Nais Lamang ng Magkakaibigan ay Makapagbakasyon sa Mahal na Araw, Ngunit Hindi Nila Alam ang Kahindik-Hindik na Matutuklasan sa Mansyon na Tutuluyan
Mula pagkabata ay magkakaibigan na sina Joaquin, Miko, Tristan, Patrick at Owen. Nakatira sila sa isang exclusive village sa Pasig. Lahat sila ay nanggaling sa mayamang pamilya. Hindi sila katulad ng ibang mga anak mayaman na masama ang ugali. Mababait, masunurin at masipag mag-aral ang lahat ng miyembro ng kanilang barkada. Kaya naman lahat ng luho nila ay ibinibigay ng kanilang mga magulang.
“Bro, saan ba tayo this holy week?”, tanong ni Miko habang naglalaro sila ng bilyar sa bahay nila Tristan.“Oo nga pala. Mahal na araw na sa susunod na linggo at wala pa tayong plano.”, sagot ni Patrick pagkatapos ihain ang pinadeliver na pizza na meryenda nila.
Nagustuhan ni Tristan ang pinaguusapan ng mga kaibigan kaya hininto niya ang panonood ng pelikula sa Netflix gamit ang kanyang bagong gadget at sinabing, “Dalawang taon na tayong nag out of the country. Nakakasawa na. Gusto ko naman ngayon ng adventure. ‘Yung dito lang sa ‘Pinas!.”
Napagkasunduan nilang magkakaibigan na magpunta sa isang resthouse na matatagpuan sa tuktok ng bundok sa probinsya ng Quezon. Ipinasama ng mga magulang nila ang anak ng drayber nila Joaquin na si Jethro para may magbabantay sa kanilang nakatatanda. Hindi naman nalalayo ang agwat ng edad ni Jethro sa kanila kaya kasundo nila ito at madalas na ito ang kasama nila sa tuwing sila ay umaalis para magsaya.
Mula sa paradahan ng kanilang sasakyan, halos isang oras ang nilakad nila paakyat ng bundok. May mangilan-ngilang bahay silang nadatnan papunta sa tuktok ng bundok kung saan sila magbabakasyon. Namangha sila sa kanilang nakita. Napakaganda ng tanawin. Hindi din nila akalain na moderno ang bahay na kanilang tutuluyan. Walang gate ang tatlong palapag na bahay na iyon. Pagdating nila ay sinalubong sila ni Mang Amado, ang tagapangalaga ng rest house na kanilang tutuluyan.
“Hindi n’yo na kailangang bumaba ng bundok para bumili ng mga kakailanganin ninyo sa loob ng tatlong araw. Kasama na ang pagkain, inumin at mga personal na gamit sa binayaran ninyo. Ang silid ko ay matatagpuan sa basement. Ito ang aking numero sa selpon. Tawagan o text n’yo na lamang ako kapag may kailangan kayo. Ito nga pala si Teresa, pamangkin ko. Nakakadinig siya pero wala siyang kakayahang makapagsalita. Nakatira siya sa may paanan ng bundok. Malamang ay nadaanan ninyo ang kaniyang tirahan. Siya ang maglilinis at magluluto para sa inyo mula alas otso ng umaga hanggang alas otso ng gabi.”, napakahabang bilin ng matanda.
Habang nagsasalita ang matanda, napansin ni Owen na balisa si Teresa. Kakaiba ang tingin sa kanila ng dalaga na pakiwari ay mayroong gustong sabihin sa kanila.
“Dahil nasa tuktok kayo ng bundok, hindi kayo maaaring lumabas pagsapit ng dilim. Maraming mababangis na hayop ang gumagala dito. May makikita kayong maliit na kubo sa likod ng mansiyon na ito. Huwag na huwag kayong pupunta doon kapag gabi.” dagdag ni Mang Amado sa napakahabang listahan ng mga bilin nito.
Nalaman ng mga kabataan sa pamamagitan din ni Mang Amado na may ligaw na kaluluwa ng babae ang nakatira sa naturang kubo. Tuwing alas diyes ng gabi ay maririnig ang malakas na sigaw ng nasabing ligaw na kaluluwa. Kahit sa karatig-pook ay dinig na dinig ang sigaw na iyon kaya wala ni sinumang tao ang nagpupunta sa lugar na ‘yon pagsapit ng dilim.
