Inday TrendingInday Trending
Kakampi Ang Katotohanan

Kakampi Ang Katotohanan

“Tatay, pag laki ko po gusto ko po maging isang pulis, para mahuli ko yung mga masasamang tao. Gusto ko rin po balang araw mahuli ko yung nagnakaw ng kotse-kotsehan ko dati, hindi kasi tama yung ginawa niyang pagkuha ng walang paalam, di ba Tatay?” ika ng batang si Noel sa kaniyang tatay habang binibihisan siya nito

“Magandang pangarap ‘yan, Anak. Kaya mag-aral kang mabuti para matupad mo yung pangarap mo, ha? Pangako ni Tatay, gagawin ko ang lahat para makapagtapos ka,” nakangiting tugon ni Mang Elmer nang minsang mangarap sa harapan niya ang nag-iisang anak.

“Pangako ko rin Tatay, na mag-aaral ako mabuti. Hindi ako gagawa ng anumang bagay na makakahadlang sa pangarap ko,” dagdag pa nito habang binubutones ang damit ng kaniyang ama

“Aasahan ko ‘yan, Anak. O sige na, mahuhuli kana sa klase mo. Ingat ka, ha?” paalala ni Mang Elmer sa anak pagkatapos niya itong bihisan.

“Opo, Tatay! Makakaasa kayo! Aahon rin tayo sa hirap!” sigaw ng bata, habang masiglang umalis ng bahay.

Mag-isang itinaguyod ni Mang Elmer ang kaniyang nag-iisang anak. Mag-dadalawang buwan pa lamang ang bata nang sumakabilang bubong ang kaniyang asawa. Saad nito, “Ayaw ko ng mahirap na buhay. Gusto ko tuparin yung mga pangarap ko. Pasensya ka na, pero iiwan ko na sayo iyang anak mo,” na labis na nagpadurog sa puso ng lalaki.

Ito ang ginawa niyang inspirasyon upang maitaguyod nang mag-isa ang kaniyang anak. Todo kayod siya sa pamamasada sa umaga habang naglalabada naman tuwing gabi. Pansamantala niyang ipinapaalaga sa kaniyang nanay ang kaniyang anak habang nagtatrabaho siya. Ginawa niya ito hanggang sa abot ng kaniyang makakaya.

Lumipas pa ang mga taon, matagumpay nang nakapag-aral na sa kolehiyo ang kaniyang anak. Nakakuha na rin siya ng permanenteng trabaho bilang isang janitor sa loob ng kanilang munisipyo.

“Tatay, isang taon na lang, makakagraduate na ako. Kapag ako nakapagtrabaho na, pwede ka nang hindi magtrabaho, Tay,” sambit ni Noel sa kaniyang amang nagkakape

“Naku, nasasabik na akong matupad mo ang pangarap mo, Anak,” tugon ni Mang Elmer sabay higop ng kaniyang mainit na kape

“Oo nga po, Tay. Alam kong pinaghirapan niyo ‘to,” sagot pa ng binata saka tinapik sa likod ang ama at umalis.

Nagdaan pa ang mga taon at kasalukuyan nang nag-aapply ng trabaho ang binata. Ngunit tila hindi niya inaasahan ang nangyari noong araw na iyon. May nakasalubong siyang tumatakbong lalaki na may bitbit-bitbit na bag saka ito inihagis sa kaniya.

Dahil sa gulat, sinalo naman niya ito saka biglang nagdatingan ang mga pulis. Dinakip siya ng mga ito. Sinubukan niyang mangatwiran, ngunit ika nila, “Huli ka na sa akto, mabulok ka sa kulungan.” at doon tumigil nang husto ang kaniyang mundo.

Para siyang pinagsakluban ng langit at lupa noong mga oras na iyon. Naisip niya na baka iyon na ang katapusan ng kaniyang pangarap at mamalagi na habang buhay sa kulungan. Pagdating niya pa lang sa presinto, ika sa kaniya ng mga pulis, “Gusto mong maging isang pulis, pero ikaw mismo’y isang kawatan,” itinanggi niya ang krimeng kinasangkutan ngunit hindi siya pinakinggan.

Ginawa lahat ng tatay niya upang mapasawalang-sala ang anak. Sinuyod nito ang lugar kung saan nangyari ang krimen. Sa kabutihang-palad naman, nakatagpo siya ng isang matandang tambay na nakasaksi ng pangyayari.

“Akala ko rin na kasabwat siya, pero naisip ko kung kasabwat nga ang binatang iyon, dapat itinakbo niya kaagad ang bag,” sambit nito, dahilan upang magkaroon ng pag-asa ang kaniyang ama.

Ginapang ng kaniyang tatay ang kasong nakasampa sa kaniya. “Tatay, kakampi natin ang katotohanan, makakaraos rin tayo. Pasensya ka na kung hanggang ngayon kailangan mong magkanda-kuba para sa akin,” hikbi ng binata, isang araw nang dalawin sit ng kaniyang tatay.

“Alam ko namang wala kang kasalanan. Huwag kang panghihinaan ng loob, ha? Ipagpatuloy mo pa rin ang pangarap mo pagkalabas mo dito,” pahayag ni Mang Elmer saka pinisil mabuti ang kamay ng anak.

“Opo, Tatay. Kapag nangyari iyon, hindi ko hahayaang may magdusang inosente,” buong pusong sabi ng binata.

Dalawang linggo ang nakalipas, tuluyan nang napasawalang-sala ang binata dahil sa matandang saksi. Bukod pa dito, tinulungan sila ng isang abogadong matalik na kaibigan ng binata.

Lumipas lang ang isang taon, ganap nang naabot ng binata ang kaniyang pangarap. Naging isa na siyang pulis, na naglalayong makulong ang dapat makulong. Kada mayroon silang misyon, sinisigurado niyang lahat ng nahuhuli niya ay pawang mga may sala lamang na labis namang ikinatuwa ng kaniyang tatay. Sa wakas, makakapagpahinga na rin ito katulad ng pangako ng kaniyang anak.

Kailanman hindi maitatago ang katotohanan. Maaaring magdusa ka ngayon sa maling husga, ngunit dadating ang araw kung saan lalaya ka sa ipinataw sayong parusa.

Advertisement