Inday TrendingInday Trending
Puro Ka na Lang Hinala

Puro Ka na Lang Hinala

Wala namang ginagawang masama si Lucas ngunit lagi na lang nagagalit dahil sa matinding selos ang kaniyang misis na si Honey. Noong una ay iniintindi na lamang niya ito at iniisip na mahal lamang talaga siya ng babae. Ngunit makalaunan ay nakakaramdam na siya ng inis. Sobra na kasi. Ma-late lang siya ng uwi ay pinagdududahan na siya nito. May mag-text lang sa kaniyang ibang numero ay nagagalit na ito at inaaway na siya agad. Hindi na niya maintindihan ang ugali ng asawa. Hindi naman ganito ang ugali ni Honey noon.

“Bakit ngayon ka lang umuwi? Ang sabi mo kanina hanggang alas kwatro lang ang pasok mo. Anong oras na?” seryosong tanong ni Honey. “Hindi kasi pumasok ang kapalitan ko. Kaya ang nangyari naging closing ako,” sagot ni Lucas habang hinuhubad ang kaniyang uniporme. Isang guwardiya ng malaking mall si Lucas at kahit papaano naman ay malaki ang kaniyang sinasahod.

“At tsaka ang tindi ng trapik. May nagbanggaan kasing dalawang bus sa EDSA,” dagdag pa ni Lucas.

“Talaga, Lucas?” dudang tanong ni Honey. “Bahala ka, Honey, kung ayaw mong maniwala sa’kin. Kahit ano naman ang sabihin ko hindi mo paniniwalaan kaya bakit ba tanong ka pa nang tanong? Ikaw naman palagi ang tama, eh,” naiinis na wika ni Lucas sabay lakad palayo.

Pagod na pagod si Lucas sa trabaho at wala siyang panahon para makipagtalo sa kaniyang asawa. Kahit anong paliwanag niya ay hindi naman ito makikinig. Imbes na kumain muna siya ng gabihan ay bigla siyang nawalan ng gana kaya pinili na lamang niyang matulog.

Day off ni Lucas ngayon kaya nasa bahay lamang ito. Abala ang lalaki sa paglilinis ng kaniyang motor nang bigla siyang nilapitan ni Honey at galit na galit nitong iniharap sa mukha ng lalaki ang selpon nito.

“Sino ang nag-text na ito?” singhal ni Honey.

“Ano bang sabi?” salubong ang kilay na tanong ni Lucas. “Tinatanong kung papasok ka ba bukas. Ano miss na miss ka na ba ng kabit mo doon sa trabaho mo kaya hindi na nakatiis at tinext ka na talaga? Ang kakapal talaga ng mga mukha niyo!” galit pa ring wika ni Honey.

“Wala akong kabit, Honey! Bakit kasi hindi mo tanungin kung sino siya,” buwelta ni Lucas at tsaka niya tinalikuran ang asawa.

Bahagyang umaray ang lalaki nang may maramdamang mabigat na bagay na tumama sa kaniyang likuran. Napatingin siya sa lupa nang may narinig siyang bumagsak. Ibinato ni Honey ang kaniyang selpon sa kaniyang likod.

“Ano ba, Honey? Sumosobra ka na!” sigaw ng lalaki sa labis na inis nang makitang nasira ang selpon niya.

“Iyan ang bagay sa mga gamit mo dahil sinungaling ka!” galit na singhal ni Honey.

“T*ngna naman, Honey! Kaya ko nga sinabing tanungin mo para malaman mo kung sino ang nag-text. Baliw ka na talaga! Wala ka na sa tamang pag-iisip. Bakit pa ba tayo nagsasama kung sinungaling naman pala ang tingin mo sa’kin? Maghiwalay na lang tayo, p*ta! Hindi ko na kayang tagalan ang ugali mo,” inis na wika ni Lucas habang pinupulot ang nabasag na selpon.

“Kasi sinungaling ka!” bulyaw ng babae imbes na humingi ng tawad.

“Oo! Ako na ang sinungaling at ikaw na ang malinis! