Madalas Maliitin ng Dalaga ang Kanyang Kasintahan Dahil Patay na Patay Ito sa Kanya; Nag-iba ang Ihip ng Hangin Nang Nanumbalik ang Pers Lab ng Binata
“Itali mo nga ang sapatos mo.” Utos ng nakasimangot na si Celine sa kasintahang si Karlo.
Agad namang sumunod ang binata. Labis nitong sinisinta ang dalaga kaya kahit anong utos pa nito ay kanyang sinusunod.
“Tapos na? Bilhan mo ako ng ice cream do’n. Gusto ko ‘yong strawberry at vanilla ah.” Sunod-sunod na utos ng babae. Hindi man lang manlambing sa kasintahan.
“Yes, babe. Anything for you.” Nakangiting sagot ni Karlo habang ginagawa ang lahat ng gusto ni Celine.
Nang maihatid na ni Karlo sa bahay ang dalaga, nakatanggap ito ng tawag mula sa isa niyang kaibigan.
“Pre! Kamusta na? Di ka na nagparamdam ah?” Kantyaw ni JC.
“Sensiya na, pre. Busy e.” Paliwanag ni Karlo. Alam din niyang magmula nang maging sila ni Celine ay bihira na siyang makapagpakita sa mga kaibigan.
“Busy? Ul*l! Nakita kita kanina, para kang alipin. Tinatali mo ang sapatos tapos panay takbo mo kada may iuutos sa’yo. Anyare sayo, pre? Na-under ka ng lubos niyan?” Pag-aalala ng kaibigan.
“Ano ka ba? Gusto ko ‘tong ginagawa ko. Mahal ko si Celine, pre” Sagot ni Karlo, na agad namang nainis sa kaibigan kaya’t binabaan na lamang ito.
Ngunit dala ng awa, na halatang-halatang naabuso na ang kabaitan ay hindi tinantanan ni JC ang kaibigan. Nagtext ito kay Karlo.
“Magpakita ka naman. Binyag ng anak ko sa Sabado. Punta ka ah! May papakilala ako.”
“Papakilala? G*go ka ba? Baka magalit si Celine.” Reply ni Karlo.
“Tangek, hindi naman niya malalaman. Saka basta, pumunta ka na lang.” Mabilis na tugon ni JC.
Wala sa plano ni Karlo ang pumunta, ngunit napilitan siya nang malaman ito ng kanyang ina. Matalik na kaibigan ng ina ni JC ang ina ni Karlo.
Nang dumating si Karlo, agad nitong pinuntahan ang kaibigan upang iabot ang regalo.
“Pre, oh. O sige, mauna na ako. May pinapabili pang sapatos si Celine sa akin e. Ngayon lang daw sale sa mall ‘yon. Baka hindi ako umabot, at mag-init na naman ang ulo nun.” Pagpapaalam ni Karlo.
“Hahaha! Pre! Ano ka ba naman?! Hindi kita hahayaang umalis nang hindi pa tayo nakakapag-inuman ‘no!” Sagot ni JC. Wala nang nagawa si Karlo dahil alam niyang ikagagalit din ito ng ina kapag umalis siya agad.
Habang nakaupo at naghihintay ng text ng kasintahan, nagulat si Karlo nang may lumapit sa kanyang isang magandang dalaga.
“Hi, Karlo? Is that you?”
“Oo, ako nga. Bakit?” Nagtatakang tanong ni Karlo.
“Wala naman. Hindi mo na ba ako naaalala?” Nakangiting tanong ng dalaga.
Nagulat si Karlo nang biglang maalala kung sino ang kahawig ng babaeng nasa harapan niya.
“Isabel?!” Bulalas ni Karlo. Si Isabel ang kanyang first love at first girlfriend, na buong akala niya ay bigla na lang nang-iwan noong umalis ito patungong Amerika.
Ipinaliwanag ni Isabel na hindi siya nakapagpaalam noon dahil nagmamadali ang kanyang mga magulang sa pag-alis, dahil kailangang operahan sa puso ang kanilang lola. Agad namang naintindihan ito ni Karlo.
Nagkakwentuhan ang dalawa, habang inaalala ang masasayang mga pangyayari noong sila ay magkasintahan pa. Pati na rin kung gaano inaalagaan ni Isabel ang binata noon.
“Nabalitaan ko nga kay JC kung ano nang nangyayari sa’yo. Nalungkot ako nang marinig ang lahat. Bakit mo naman hinahayaan na itrato ka ng ganoon ng girlfriend mo?” Tanong ni Isabel sa dating kasintahan.
“Alam mo namang ganoon ako magmahal, hindi ba? Tulad sa’yo. Ilang taon akong naghintay bago maka-move on at para makipag-relasyong muli.” Paliwanag ng binata.
Sa sarap ng kanilang kwentuhan ay nakalimutan na ng binata si Celine na galit na galit nang nagtetext sa kanya.
“HOY KARLO? NASAAN KA NA? NABILI MO BA IYONG SAPATOS KO? NAKO! HINDI KA TALAGA MAAASAHAN! NAPAKA-WALANG KWENTA MO!” Text nito kay Karlo. Nang mabasa naman ito ng binata, agad itong tumayo at nagpaalam kay Isabel.
Nang paalis na siya, laking gulat niya nang makita si Celine na nagngingitngit sa galit na nakatayo malapit sa kanila.
“Punyeta! Wala ka talagang kwenta! Bahala ka d’yan! Pwe! Break na tayo!”, Galit na galit ang babae, hindi dahil sa nakitang may ibang kasama ang binata. Kung hindi dahil sa hindi nito nasunod ang ipinag-uutos niya.
“Alam mo? Hindi boyfriend ang hanap mo. Hindi boyfriend, kung hindi chimoy! Umalis ka na dito! Eskandalosa!” Sigaw ni Isabel. Gulat na gulat si Karlo dahil wala sa pagkatao nito na sumisigaw at nakikipag-away.
Agad siyang nilapitan ni Isabel. Humingi ito ng tawad sa biglaang pagkawala noon. At nangakong kung bibigyan pa ng isang pagkakataon ay gagawin nito ang lahat upang sila na talaga ang magkatuluyan hanggang sa huli. Ngunit dahil kakahiwalay pa lamang kay Celine, nanghingi muna ang binata ng kaunting oras upang makapag-isip.
Matapos ang ilang buwan, muling nagkamabutihan ang noo’y pinaghiwalay ng tadhana.
“Love… Dear… Baby… Sorry na… Balikan mo na ako. Pinagsisisihan kong nakipag-break ako sa ‘yo.” Pagmamakaawa ni Celine kay Karlo.
“Sorry, Celine. Minahal kita ng lubos pero gin*go mo lang ako. Hindi mo ako mahal. Sarili mo lang ang mahal mo. Isa pa, may kasintahan na ako, si Isabel. Hindi utusan ang turing niya sa akin. Ang sarap sa pakiramdam na inaalagaan niya ako at may malasakit siya sa akin. Hinding-hindi ko na babalikan ang mala-impyerno kong buhay sa piling mo.” Malamig ang tinig na saad ni Karlo.
“Hindi mo ako matitiis. Maniwala ka sa akin! Hindi ako papatalo sa baduy mong ex! Hehehehe!” Pasigaw na saad ni Celine.
Tumalikod na lamang si Karlo at lumakad ng matulin. Iritang-irita ito na nasilayan na naman ang mukha ng dating nobyang pagka-kapal kapal ng make up.
“Naiistress ako! Makapagpa-parlor nga!” Giit ni Celine sa sarili.
Nang makarating sa salon ay nakita ni Celine na naroon din si Isabel.
“Napakaganda mo talaga, Isabel! Bagay na bagay kayo ng nobyo mo. Napaka-sweet niyo kanina. Alagang-alaga ninyo ang isa’t-isa.” Saad ng baklang si Chocolate.