Kinabahan ang mga binata. Laking pasasalamat na lamang nila na ipinasama sa kanila si Jethro.
Napakaraming kuwarto sa loob ng bahay na iyon ngunit dahil sa sinabi ni Mang Amado, isang kuwarto lamang ang ginamit nilang magkakaibigan. Nais din nilang isama si Jethro sa kuwarto nila ngunit hindi ito pumayag dahil maingay daw sila at nais niyang mapag-isa upang makapagpahinga.
Masaya ang unang araw ng kanilang grupo. Pinuntahan nila ang batis na nadaanan nila. Hindi nila namalayan ang oras at malapit nang magdilim ng mauwi sila sa kanilang tinutuluyan.
Marami silang nakain sapagkat napakasarap ng inihandang ginataang suso at inihaw na tilapia ni Teresa. Inaya nilang sumabay sa pagkain ang magtiyuhin ngunit tumanggi ang dalawa. Tapos na daw silang maghapunan.
Pagkatapos kumain ay niligpit na ni Teresa ang kanilang pinagkainan. Inihanda ang lambanog na ibinigay sa kanila ni Mang Amado at ang pulutang bopis at kalderetang kambing na si Mang Amado mismo ang nagluto.
Nagpaalam na ang magtiyuhin.
“Guys, wala ba kayong napapansin kay Teresa. Kakaiba ang kinikilos niya. Ang layo-layo niya sa atin pero parang may nais siyang sabihin.”, sabi ni Owen pagkatapos tumagay ng lambanog.
“Bukod sa malulusog niyang dibdib at matambok na puwet, wala naman.” Nakangising sagot ni Patrick sabay subo sa bopis na kanilang pulutan.
“Ikaw talaga Patrick. Inatake ka na naman ng kamayakan mo!” Pambubuyo ni Joaquin.
“Huwag kayong maingay. Baka marinig kayo ni Mang Amado at magalit ‘yon. Baka isipin niya ay binabastos natin ang pamangkin niya.”, kunot noong saway ni Jethro sa mga binata.
Nagkakantahan sila ng bigla silang nakarinig ng malakas na sigaw ng isang babae na tila nakakaramdam ng matinding sakit. Hindi nila namalayan ang oras at alas diyes na pala ng gabi. Ito na siguro ang sinasabi ni Mang Amado na sigaw ng ligaw na kaluluwa ng babae. Hindi nila akalaing totoo ang kwento ng matanda. Akala nila ay tinatakot lamang sila nito upang hindi sila lumabas at delikado.
Dahil sa takot ay tinapos na nila ang kanilang inuman, sabay-sabay silang pumasok ng kuwarto at natulog.
Alas sais y medya pa lamang ng umaga ay nagising na si Owen. Pagsilip niya sa bintana ay nakita niyang lumabas ng kubo si Teresa kasunod si Mang Amado. Mukhang bagong gising ang dalawa. Nagduda tuloy siya sa sinabi sa kanila ng matanda.
Nang makita ni Teresa na nakasilip si Owen sa bintana, sinenyasan niya ito na magtago. Naintindihan naman agad ni Owen ang ibig sabihin ng dalaga.
Napakalaking palaisipan ang nakitang iyon ng binata kaya buong umaga ay tahimik lamang siya.
Pagkakain nila ng tanghalian ay may iniabot sa kanya ang dalaga na kapirasong papel. Agad na pumasok si Owen sa banyo upang tingnan ang nakasulat sa papel. Muntik na siyang tumumba sa kinatatayuan niya.
“TULONG!!!”, Ito ang salitang nakasulat sa kapirasong papel na iniabot sa kanya ni Teresa. Naintidihan naman agad ni Owen ang ibig sabihin ng dalaga kaya agad niyang kinausap ng palihim si Jethro.
Sinabi niya dito ang nakita niya no’ng umaga at ang sulat na ibinigay sa kanya ng pobreng dalaga. Napagkasunduan ng dalawa na huwag munang ipaalam sa mga kasama ang kanilang nalalaman.
Alas tres ng hapon ng magpaalam si Jethro na pupunta siya ng bayan. Nalaman daw ng kababata nito na nasa Quezon siya at inimbita na bumisita doon.
“Anong oras na? Aabutin ka na ng gabi pagbalik mo dito. Delikado.”, naghihinalang tanong ni Mang Amado kay Jethro.
