“Chona, Chona, mahal ko! Nakahanda ka na ba?!” pasigaw na tanong ni Andrei sa kanyang kasintahan.
“Sandali lang, mahal! Ilagay ko lang itong puto at kutsinta sa lalagyan ha!” wika ni Chona na di magkandaugaga sa paglalagay ng mga paninda sa basket.
“Akin na nga iyang bitbit mo at ako na ang magdadala,” malambing na tugon ni Andrei at inalalayan pa sa paglalakad ang dalaga.
“Nahihiya na ako sa iyo, mahal ko, palagi ka na lang nagigising ng maaga para tulungan akong magtinda,” anito sa kasintahan sabay dala ng bayong na may laman na iba pang kakanin.
“Balewala sa akin iyon. Masaya ako na makatulong sa pinakamagandang babae sa buong Sitio Marilag,” tugon ng lalaki at masuyong niyapos si Chona.
“Oops, tama na iyang pananantsing mo at tanghali na. Siguradong marami ng tao sa palengke kailangan na nating magmadali,” aniya rito.
Natatawa naman ang mga magulang ni Chona habang nakamasid sa dalawa. Sa isip ng mga ito ay napakasuwerte ng kanilang anak sa nobyo nito. Kahit malayo pa ang pinanggagalingan nito ay maaga itong gumigising at pumupunta sa kanila upang samahan si Chona sa paglalako ng kanilang mga paninda sa palengke.
“Inay, itay, alis na po kami!” pasigaw na sabi ni Chona sa mga magulang na nakadungaw sa bintana habang si Andrei ay nagbigay galang sa pamamagitan ng pag-alis sa sumbrerong suot at pagyuko.
Nagulat ang dalaga nang makitang bitbit na ng lalaki ang dala niyang bayong.
“Ano ka ba? Kaya ko na iyan, ako na ang magdadala niyan!” pigil ng dalaga.
“Ako na, mahal ko. Ayokong napapagod ang mapapangasawa ko,” anito sabay kindat.
Kinilig naman si Chona sa hirit ni Andrei pagkatapos ay magkasama na nilang nilakad ang makitid na kasalda papuntang palengke.
Araw-araw siyang tinutulungan ng lalaki sa pagtitinda dahil magkatabi lang ang puwesto niya at ang puwesto nito sa palengke. Habang nagtitinda siya ng espesyal niyang puto, kutsinta at iba pang kakanin ay tindero naman ng isda ang nobyo.
Ang akala nilang masasayang sandali ay magtatagal ngunit dumating ang araw na kinailangang umalis ni Andrei para ipagpatuloy ang pag-aaral nito sa Maynila. Gusto kasi ng mga magulang ng lalaki na sa Maynila ito mag-kolehiyo dahil naniniwala ang mga ito na mas maganda ang oportunidad sa siyudad kumpara sa probinsya kaya wala itong nagawa kundi sundin ang mga magulang. Nangako naman ito kay Chona na babalik ito at magpapakasal sila ngunit lumipas ang sampung taon mula ng lumisan ang nobyo ay hindi na ito nagpakita at bumalik sa kanilang bayan. Ang balita, matapos makapagtapos ng pag-aaral ay nagkaroon na ito ng magandang trabaho sa Maynila. Wala naman siyang cell phone o kahit anong paraan para makausap ito sa sobrang liblib na kanilang bayan ay hirap ito sa makabagong uri ng komunikasyon. Hindi naman siya makaalis para sundan ito sa Maynila, imbes na ipamasahe niya ang pera ay tulong na lang niya sa kanyang pamilya lalo’t nag-aaral pa ang mga nakakabata niyang kapatid. Sa isip ng dalaga ay hindi na nito tinupad ang pangakong babalikan siya. Hindi lang ang Sitio Marilag ang tuluyang nakalimutan ng lalaki, pati na rin siya.
Kahit anong galit niya sa lalaki ay pilit na sumisiksik sa kanyang isip at puso na hanggang ngayon ay mahal pa rin niya si Andrei. Nang umalis kasi ito ay galit ang pumalit sa pagmamahal niya rito dahil hindi nito tinupad ang pangakong muli siyang babalikan at bubuo sila ng pamilya. Sa isip niya ay bakit pa nga ba nito babalikan ang kagaya niyang hindi man lang nakapagtapos sa pag-aaral at hamak na probinsyana lang? Gayong napakaraming mas magaganda at edukadang babae sa Maynila.
“Nakapag-asawa na siguro siya doon kaya hindi na niya ako binalikan dito,” bulong niya sa isip na may kasamang luha sa mga mata.
Mayamaya ay pinutol ng kanyang bunsong kapatid ang kanyang pagmumuni-muni.
“Hoy, Ate Chona, ano’t kanina ka pa nakatulala diyan! Iniisip mo na naman si Kuya Andrei ‘no?” pabirong tanong ng kapatid na si Carol.
“Tumigil ka nga riyan! Ang mabuti pa ay tulungan mo na akong ilagay ang mga puto at kutsinta sa bayong at ide-deliber ko pa iyan sa bayan,” aniya rito.
