Inday TrendingInday Trending
Inis ang Dalagita sa Ina dahil Lagi Nalang Itong Hadlang na Mag-Party Siya, Kalaunan ay Naintindihan Niya Rin ang Dahilan Nito

Inis ang Dalagita sa Ina dahil Lagi Nalang Itong Hadlang na Mag-Party Siya, Kalaunan ay Naintindihan Niya Rin ang Dahilan Nito

“Ma, ba’t ba hindi ako puwedeng sumama sa kanila? Eh halos lahat ng mga kaibigan ko naroon. Ako na lang lagi ang hindi pinapayagan?” naiinis na tanong ni Ela.

“Basta Ela ha, huwag ka nang makulit diyan. Overnight yon. Saka ka na magpaalam ng ganyan pag nagtatrabaho ka na. Paulit ulit na lang tayo sa ganyan. Sumasakit na ang ulo ko sa’yo.” tugon ni Digna, nanay ni Ela.

Si Ela ay 16 years old pa lamang kaya sa tuwing nagpapaalam siyang sumama sa lakad ng mga barkada niya ay madalas siyang hindi pinapayagan ng ina. Mag- focus na lamang daw siya sa pag-aaral.

Hindi niya maintindihan ang dahilan nito kaya madalas silang magtalo. Halos lahat kasi ng mga kaibigan niya ay nagagawa na ang kanilang mga nais, siya lang ang hindi.

“Hoy Ela, ikaw na naman ang wala kahapon. Bakit ba ayaw ka payagan ng Mama mo?” tanong ni Tina.

“Eh ganoon talaga eh. Kahit sila ate noon hindi din daw niya pinapayagan. Mabubuhay naman daw ako ng hindi sumasama sa lahat ng party. Napapagalitan na lang ako palagi pag ipipilit ko.” sagot ni Ela.

“Ang saya -saya kaya. Next week may party ulit pero sa bahay naman namin kaya siguro naman papayagan ka na. Ipagpaalam pa kita at tatawag tawagan natin si Tita mula sa bahay para naman ganap na ganap tayo. Kunwari na lang kailangan natin tapusin yung project natin.” Pag-aya ni Tina.

Napaisip si Ela sa sinabi ni Tina. Wala naman sigurong masama kung susubukan niya. Isa pa, sa bahay naman gaganapin kaya alam niya na safe sila.

Nagpaalam si Ela sa kaniyang mama kasama si Tina.

Sinigurado ni Digna na talagang sa bahay nila Tina gagawin ang project. Pinayagan niya ang anak sa kondisyon na tatawag at magte- text sito palagi sa kanya. Pinauuwi rin niya si Ela bago mag alas dose, susunduin niya na lamang ito sa harap ng Bahay ng kamag-aral.

Natuloy ang party sa bahay ni Tina. Naroon ang kanilang mga kaibigan. May mga pagkain at mga inumin, may videoke rin na nakahanda.

Sa araw na iyon ay wala ang mga magulang ni Tina at tanging kasambahay lang ang kasama nilang matanda. Ilang minuto pa ay nagulat si Ela nang magdatingan ang iba pang mga bisita, pawang kalalakihan. Ang buong akala niya kasi ay silang magkakaibigan lamang roon.

“Uy, Ela sila ung mga kaibigan ni Mike. Si Mike, diba kilala mo naman siya?” tanong ni Tina.

Si Mike ay ang nobyong lagging kinukwento ni Tina sa kanya, tipid na nginitian niya ang lalaki. Tapos noon ay nagtuloy na ang gabi, si Ela ay timitikhim ng alak, kumakanta at nakikipagkwentuhan lang.Habang si Tina naman at ang ibang barkada ay tila mga uhaw na uhaw na pinaglalagok ang ilang bote.

“Ganito pala kasaya pag kasama kayo sa ganitong tambay. Sana maulit pa.” tuwang tuwang sabi ni Ela.

Bago mag alas-dose ay tinext na ni Ela ang kaniyang Mama na sunduin na siya. Naisip niyang magpa- good shot para mapayagan siyang muli nito. Natuwa naman si Digna at sinundo ang anak.

“Asan si Tina? Kamusta ang pag-gawa niyo ng project? Natapos niyo ba?” tanong ni Digna.

“Opo, natapos naman po namin. Hindi na po lumabas si Tina kasi po nagliligpit na po sila para makauwi na rin po yung iba.” Sagot ni Ela.

Ang totoo ay hindi niya nakita si Tina bago siya umalis. Hinahanap niya ito ngunit ang sabi ay nasa kwarto daw kasama si Mike. Pinuntahan niya ito sa taas ngunit sarado ang pintuan sa kwarto. May ibang naiisip si Ela pero hinayaan na lamang niya ang kaibigan at nagmamadali na rin siyang puntahan ang kaniyang Mama sa labas.

Pagkapasok nila sa school ay pinag-usapan nila ang party.

“Sabi ko sa’yo ang saya diba? Sa susunod sama ka ulit ah?” wika ni Tina.

“Oo nga eh, teka nung aalis na ko hindi kita nakita. Pinuntahan kita sa taas pero nakasarado ang pinto mo at naka-lock? Si Mike ba ang kasama mo sa loob?” pag-usisa ni Ela.

“Wala, wala yun. Basta. Planuhin na lang natin next na bonding ulit.” Sagot ni Tina, dineadma ang tanong niya.

Lumipas ang ilang araw at napadalas ang hindi pagpasok ni Tina sa klase. Hindi siya nirereplyan nito sa mga mensahe niya. Bago matapos ang buwan ay tuluyan ng nag drop-out si Tina. Nagulat na lamang siya ng mabalitaan na buntis ang kaniyang kaibigan. Nanghihinayang siya dahil konting araw na lamang ay magtatapos na ang kanilang taon.

Pag-uwi niya sa kaniyang bahay ay sinalubong agad siya ng kaniyang ina. “Nabalitaan ko yung kay Tina. Yan ang sinasabi ko anak, sana ngayon ay naiintindihan mo na. Pinangangalagaan lang kita. Kayong mga kabataan ay mapupusok. Isipin mo napakabata pa niya para maging isang Ina. Hay, mas lalo mo pa ako maiintindihan pag naging nanay ka na.” wika ni Digna.

“Sorry po Mama kung mapilit ako. Salamat at maaga kong nalaman ang maaring kahinatnan ko. Hindi na ako susuway sa inyo at uunahin ko muna ang pag-aaral. Akala ko basta masaya okay na, meron palang mga pwedeng mangyari na makakasira sa akin. Hindi na po ako magmamadali ulit.”sagot ni Ela.

“Lahat may tamang panahon anak. Sa ngayon, ienjoy mo muna ang kabataan mo at pag-aaral mo.” paalala ni Digna.

Advertisement