Inday TrendingInday Trending
Labis na Ipinagmamalaki ng Milyonaryo ang Kapatid at Pamangkin na Naging Matagumpay sa Buhay, Ang Hindi Niya Inaasahan, Alam ng Mayayaman Niyang Kaibigan ang Kanyang Kagarapalan

Labis na Ipinagmamalaki ng Milyonaryo ang Kapatid at Pamangkin na Naging Matagumpay sa Buhay, Ang Hindi Niya Inaasahan, Alam ng Mayayaman Niyang Kaibigan ang Kanyang Kagarapalan

​”Congratulations, RJ! Sa akin ka talaga nagmana at hindi sa Mommy Linda mo eh.” Pagbibiro ni Ben, ang tiyuhin ni RJ na kapatid ng ina nitong si Linda.

“Si Lucio ang nagmana sa iyo, Tito. Cum laude ako pero mas malupit si insan sa akin. Ikaw ba naman ang maging Suma Cum Laude. Congrats, tol.​ Nasa lahi talaga natin.​” Saad ni RJ​ habang nakangiti sa pinsang si Lucio.

“Suma Cum Laude nga ano naman ang kurso, fine arts?” Nangiinsultong saad ni Ben. Palibhasa’y inis ito sa kapatid niyang si Merlie na ina ni Lucio. Madalas kasi itong lumapit sa kanya upang mangutang simula nang magkasakit hanggang sa yumao ang ama ni Lucio dahil sa malubhang karamdaman.

​Ramdam ni Lucio ang pagkamuhi ng kaniyang Tito Ben hindi lamang sa kaniyang ina kundi pati na rin sa kaniya.

“Grabe ka naman, tito. Ang dami kong kilalang artists na talagang sumikat sa buong mundo.” Pagtatanggol ni RJ sa pinsan.

“Ben, pasensiya ka na kung hindi ko na nabayaran ang tubo sa ipinautang mo sa amin nang magkasakit ang asawa kong si Randy. Ngayong nakapagtapos na ng pag-aaral si Lucio, ang sabi niya’y babayaran ka daw niya ng paunti-unti sa oras na magkatrabaho na siya.” Maamong sambit ni Merlie.

“Aba, Kuya Ben… Huwag mo nang pabayaran iyon. Tutal ay tubo na lamang naman iyon. Nakabayad na sila sa iyo sa kapital. Maawa ka naman sa mag-ina. Kita mo’t kahit naiwan sila ni Nicanor ay hindi napabayaan ni Lucio ang kaniyang pag-aaral at pirmeng nag oovertime iyang si Merlie sa pananahi.” Wika ng ina ni RJ na si Linda.

“Aba, hindi naman ako naniningil. Nasa sa kanila na lamang iyan kung mahihiya silang magbayad pa o hindi. Halika na’t nagugutom na ako.” Saad ng mapagmataas na si Ben.

Bakas sa mukha ni Linda ang pagkainis sa panganay na kapatid at halatang awang-awa ito sa bunsong kapatid na si Merlie.

Nang makarating sa restawran ay sinurpresa ni Ben si RJ ng isang cake na may nakasulat na “Happy Graduation”. Wala doon sa cake ang pangalan ni Lucio.

“RJ, dahil alam kong mapapalago mo itong pera ko’y ipapaubaya ko itong 500,000 pesos ko sa iyo. Alam kong kayang-kaya mong patunayan kung bakit business management ang nakuha mong kurso. Isa pa’y alam kong kasing galing mo ang daddy mo sa paghahawak ng mga negosyo at hindi ka rin niya pababayaan.” Wika ni Ben.

Bigla naman dumating ang asawa ni Linda na si Macky at agad na nag-mano dito ang anak na si RJ at ang pamangking si Lucio.

“Bakit si RJ lang ang may regalo, Ben? Paano naman si Lucio? Huwag kang umasang matututukan ko pa ang negosyong gusto mong patakbuhin ng anak ko. Napakarami ko nang ginagawa.” Saad ni Macky.

“Ah… Kuya… Alam kong may utang pa kami sa iyo pero gusto ko sanang malaman kung puwedeng humiram kami ni Lucio ng 10,000 sa iyo para mas mabilis naming maibalik ang tubo sa inutang namin noon. May ideya kasi si Lucio na pintahan ang mga tinatahi kong bag na gawa sa katsa at saka namin ipapadala iyon sa matalik niyang kaibigan na pupunta ng Korea. Sigurado akong papatok iyon dahil usong-uso daw doon ang mga handpainted bags.” Ani Merlie habang mababakas sa mukha nito ang maitnding hiya.

“Ma, huwag na po! OK lang. Ipagpaliban na lamang muna natin ang ideyang iyan. Magtratrabaho muna ako….” Hindi pa natatapos ng pagsasalita si Lucio nang magmagandang loob si RJ.

“Walang problema, Tita Merlie. Lucio… Ano ka ba… Ako na lang mismo at si mommy ang magbibigay sa inyo ng 10,000. Alam kong kayang-kaya ninyong palaguin iyan! At hindi po iyon utang… Regalo namin sa iyo ni mommy ‘yon, Lucio.” Wika ni RJ.

“Hindi na! Ako na ang bahala. Ang regalo ko kay Lucio ngayong nakapagtapos na siya ay 25,000. Nangako ako sa papa mo bago siya mawala na ako na ang tatayong ama mo.” Wika ni Macky habang tinatapik pa sa balikat ang pamangking si Lucio.

