku, alam naman nating hindi ganoon kadali iyon. Baka patahimikin nila tayo panghabang buhay kapag ginawa natin iyon. Malaking grupo sila bossing.”

Huminto ang kanilang pag-uusap nang dumating ang kanilang bossing at kinubra ang kanilang mga kinita. Matapos kunin ang malaking porsyento ng kita, binigyan sila nito ng tig-limang porsyento.

Isang araw, muling isinagawa ni Jonalyn ang kanyang modus operandi. Gaya ng dati, nagmakaawa si Jonalyn sa mga pasahero, at pwedeng-pwede na siyang gawaran ng FAMAS o URIAN. Nakumbinsi na niya sana ang lahat, subalit isang gwapong lalaking pasahero ang sumansala sa kanya.

“Miss, bakit hindi ka na lang humingi ng tulong sa munisipyo n’yo? O kaya lumapit ka sa PhilHealth.”

Pero sa mga ganitong pagkakataon, may panagot na si Jonalyn.

“Sir, ginawa ko na po iyan. Kaya lang po, hindi sasapat, Kaya po humihingi ako sa inyo ng awa, kumakatok po ako sa inyong mga puso, na tulungan n’yo po ako…” pagmamakaawa ni Jonalyn. Sa isip-isip ni Jonalyn, minumura na niya ang gwapong lalaki. Gwapo ka pa naman… naisip ni Jonalyn.

“Sige miss, ganito na lang… sasamahan na lang kita. May alam akong pwede nating lapitan sa problema mo.” Seryosong sabi sa kanya ng lalaki.

Matapos makuha ang mga sobreng naglalaman ng pera, bumaba na si Jonalyn. Bumaba na rin ang lalaki, at sinundan siya. Naglakad nang mabilis si Jonalyn, subalit sinundan pa rin siya ng gwapong lalaki.

“Miss, sandali lang… tutulungan nga kita sa problema mo eh…”

Hinarap siya ni Jonalyn at namaywang ito.

“Ano bang problema mo, kuya? Hindi ko kailangan ng tulong mo. Type mo ko no?” Mataray na sabi niya sa lalaki. Nagulat ang lalaki dahil malayong-malayo ito sa ipinakita niyang awra kanina na tila maamong tupa sa harap ng pasahero ng bus.

“Akala ko ba kailangan mo ng tulong para sa nanay mo. Tara, sumama ka sa akin at tutulungan ko lang. O baka naman, gimik lang ito?” Seryosong sabi ng lalaki.

Hindi pinansin ni Jonalyn ang lalaki. Tumalikod siya at akmang aalis na nang hawakan ng lalaki ang kanyang kanang kamay.

“Bitiwan mo ako!”

“Pulis ako. Matagal na kitang minamanmanan. Matagal ko na kayong minamanmanan. Alam kong biktima ka lang din. Kung ituturo mo sa akin kung nasaan ang hide out n’yo, maikukulong natin sila. Maililigtas natin ang mga kasamahan mo.”

Natakot si Jonalyn sa gwapong lalaki na isa palang pulis. Sumama siya sa pulis sa presinto at isinalaysay ang kanyang nalalaman tungkol sa sindikato. Hanggang sa magkaroon ng entrapment operation ang pulisya at nahuli ang kanilang mga bossing at nailigtas ang mga kasamahan ni Jonalyn.

“Maraming salamat po, sir. Matagal ko na pong gustong umalis sa grupo. Natatakot lang po ako…” pagpapasalamat ni Jonalyn sa gwapong pulis, na kaedad lamang niya.

“Kami ang dapat magpasalamat sa iyo, Jonalyn. Tawagin mo akong Carlo.” Nakangiting sabi sa kanya ng pulis.

Simula noon ay niligawan ni Carlo si Jonalyn. Dahil gusto naman nila ang isa’t isa, nagkaroon sila ng relasyon, hanggang sa sila’y nagpakasal at nagkaroon ng dalawang mga anak, na tinuruan ni Jonalyn ng “acting”.

Advertisement