“Magpapalipas na po ako ng gabi doon. Bukas na po ng tanghali ang dating ko.”, sagot naman ni Jethro.
Inihatid ni Mang Amado si Jethro pababa ng bundok. Nang malapit sa sila sa may mga kabahayan, “Bumalik na po kayo, Mang Amado. Kaya ko na po ito.”
Agad namang bumalik si Mang Amado paakyat ng bundok. Nagmamadali siya sapagkat dapit-hapon na.
Pagkatapos kumain ng hapunan ng grupo, niligpit na ni Teresa ang kanilang pinagkainan. Inalok sila muli ni Mang Amado ng lambanog subalit tinanggihan na nila iyon. Sapat na ang isang beses na tagayan.
Hinatid ni Mang Amado si Teresa palabas ng mansyon. Habang papalabas, palihim itong tumingin kay Owen. Ngumiti ito kay Teresa na tila nagsasabing naiintindihan nito ang dalaga.
“Sino ang pinuntahan ni Jethro? Ang pagkakaalam ko, sa Davao siya lumaki. Paano siya nagkaroon ng kababata dito sa Quezon?”, nagtatakang tanong ni Joaquin sa grupo habang naghahanda na sa pagtulog.
Bago umalis si Jethro, binilinan niya si Owen na wala siyang sasabihin sa grupo tungkol sa nalalaman nila. Ngunit dahil sa hindi na mapakali si Owen, napilitan siyang sabihin ang lahat sa grupo.
Gulat na gulat ang apat na binata. Hinintay nila ang pagdating ni Jethro. Alas nuwebe y media na ngunit hindi pa rin dumarating ito, kaya napagdesisyunan na ng grupo na puntahan ang kubo.
Nagdala sila ng pamalong kahoy para kung sakaling kailanganin ng pagkakataon ay handa sila sa anumang maaari nilang makaharap.
Dahan-dahan silang lumabas papunta sa may kubo. Laking gulat nila pagbukas nila ng pintuan ng kubo. Tumambad sa kanila ang hubo’t hubad na si Teresa. Nakatayo ito, magkahiwalay na nakatali ang dalawang kamay pataas pati ang dalawang paa na tila korteng ekis. Wala ring saplot sa katawan ang matandang si Mang Amado. May hawak na pamalo sa kanang kamay at dahan dahang hinihimas ang malulusog na dibdib ng dalaga gamit ang kaliwang kamay nito.
Laking gulat ng matanda ng makita ang limang binata. Bigla nitong kinuha ang itak na nakapatong sa mesa at akmang tatagain ang mga binata. Nang biglang may narinig silang putok ng baril.
Nabitawan ni Mang Amado ang itak at umagos ang dugo sa braso nito. Laking pasasalamat nila nang makita ang mga pulis na kasama ni Jethro, na sa wakas ay nakabalik na. Saktong sakto ang dating ng mga ito.
Dali-daling pinosasan ng mga pulis ang matandang manyakis. Hinubad ni Owen ang kanyang suot na jacket at tinakpan ang nanlalamig na hubad na katawan ng dalaga. Tinanggal nila ang pagkakatali ng mga kamay at paa nito. Niyakap naman agad ng dalaga si Owen at hindi mapigilan ang pagtulo ng luha dala ng kasiyahan sapagkat tapos na ang paghihirap niya sa demonyong matanda. Nagpasalamat ito sa mga binata lalong-lalo na kay Owen, na naging kasangkapan sa paghuli kay Mang Amado.
Dumating ang mga magulang ni Teresa sa presinto. Hindi mabilang ang lumalagutok na sapak at tadyak ang natanggap ng matanda sa ama ng kaawa-awang dalaga. Isang taon na pala nilang hinahanap si Teresa. Buong pag-aakala nila ay patay na ito magmula ng mawala sa madilim na kagubatan ng Quezon. Itinago lang pala ito ng tarantadong si Mang Amado upang gawin ang makamundong pantasya nito sa dalaga.
Sa tulong ng mayayamang magulang ng mga binata, naipagamot si Teresa upang makalimot sa masalimuot na dinanas na kamanyakan mula sa matanda. Unti unti itong nakabangon, at pang habambuhay niyang tinanaw na malaking utang na loob ang pagtulong ng limang magkakaibigan sa kanya.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!