Inday TrendingInday Trending
Ibili Mo na Ako ng Selpon, Papa!

Ibili Mo na Ako ng Selpon, Papa!

“Papa, naman. Kailangan ko nga kasi ng selpon ngayon. Ang hirap-hirap na wala akong magamit kapag nasa school. May mga aralin kaming kailangang kunin online at hindi ko ito magawa-gawa dahil wala akong selpon,” inis na daing ni Sheen sa kaniyang tatay habang nakapila ito sa toda malapit sa kanilang bahay. Isa tricycle driver ang kaniyang ama.

“Ah, eh, magrenta ka na lang muna ng computer, anak. Wala pang pera ang papa, eh. Masyadong mahal iyong hinihingi mo,” tugon ni Mang Geraldo sa anak tsaka napakamot sa ulo. Nahihiya siyang naririnig ng mga kapwa niyang tricycle driver na hindi niya maibigay ang kailangan ng anak.

“Diyos ko naman, pa. Ang tagal-tagal ko nang hinihingi sa iyo ‘yon. Nasa trabaho ka pa nanghingi na ako sa’yo ng selpon pero hindi mo ako pinakinggan tapos ngayong wala ka ng trabaho kung ‘di ang mamasada sasabihin mo masyadong mahal. Ayoko nang mag-aral,” sagot pa ng dalaga. Napakunot naman ang noo ng kaniyang tatay dahil sa mga sinabi niya.

“Sheen, papa mo ang kausap mo. Paalala ko lang, ha. Hindi mo ako tropa. Hayaan mo. Pag-iipunan ko. Bigyan mo ako ng isang buwan. Mag-aral ka lang. Parang awa mo na. Para sa kinabukasan mo iyon. Tiis-tiis muna tayo, ha.” mahinahong bulong ni Mang Geraldo. Pilit siyang nagtitimpi sa maling ugaling ipinapakita ng anak upang huwag itong mapahiya ngunit bigla siyang nilayasan nito.

Dating body guard ng kanilang alkalde si Mang Geraldo ngunit nang pumanaw ang asawa nito dahil sa sakit sa utak ay napilitan itong mag-resign sa trabaho upang mabantayan ng husto at maasikaso ang dating trese anyos pa lang na anak na ngayo’y isang ganap na dalaga na at nag-aaral sa kolehiyo.

Dahil nga nasa kolehiyo na si Sheen, nahihiya na ang dalaga dahil wala pa rin siyang selpon. Naiinggit siya sa kaniyang mga kaklase na madalas nagpapayabangan ng selpon. Selfie dito, selfie doon. Habang siya ay nakatingin lang kung paano sila kumukuha ng litrato.

“Sheen! Sama ka sa amin. Dali. Ipopost namin ito sa Facebook!” anyaya ni Melay, isa sa mga kaklase ni Sheen. “Naku, kayo na lang. C.r. lang ako,” palusot ng dalaga para lang huwag na siyang maanyaya.

Mamaya ka na mag-c.r.,” pagpupumilit ni Melay tsaka hinila ang dalaga at itinapat sa kanila ang camera ng selpon. Walang magawa si Sheen kung ‘di ang ngumiti na lamang sa camera.

“Ay, ano nga pala ang pangalan mo sa Facebook para ma-add kita?” dagdag pa ni Melay. “Wala akong Facebook, eh,” pagtatapat ni Sheen.

“Ha?” sabay-sabay na sambit ng mga kaklase ng dalaga na nakarinig sa sinabi niya bago nagtawanan ang mga ito. Dahil sa kahihiyan ay napatakbo na lamang si Sheen sa banyo at doon umiyak.

“Kasalanan ‘to ni papa, eh. Kung mayroon lang sana akong selpon, eh, ‘di sana hindi ako mapapahiya ng ganito.” hagulgol ni Sheen.

Mayamaya pa ay nakarinig siya ng isang pamilyar na boses.

“Sheen, hindi mo naman kailangang magkaroon ng selpon para hindi ka pagtawanan. Hindi mo rin kailangang sisihin ang papa mo dahil sa pinagtatawanan ka nila. Halika. Lumabas ka na diyan. May pupuntahan tayo,” paanyaya ni Melay.

Lumabas naman nang dahan-dahan ang dalaga at sumama kay Melay sa bahay nito.

Binigay ni Melay ang luma niyang selpon kay Sheen. Sa mismo selpon na iyon ay ginawan niya ng Facebook account ang dalaga. Tinuruan niya pa si Sheen kung paano gamitin ang selpon.

Labis ang kasiyahang nararamdaman ng dalaga. “Naku! Salamat talaga, Melay!” masayang wika ni Sheen tsaka nito niyakap ang dalaga.

“Ingatan mo, ha. Tsaka ipangako mo rin sa akin na hindi ito magiging hadlang sa pag-aaral mo. Isa pa, sana maging maayos na ‘yung pakikitungo mo sa papa mo. Hindi kasi maganda na sinisisi mo siya dahil lang hindi niya maibigay ‘yung gusto mo. Sana isipin mo rin ‘yung hirap na dinadanas niya matustusan lang ‘yung pag-aaral mo,” pangangaral ni Melay.

Napaisip naman si Sheen sa sinabi ng dalaga at napagtanto niyang masama na pala talaga ang inaasta niya sa kaniyang tatay.

‘Di nagtagal ay umuwi na ng bahay si Sheen. Sinalubong siya ng kaniyang tatay tsaka iniabot sa kaniya ang isang sobre.

“Hindi ko alam kung anong klase ng selpon ang gusto mo, eh. Pumunta ka na lang sa mall tapos doon ka mamili. Sumakto namang may natulungan ako kaninang mayamang matanda. Binigyan niya ako ng pabuya,” sambit ni Mang Geraldo. Nginitian lang siya ng kaniyang anak.

“Anong pang hinihintay mo? Lakad na. Bumili ka na. Huwag ka lang masyadong magpagabi.” dagdag pa ng lalaki.

Nagulat si Mang Geraldo nang bigla na lamang umiyak si Sheen at tsaka siya niyakap nito.

“Papa, sorry po! Sorry kung napakaluho ko. Hindi ko man lang iniisip ‘yung paghihirap mo. Pasensya ka na, Papa.” iyak ni Sheen. Pinakalma naman siya ng kaniyang tatay at doon rin ay ikinuwento ng dalaga kung ano ang nangyari sa kaniya. Ipinakita niya rin na may magagamit na siyang selpon. Hindi man ito kasing ganda katulad ng mga selpon ng kaklase niya ang mahalaga ay may magagamit na siya sa kaniyang pag-aaral.

Isinauli ni Sheen ang perang ipangbibili sana ng kaniyang selpon sa kaniyang tatay. Napagdesisyunan naman ni Mang Geraldo na ipambili na lang ito ng isang kabang bigas at mga grocery items na kailangan nila.

Simula noon ay naging maayos na ang pakikitungo ng dalaga sa kaniyang tatay. Hindi niya na rin iniintindi ang anumang sinasabi ng iba basta ang importante sa kaniya ngayon ay nag-aaral siya para sa kinabukasan nila ng tatay niya.

Hindi lahat ng gustuhin mo ay dapat mong makuha. Matuto tayong makuntento sa kung anong meron tayo at maghintay sa pagkakataong mapapasakamay natin ang mga ninanais natin.

Advertisement