Namumula naman sa hiya ang butihing dalaga. Habang si Celine ay nagngingitngit sa isang sulok. Palibhasa’y todo effort ito sa pag-aayos ngunit hindi maikakailang di hamak na mas napakaganda ni Isabel kumpara sa kanya.
“Hoy! Ano ka!? Hindi lamang sila mag boyfriend! Ipinapanood pa sa akin ng nobyo niya ang video kung saan nag-propose na ito ng kasal sa kaniya.” Giit ng isa pang baklang parlorista.
Lalo namang nag-puyos ang damdamin ni Celine sa narinig kaya’t agad itong lumabas ng parlor.
Habang tumutulo ang luha ng sutil na dalaga’y nakasalubong niya ang parating na si Karlo at agad niya itong inundayan ng sampal.
“Wala kang karapatang saktan ako, Celine!”
“Bakit? Sino’ng ipinagmamalaki mo? Si Isabel? Hahahah! Bagay kayo! Pareho kayong mahina!” Sabay sampal na naman sa kabilang pisngi ng pobreng binata. Pinagtatadyakan niya ito sa hita, sa paa, at kung saan-saan pa. Hindi pa ito nakuntento at inihampas ang bag sa mukha ng pobreng binata. Wala namang nagawa si Karlo kung hindi umiwas na lamang.
Hindi namamalayan ni Celine na marami na palang nanonood sa kanila.
Nagulat ito nang sunggaban siya ni Chocolate at ng isa pang baklang parlorista at hilahin papasok sa banyo ng nasabing parlor upang walang ibang makakita. Hinatak ng mga ito ang buhok niya at pinagsasampal siya.
“Tama na!!! Maawa kayo sa kanya!!!” Sigaw ni Isabel sabay takbo papunta kay Karlo. Umiiyak ito habang niyayakap ang bugbog saradong nobyo.
Tila hinihingal pa si Celine nang sa wakas ay tinigilan ng mga bakla ang paghatak ng kanyang buhok. Namamaga na ang mga pisngi nito sa sampal at pakiramdam niya’y halos malamog ang kaniyang anit.
“Kung tutuusin ay ipababarangay sana kita dahil sa ginawa mong pananakit sa akin ngunit siguro naman madadala ka na sa sinapit mo. Alam ng lahat na napakabuti kong tao pero Celine, hinding-hindi kita kayang tignan. Ang dating pagmamahal ko sa iyo ay napalitan na ng poot! Parang awa mo na, ayoko nang makita maski ang anino mo!” Saad ni Karlo habang hinihimas ang bugbog saradong katawan.
“Ipa-barangay mo ‘yan, Karlo! Nanggigigil ako sa babaeng ‘yan! Ang panget mo ngayong burado na ‘yang make-up mo! Kulang pa ‘yan sa ‘yo, girl!” Saad ng gigil na gigil na parloristang si Chocolate.
Agad namang sinenyasan ni Isabel si Celine na tumakbo na palayo nang makitang may tangay-tangay na arinola ang isa pang baklang nagtratrabaho sa salon.
Bago pa man makatakbo’y nabasa na ng pinaghalong tubig at ihi ang mukha’t katawan ni Celine.
“Karlo, parang awa mo na! Hindi ka ba naaawa sa itsura ko? Balikan mo na ako! Mahal kita, Karlo!”
“Umuwi ka na, Celine! Huwag ka nang magsalita dahil lalo lang sumisiklab ang galit ko sa iyo. Isabel, halika na’t umuwi na tayo. Kailangan kong lagyan ng yelo ang mga bukol ko. Pagkatapos nito’y magsasampa ako ng kaso.” Saad ni Karlo.
At naglakad si Celine pauwi sa kaawa-awang lagay. Habang naglalakad ay pinandidirihan pa siya at pinagtatawanan ng mga nakakasalubong dahil sa amoy ng masangsang na ihi.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.