Mahilig Magbenta ang Ginang ng mga Produktong Hindi Siya Tiyak Kung Ligtas at Epektibo, Nagbago ang Lahat Nang Bumalik sa Kanya ang Kanyang mga Ginawa
Nakasanayan na ni Gina ang magbenta ng sari-saring gamit, sabon, maski gamot sa mga kapitbahay at kakilala para lamang kumita ng pera. Kahit alam niyang walang epekto ang mga binebenta, panay sa panloloko ang ginang para lamang magkaroon ng pera.
“Neng! Nako, eto para sa iyo ‘to. ‘Yang maiitim mong siko, kili-kili, at singit? Burado lahat ‘yan ‘pag sinubukan mo itong sabon na ito. Dalawang daan lang ‘yan, para sa iyo kasi kaibigan ko naman ang mama mo, P180.00 na lang.”, pang-uuto ni Gina sa dalagang anak ng kaibigan.
“At sa’yo naman, mare! Eh pansin ko lumolobo ka na magmula nang iwan ka ng mister mo. Paano ka pa babalikan noon? Mayroon ako dito, gamot na pampapayat. Isang buwan na inuman lang, tunaw lahat ng taba mo sa katawan! Garantisado ko ‘yan!”, pagbebenta naman nito sa kaibigan.
Ganoon ang paraan ni Gina sa pagbebenta. Tinitingnan niya kung ano’ng mali sa isang tao, saka niya ito tinitira pagkatapos ay bebentahan na niya upang pinagurado ay bumili ang mga ito. Kahit pa hindi niya alam ang sangkap ng mga ibinebenta.
“E, Gina? Sigurado ka bang safe ‘yan? Ang dami kong nababasa kung saan-saan na masama raw ‘yan e. Baka naman magkasakit pa ‘ko dahil d’yan?”, tanong ng babaeng binebentahan niya ng pampapayat.
“Ano ka ba, mare? Bebentahan ba kita ng alam kong hindi maganda? Magtiwala ka. Epektibo ‘yan. Kahit hindi ka na mag diet at exercise, papayat ka.”, panigurado ni Gina.
“O siya, sige. Bigyan mo nga ako ng isang bote. Huhulugan ko kada kinse-katapusan ha. Saka na ako kukuha ng marami kapag epektibo nga.”, tugon ng nautong kaibigan.
Walang takot na nagbebenta si Gina ng mga produkto. Wala siyang pakialam kung may maidulot itong masama sa kalusugan ng mga tao. Ang tanging mahalaga sa kanya ay kumita ng pera upang may maipakain sa nag-iisang anak na si Maureen. Magmula ng iwan sila ng kanyang mister, siya na lamang ang kumakayod para sa kanilang mag-ina.
Isang araw, nakita niyang namimilipit ang anak pagkauwi ng eskwela.
“Maureen, anak! Anong nangyari sa iyo?”, tanong ng nag-aalalang ina.
“Ah, wala po Mama. Masakit lang po ang tiyan ko.”, sagot ng namimilipit na si Maureen.
“Ganoon ba? E ibibili muna kita ng gamot diyan sa tindahan. Teka, maupo ka diyan.”, at agad agad na pumunta si Gina sa kapitbahay upang makabili ng gamot sa sakit ng tiyan.
“Aling Nena! Pabili nga ho ng gamot sa sakit ng tiyan.”, sambit ng nagmamadaling si Gina.
“E, bakit? Hindi ba’y noong isang araw lang e nagbebenta ka sa akin ng gamot sa sakit ng tiyan? Bakit hindi iyon ang ipainom mo sa anak mo?”, tanong ng nagtatakang matanda.
“Ah, eh… Naubos na ho e. Sige na ho, at namimilit si Maureen sa sakit.”, nahihiyang sagot ni Gina habang inaabot ang gamot ng anak. Hindi niya masabing ayaw niyang ipainom ang binebentang gamot sa anak dahil hindi siya sigurado kung epektibo o hindi ito delikado.
Natapos ang gabi at nawala naman agad ang sakit ng tiyan ni Maureen. Inalalayan pa ni Gina ang anak pagpunta sa kama dahil medyo hirap itong kumilos dahil sa kanyang timbang.
“Anak, mas maganda kung mag-diet ka na. E parang araw-araw e mas lalo kang bumibigat, e.”, paalala ng ina sa kanyang anak.
Hindi naman umimik ang bata at agad na nahiga sa kanyang higaan. Maayos ang lahat nang siya’y matulog. Ngunit gulat na gulat si Gina nang makita ang kalagayan ng anak kinabukasan.
Nakita niyang sumuka ito habang natutulog, at tila walang malay kahit paulit ulit niyang gisingin. Kaya nama’y nagmadali siyang humingi ng tulong sa mga kapitbahay at dinala ang anak sa pinakamalapit na ospital.
Nang lumabas ang doktor, agad nitong hinanap ang ina ng bata.
“Kayo ho ba ang ina ng bata?”, tanong ng nag-aalalang doktor.
“Opo, doc. Ano pong nangyari sa anak ko? Ayos na po ba siya?”, pag-aalala ni Gina.
“Ngayon ho’y tinututukan namin siya ng maigi upang maiwasan ang pagkalat ng toxins mula sa iniinom niyang gamot”, paliwanag ng doktor.
“Gamot? Ano hong gamot? Pinainom ko lang ho siya ng isang gamot kagabi para mawala ang sakit ng tiyan niya!”, naluluhang sabi ni Gina.
“Hindi ho iyon. Base sa mga test na ginawa namin, nakita naming umiinom ang anak niyo ng diet pills. Masama ho iyon sa katawan dahil hindi naman iyong approved ng FDA. Sa totoo lang buti ay naagapan, dahil kung hindi ay baka binawian na ng buhay ang inyong anak.”, patuloy na pagpapaliwanag ng doktor.
Gulat na gulat si Gina. Hindi niya alam na umiinom ang anak niya ng gamot pampapayat na ibinebenta niya.
Nang magising si Maureen, agad itong kinausap ni Gina.
“Anak! Bakit mo iniinom ‘yong gamot na ‘yon?!”, tanong ng nag-aalalang ina.
“Kasi mama, palagi na lang akong inaasar sa school na mataba. Saka bakit daw ako mataba, e nagtitindi ka naman daw ng pampapayat. Naririnig ko po sa inyo epektibo at ligtas ang pag-inom no’n, kaya naniwala po ako. Kumuha po ako sa cabinet ninyo. Sorry, mama.”, paliwanag ng naluluhang bata.
“O Diyos ko, patawarin niyo ako. Anak, patawad!”, wala nang ibang lumabas sa bibig ng ginang kung hindi ang paghingi ng tawad.
Agad naman itong natauhan sa kanyang mga nagawa. Nang makauwi sila mula ospital, pinuntahan niya ang lahat ng pinagbentahan ng mga produkto at binigyan ng refund. Sinabi niyang delikado at nakamamatay pala ang pag-inom ng nasabing gamot.
Natutunan ni Gina na hindi dapat nagbebenta ng kung anu-ano sa mga kaibigan para lamang kumita ng pera.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.