“Hindi ko na po ito tatanggihan, Tito Macky. Maraming-maraming salamat po. Lahat po ng kabutihan ninyo sa akin ay mananatili sa puso ko.” Naluluha-luha pa ang pobreng si Lucio habang nagpapasalamat.

“Diyos ko, kumakain tayo tapos hihiritan niyo ako ng utang… At ang kapal din naman. Talagang tinanggap ang perang galing kay Macky. Wala na akong ganang kumain… Linda, RJ, Macky… Magkita na lang tayo sa condo ko. Doon na lamang natin ituloy ang kuwentuhan para wala nang mga asungot pa… O siya, aalis na ako. Mahiya naman sana kayo kay Macky. Nawa’y mabayaran niyo ‘yan.” Nakairap pang saad ni Ben habang naglalakad palayo.

Napailing na lamang ang mag-asawang Macky at Linda.

Lumipas ang isang taon at tila nagdilang anghel nga si Merlie. Napansin ng isang Japanese fashion designer ang mga hadpainted bags na likha ni Lucio. Hindi na lamang mga bags na gawa sa katya ang kaniyang pinipintahan kundi pati na rin mga bags na gawa sa leather na tinatahi rin ni Merlie.

At dahil biglang bumuhos ang kanilang mga kliyente’y kumuha sila ng sampung mananahing tutulong sa produksyon.

Dahil dito’y nakabili na sila ng isang pick-up van at ang dating sira-sirang bahay ay kanila na ring napaganda. Naibalik na din nila kay Ben and tubo sa perang inutang nila noon upang ipangpagamot sa amang may karamdaman. Sa katunaya’y doble pa ang kanilang binalik dito.

“Iba ka talaga, pinsan. sa 25,000 na puhunan mo’y hindi lamang sampung beses ang bumalik sa iyo. Samantalang ako, naubos ko lang ang perang ibinigay ni Tito Ben sa wala. Napakahirap kasing mag-manage ng restawran. Higit sa lahat, hindi ko napag-aralang mabuti ang negosyo. Hindi tuloy ito tinao.”

“Huwag kang mag-alala, RJ. Ako’ng bahala sa ‘yo.” Saad ni Lucio sabay may iniabot na cheke dito.

“Ha? 1 million pesos? Para saan ito?” Nagtatakang saad ni RJ.

“Nagtaka ka pa! Para saan pa’t naging mag-pinsan tayo!? Bata pa lang tayo, lahat na ng damit at laruan na mayroon ka ay mayroon din ako. Hindi kasi ako matiis ni Tita Linda at Tito Macky kaya’t tuwing bibilhan ka’y binibilhan din nila ako. Kayong pamilya ko ang inspirasyon ko sa buhay. Lalo na ikaw, si Tito Macky at si Tita Linda. Napakabuti ninyo sa amin.” Nakangiting saad ni RJ.

Maya-maya’y biglang dumating si Ben. May dala itong mga regalo at cake. May mga kasama din itong mga kaibigan. “Congratulations, Lucio! I am so proud of you!” Iyon pa ang nakasulat sa cake.

“Oh, ito yung pamangkin kong si Lucio! Yong napapanood ninyo sa TV na magaling na painter ng mga bags!” Abot hanggang tainga ang mga ngiti ni Ben.

“Wow! Tama nga ang lagi mong sinasabi sa amin! Nasa lahi ninyo talaga ang pagiging matagumpay sa buhay.” Wika ng isa nitong kaibigan na mukhang donya.

“Aba, hindi lang kayo parehong mahuhusay. Ang gagandang lalake din pala ng lahi ninyo. Si mother, siya ba ang kapatid mo na si Merlie? Hindi naman maikakaila. Kahit may edad na’y lumulutang pa din ang ganda.” Saad ng asawa ng babaeng mukhang donya.

“Ayy, oo! Iyan ang bunso namin! Magaling na mananahi iyan!” Wika ni Ben.

“Oh, bakit biglang proud na proud ka ngayon sa pamangkin at kapatid mo? Di ba dati’y nanggigigil ka sa kanila dahil hindi sila makabayad ng tubo sa utang na dapat nga sana’y itinulong mo na lamang sa kanila?” Nagulat ang lahat ng biglang dumating si Macky at nagsalita.

“Ha? Anong utang?” Wika ng donya.

Agad namang ikinuwento ni Macky ang lahat sa mag-asawang kaibigan ni Ben.

“Pambihira naman pala, Ben. Sa dami ng pera mo’y nagawa mo pang singilin ang pobreng mag-ina. Nangunguna ka pa sa pagbibigay ng donasyon sa ating mga charity works ngunit sa sarili mong kapatid ay naging matapobre ka. Pakitang tao ka lang pala.” Saad ng asawa ng donya.

“Alam mo bang sa hirap din kami nanggaling, Ben? Hindi ka pala nararapat maging presidente ng ating asosasyon. Ang sabi mo pa naman, kaya tayo pupunta dito para maipresenta mong karapat-dapat ka. Ipagmamayabang mo lamang pala ang tagumpay ng pamangkin mong hindi mo tinulungan noong naghihirap pa.” Giit ng donya.

Pahiyang-pahiya si Ben at halos hindi na maalis sa pagkakayuko. Agad na lamang itong umalis at iniwan ang mga kaibigan.

Sa isang sulok ay napapangiti na lamang si Merlie, Lucio at RJ.

“Si Papa Macky talaga, oh!” Saad ni RJ habang umiiling-iling.

Advertisement