Inday TrendingInday Trending
Masyadong Pinwersa ng Babae ang Anak na Mag-Diet Para sa Beauty Contest, Nagsisi Siya sa Sinapit ng Dalaga

Masyadong Pinwersa ng Babae ang Anak na Mag-Diet Para sa Beauty Contest, Nagsisi Siya sa Sinapit ng Dalaga

Bata pa lamang si Kaye ay pilit na siyang isinasali ng kaniyang ina sa mga beauty pageant. Hindi man niya gusto ang ginagawa ay sumusunod na lamang siya upang mapaligaya ito.

“Ang ganda ganda mo anak, pag nanalo ka dito ibibili kita ng bagong laruan.” wika nito sa una niyang patimpalak na sinalihan.

“Ma, gutom na ako, pagkain na lang bilin mo.” sagot niya.

“Anong pagkain? hindi pwede baka lumaki yang tiyan mo, mamaya na pagkatapos.”

Dahil na rin sa kaniyang angking ganda at talino ay madalas siyang nananalo sa mga sinasalihang contest. Lumipas pa nga ang mga panahon at sa bawat pagpanalo niya ay kasabay ang lalong paglalim ng pagnanais ng kaniyang ina na isali siya sa mas malalaking patimpalak.

“Hindi ko na yun kaya ma, masyadong magaganda ang mga sumasali doon, matatalo lang ako.”

“Kaye maganda ka anak, matalino, naniniwala akong kaya mo iyon. Pero simula ngayon ay hindi ka na maaring kumain ng kanin, tanging gulay, isda at tinapay lang ang ihahain ko sayo para mabawasan ang timbang mo.”

“Pero ma…”

Di pa man siya natatapos sa pagsasalita ay tinalikuran na siya ng ina. Kahit pagod sa eskwela ay kailangan pa rin ni Kaye ang araw-araw na pag- eensayo ng tamang lakad, postura at pananalita. Binabantayan ng kaniyang ina ang kaniyang mga kilos at gawi lalo na ang mga pagkaing kinakain niya.

“Ma, pagod na ako sa eskwela, ayoko na muna mag ensayo.”

“Hindi pwede, kailangan mong pag-aralan ang paglalakad ng may mataas na takong!”

“Ayoko na gawin to, nakakapagod, kung gusto mo ikaw na ang sumali.”

“Kelan ka pa natutong sumagot sakin Kaye? gagawin mo to o hindi na kita pag-aaralin?”

Kagaya ng nakagawian ay wala naman siyang nagagawa laban sa ina, sunod sunod na contest ang sinalihan niya at lahat iyon ay naipanalo ni Kaye.

Isang araw habang siya’y nasa patimpalak ay sinubukan niyang makiusap sa ina na ito na ang huling pagsali niya.

“Hindi pwede! Sayang lahat ng pinagpaguran natin kung ngayon ka pa susuko, kung kailan humahakot ka na ng panalo!”

“Hindi ko naman to pangarap ma, gusto ko sanang pagtuunan ng pansin ang aking pag-aaral.”

“Mas may kinabukasan ka kung patuloy ka lang na mananalo dito, basta’t pumapasa ka sa eskwela ay ayos na yon.”

Sa kaniyang pagbalik sa entablado ay biglang nakaramdam si Kaye ng hilo, hindi na niya mabalanse ang kaniyang katawan at nagdidilim na ang kaniyang paningin.

“Nahihilo ako.” bulong niya sa sarili.

Kakaway pa sana siya sa mga nanonood nang tuluyan siyang nawalan ng malay. Lahat ng tao ay nagkagulo at agad siyang dinala sa medic.

“Misis, sa tingin ko ay fatigue ang sanhi ng pagkawala niya ng malay, namumutla na rin siya kaya maaring wala ring laman ang kaniyang sikmura. Ipapayo ko muna ang pagpapahinga para mabilis siyang makarecover.” Wika ng doktor.

“Halos wala nga siyang pahinga nitong mga nakaraang araw, kasalanan ko ito.” wika ng kaniyang ina habang umiiyak.

Paggising ni Kaye ay agad na humingi ng tawad ang kaniyang ina. Ngayon lang niya nalaman ang sobrang pagod ng anak dahil sa walang tigil nitong pageensayo.

“Simula ngayon anak kung ayaw mo ng sumali ay maiintindihan ko.”

“Ma, masaya naman pong sumali sa mga contest, lalo pa’t todo ang pagsuporta niyo, kaya lang ay minsan nasosobrahan na po tayo sa pagsali at pageensayo, kailangan din po nating magpahinga.”

Batid ni Kaye na ang kaniyang pagsali ang tanging nagpapaligaya sa kaniyang ina, kaya’t ipinagpatuloy pa rin niya ang paglahok sa mga contest ngunit as pagkakataong ito ay binabalanse na nila ang oras ng kaniyang pag-aaral, pageensayo at pamamahinga.

Komunsulta din sila sa espesyalista ng tamang pagkain para sa kaniya ng sa gayon ay sapat pa rin ang mga bitamina at nutrisyong nakukuha niya.

“Salamat ma, kasi naiintindihan niyo na po ako ngayon.”

“Salamat din anak, dahil napaka masunurin mong bata.”

Naging mas masaya rin ang relasyon nila bilang mag-ina at lalong tumibay ang kanilang pagsasama.

Minsan sa sobrang pagnanais ng isang magulang na magtagumpay ang sariling anak ay hindi na nila napapansin ang pinsalang naidudulot nito sa kanila. Ang isang bukas na komunikasyon ang kinakailangan upang magkaintindihan ng saloobin.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement