Inday TrendingInday Trending
Kasikatang Nagpalaki ng Ulo

Kasikatang Nagpalaki ng Ulo

“Ms. Jamila, pa-autograph naman po. Alam niyo po ba ako ang pinaka-una na dumating dito sa mall! Gustong-gusto ko po kasi talaga kayo makita sa personal. Napakaganda niyo po!” tuwang-tuwang sambit ng isang dalagang umiidolo kay Jamila.

“Thank you. Nasaan na ang pipirmahan ko?” tipid nitong sagot pero hindi pa rin nagpaawat sa kasiglahan ang dalaga.

“Ito po, ito po! Naku pwede po pa-hug?” sambit nito saka pilit na niyapos ang aktres. Tila nainis naman ito at bahagyang napalakas ang boses.

“Saglit, pwede ba kumalma ka? Nasasaktan mo na kasi ako eh. Pirmahan ko muna ‘to ha?” pagsusungit ni Jamila, tila napatahimik naman ang dalaga.

“Ay so-sorry po,” tugon ng fan. Bigla naman siyang sumigla muli nang ibigay na sa kaniya ang papel na naglalaman ng pirma ng aktres, “Pwede po pa-picture pa? Papakita ko lang po sa nanay ko. Gustong gusto ka rin siya kasi Ms. Jamila. Gandang-ganda siya sa boses at mukha mo. Tapos ang seksi mo pa!” pagpuri nito na labis nang ikinais ni Jamila.

“Naku hija, ang daming nakapila maawa ka naman sa kanila. Gusto rin nila ako makita nang malapitan katulad mo. Next!” bakas na sa mukha ni Jamila ang pagkainis sa dalaga. Umalis naman itong nakasimangot at tila nadismaya sa ugali ng idolo.

Sikat na aktres at singer si Jamila. Bata pa lamang siya pangarap niya na talaga ang trabaho niya ngayon. Bukod kasi sa kumikita na siya, naibabahagi niya pa ang kaniyang talento. Ngunit tila nag-iba ang ugali niya nang makilala na siya bilang isa sa mga tampok na aktres sa industriya.

Hindi naman ganito dati ang dalaga. Kilala nga siya bilang mapagkawanggawa at mabait na tao. Laging nasa lansangan upang tumulong, ngunit habang lumilipas ang panahon kasabay ng pagsikat niya, tuluyan nang lumaki ang kaniyang ulo dahilan upang ayawan na siya ng ibang mga direktor at kahit ilang mga tagahanga niya.

“Naku Chekay, hayaan mo sila. Kung ayaw nila sa ugali ko, mas ayaw ko sa kanila. Huwag kang mag-alalang malalaos ako. Sa ganda kong ‘to? Sa kagalingan ko sa pag-arte? Naku, wala na silang makukuhang katulad ko.” pagmamayabang ng dalaga

“Pero Ate, halos isang buwan ka nang walang proyekto. Puro mall shows na lang tayo. Nagmamakaawa pa kami sa mga producer para lang makuha ka. Hindi na rin sapat yung binabayad mo sa amin para buhayin ang pamilya namin,” daing ng kaniyang assistant

“Ano ibig mong sabihin? Bibitawan mo na ako?” mataray na tanong ng dalaga

“Opo Ate. Kinukuha na ako ni Ms. Herlyn ngayon bilang assistant niya.” pag-amin naman nito na sobrang nakapag-init ng ulo ng aktres

“Herlyn? Yung bagong artista? Aba naman Kakay! Wala ka bang utang na loob talaga?” galit na tanong nito, naluluha na siya sa mga nangyayari .

“Sabihin niyo na po ang gusto niyong sabihin. Sa ngayon po mas mahalaga ang pamilya ko. Saka hindi ko na rin po matiis ang ugali niyo. Pasensya na po kayo.” sagot ni Kakay saka kinuha ang kaniyang mga gamit at umalis. Mangiyak-ngiyak naman ang dalaga, dahil halos lahat ay iniwan na siya. Una ang manager niya, make-up artist at ngayon ang pinagkakatiwalaan niyang assistant.

Labis na pagkadismaya ang nararamdaman ng dalaga. Naaawa na rin siya sa kaniyang ssrili, dahil nga paubos na ang kaniyang ipon. Nagkulong siya sa kaniyang kwarto at doon umiyak ng umiyak. Nagulat naman siya nang biglang bumukas ang kaniyang pintuan, magagalit sana siya ngunit nakita niya, Lola niya pala ito. Agad-agad siyang nagpunas ng luha.

“O Lola, bakit po? Nauuhaw po ba kayo? Kuha ko kayo ng tubig? O nagugutom? Paghahanda ko kayo ng pagkain,” natatarantang ika niya. Ito ang nagpalaki sa kaniya at labis na sumuporta sa mga kagustuhan niya. Medyo mahina na ito at tila hindi na makaaninag.

“Apo, kung ganito lang sana ang trato mo sa mga taong nakakasalamuha mo, hindi ka malalaos,” diretsahang sambit nito, tila napatigil naman ang dalaga sa mga katagang narinig.

“Kung hindi mo lang sana hinayaang lumobo ang ulo mo, marami pa rin ang kukuha sayo. Pero alam mo ba, hindi pa huli ang lahat para sayo. May pagkakataon ka pang magbago,” dagdag pa nito, malaking sampal ito sa dalaga, ngunit ito rin ang nagpagising sa kaniya.

Ginawang inspirasyon ng dalaga ang mga sinabi ng kaniyang Lola. Nagsimula siya muling mag-apply sa mga talent search, pinakitunguhan niya ng maayos ang mga staff at ipinakita niya ang kaniyang natatanging talento.

Hindi naman kalaunan, nakatanggap siya ng tawag na napasali raw siya sa isang pelikula. Labis ang saya ng dalaga. Kahit na extra man siya ngayon, ang mahalaga na sa kaniya, napapasaya niya ang mga tao at napapakitunguhan niya ang mga ito ng ayos.

Kapag talaga yabang na ang kumain sa pagkatao mo, kinakailangan mo pang bumagsak para lamang magising na mali na ang mga aksyon mo.

Advertisement