“Balita ko ate ay mayaman daw iyong may-ari nung mansyon na pagde-deliberan mo ng mga kakanin,” sabi pa ng kapatid.
“Oo nga, e. Ang ipinagtataka ko ay kung bakit pa sila nagtitiyagang bumili sa tinda natin, di hamak na may mas masasarap at sikat na mga nagtitinda ng kakanin sa bayan kumpara sa atin?”
“Baka naman mas nagustuhan talaga nila ang puto at kutsinta natin, ate kaya ayaw nilang um-order sa iba,” anito.
Napabuntong hininga na lamang si Chona.
Matapos ilagay sa bayong ang mga kakanin ay nagmamadali nang pinuntahan ni Chona ang mansyon kung saan ide-deliber ang mga iyon. Natatandaan niya na isang matandang babae ang bumili sa kanyang panindang puto at kutsinta sa palengke at nang bumalik ito nang sumunod na araw ay sinabi nitong nagustuhan ng amo nito ang kakanin niya kaya um-order pa ito ng maramihan at ngayon nga ay pinade-deliber sa kanya.
Nang marating ang labas ng mansyon ay bigla siyang kinabahan dahil baka masungit ang amo ng matandang babaeng bumili ng kanyang paninda.
Agad niyang pinindot ang dookbell. Di nagtagal ay may nagbukas ng gate at iniluwa niyon ang matandang babae.
“Ikaw pala hija. Halika, tuloy ka!” nakangiti nitong sabi.
Nang pumasok siya sa loob ng masnyon ay bigla siyang napatulala sa ganda ng mga mamahaling gamit na naroon.
Nang biglang may nagsalita sa kung saan…
“Bakit ngayon ka lang? Kanina ko pa hinihintay ang paninda mo. At bakit halatang pagod na pagod ka? Hindi kaman lang ba sumakay papunta dito? Alam mo naman na ayokong napapagod ang mapapangasawa ko!” wika ng pamilyar na boses.
“Diyos ko! I-imposible…” tanging nasabi ng dalaga nang marinig ang boses na iyon.
Mayamaya ay ipinakita na nito ang sarili sa kinakabahang si Chona. Hindi makapaniwala ang dalaga nang makita niya ang nagmamay-ari ng baritonong boses, walang iba kundi ang kanyang nobyo.
“A-Andrei?”
“Nag-aral ako sa Maynila at nagtiyagang makapagtapos para makahanap ng magandang trabaho. Sinuwerte naman ako sa kumpanyang pinasukan ko ngunit mas sinuwerte ako sa itinayo kong negosyo kaya nakapagpundar ako ng iba pang negosyo at nakapagpatayo ng magandang bahay. Ang lahat ng ginawa ko ay para sa iyo, mahal ko. Alam ko na nangako ako na babalikan ka, pasensya na kung natagalan. Nakiusap ako kay Manang Lydia na bumili ng kakanin sa puwesto niyo sa palengke, pumayag siyang makipagsabwatan sa akin para mapapunta ka rito. Natakot kasi ako na kapag ako ang unang magpakita ay baka iwasan mo ako at hindi ka makinig sa mga paliwanag ko sa tagal na hindi ako nagpakita sa iyo,” madamdaming sabi ng lalaki.
Halos mangiyak-ngiyak naman ang matandang babae sa eksenang kanyang natutunghayan.
Hindi pa rin makapagsalita ang dalaga hanggang bigla na lamang itong napahaguglol sa natuklasan niya.
Agad siyang nilapitan at niyakap nang mahigpit ni Andrei.
“Tama na, huwag ka nang umiyak mahal ko, narito na ako at hinding-hindi na ako aalis sa tabi mo,” wika nito habang may dinukot sa bulsa.
Lalong napahagulgol si Chona sa ipinakita sa kanya ng lalaki. Inilabas nito ang isang maganda at mamahaling singsing.
“Sa aking pagbabalik ay tutuparin ko na rin ang pangako ko na mapangasawa ka, kaya magpakasal na tayo. Hindi na ako makapaghintay na tawagin kang Mrs. Angeles,” anito.
Napayakap na rin nang mahigpit si Chona sa nobyo.
“Ang akala ko ay hindi ka na babalik, Andrei. Salamat at tinupad mo ang iyong pangako, salamat at tayo pa rin hanggang sa huli,” aniya.
“Kahit kailan ay hindi kita kinalimutan. Nakatatak na ang iyong pangalan dito sa aking puso at isipan habang ako ay nabubuhay.”
Agad na itinakda ang kasal ng dalawa. Matapos ang espesyal nilang araw ay masaya silang bumuo ng pamilya sa probinsiya kung saan unang umusbong ang kanilang pag-iibigan.
Mapaglaro talaga ang kapalaran, kung ang dalawang tao talaga ang nakatakda sa isa’t isa ay gagawa at gagawa ng paraan ng tadhana para sila ay muling pagtagpuin.