Mahilig sa sugal at iba pang mga “easy money” na pagkakakitaan si Mang Nato. Halos lahat ng mga pasugalan sa kanilang lugar ay naikutan na niya. May alaga rin siyang mga tandang na panabong. Halos araw-araw din siyang tumataya sa ending. Kapag laban ni Pambansang Kamao Manny Pacquaio, lagi rin siyang nakikipagpustahan. Syempre pa, lagi siyang nasa panig ng idolong boksingero.
Subalit ang pinakapaborito ni Mang Nato, at hindi niya pinalalagpas, ay ang araw-araw na pagtaya sa lotto. Malaki ang pangarap ni Mang Nato. Kapag nanalo siya sa lotto, inilista na niya ang mga gagawin sa mapapanalunang milyones. Aalis sila sa Cupang at bibili ng malaking bahay at lupa sa isang sikat na prestihiyosong subdivision.
Bibili siya ng dalawa hanggang tatlong bagong kotse. Pag-aaralin niya ang mga anak sa pribado at eksklusibong paaralan, na de-hatid at de-sundo gamit ang mga bibilhing kotse. Magtatayo siya ng negosyo. Kukuha ng franchise. Higit sa lahat, maglalakbay siya sa buong daigdig.
“Natoooooo! Tumama ka sa ending, balato ha!”
Naputol ang pagmumuni-muni ni Nato sa pagdating ni Aling Poneng, ang kilalang numerong nagpapataya ng ending at tsismosa sa kanilang lugar.
“Saka na kapag nanalo na ako sa lotto.”
Iniabot ni Poneng ang dalawang libong panalo ni Mang Nato.
Sisipol-sipol na pumasok si Mang Nato sa loob ng bahay upang magbihis. Tataya siya sa lotto. Pagkalabas ng kwarto, sinalubong siya ng nakapamaywang na si Aling Sepa, ang kanyang misis. Karga nito ang kanilang isang taong gulang na anak. Pinasususo sa payat na dibdib.
“Saan ka naman pupunta, Renato? Balita ko kay Poneng, nanalo ka ng dalawang libo sa ending ah? Baka gusto mong mag-intrega rito sa bahay? Ang taas na ng presyo ng mga bilihin ah?”
“Naku mahal, ikaw talaga…” at inakbayan ni Mang Nato ang kanyang bungagerang asawa. “Hayaan mo, kapag nanalo ako sa lotto, gagawin kitang reyna! Lalangoy ka sa pera,” paglalambing ni Mang Nato.
“Siguraduhin mo lang na may patutunguhan yang pagtaya mo ah. Kung hindi ipiprito ko lahat ng mga panabong mo!” Banta ng kanyang asawa.
“Naku, huwag naman. O siya, papanaog na ako,” natatawang tugon ng lalaki.
Bago umalis ng bahay, hinarang siya ng kanyang anak na babae na nasa Grade 5.
“Tay, kailangan ko po ng pera para sa project namin. Baka naman po pwedeng makahingi ng pera?”
“Naku anak, may pinaglalaanan na ang pera ko eh. Gusto mo, humingi ka ng pera sa Nanay mo,” itinuro niya ang kanyang asawa. Pumanaog na nga si Mang Nato at nagtungo na sa lottohan.
May inaalagang numero si Mang Nato. Lagi niyang isinasama sa kanyang mga taya ang mga numerong 8-12-21. Ang numerong 8 ay simbolo ng walang katapusan. Ang 12 naman ay kaarawan niya, at ang 21 naman ay kaarawan ni Sepa.
Kinabukasan, halos sumabog ang ulo ni Mang Nato nang makita niya ang lumabas na winning numbers sa lotto. Pasok ang kanyang mga alaga! 8-12-21-30-51-54. Nagbunyi ang kaniyang buong pamilya.
Halos mawalan naman ng ulirat si Sepa sa magandang balitang kanyang narinig. Tinawagan ni Mang Nato ang lahat ng kanilang mga kaanak, kaibigan, kapitbahay at mga kalaro sa sugal at sabong upang ipamalita ang pagkakapanalo niya ng jackpot prize na 500 milyong piso.
Gamit ang natitirang pera, agad silang nagpabili ng lechong baboy at iba’t ibang mga pagkain para sa isang salusalo. Umutang din sila ng mga alak at beer sa kalapit na tindahan para sa isang enggrandeng pagdiriwang. Sa wakas, matutupad na rin ang mga pangarap na inilista ni Mang Nato. Naaamoy na niya ang tagumpay sa kanilang buhay!
Subalit isang masamang balita ang dumating. Ipinag-utos ng pangulo ang pagpapatigil sa operasyon ng lotto at lahat ng uri ng sugal at taya na pinamamahalaan ng PCSO. Itinuturing daw itong ilegal. Lahat ng mga nanalo, kabilang si Mang Nato, ay hindi na papayagang makuha ang kanilang napanalunan. Hindi makapaniwala si Mang Nato. Pakiramdam niya’y pinagbagsakan siya ng langit at lupa. Jackpot na, nabokya pa. Pera na, naging bato pa.
Hiyang-hiya si Mang Nato sa kanilang mga kaanak at mga kaibigan. Wala siyang mukhang maiharap. Pinagtawanan siya ng mga ito, at ang iba naman ay nanghinayang. Lalong nadagdagan ang kanilang mga utang.
Nang wala na silang makain, tinotoo ni Sepa ang kanyang bantang kakatayin ang kanyang mga alagang panabong. Simula noon, isinumpa ni Mang Nato sa kanyang sarili na hindi na siya magsusugal at tataya sa mga “easy money”. Ilalaan na lamang niya ito sa mas mahahalagang bagay tulad ng pagkain, negosyo at para sa pag-aaral ng kanyang mga anak.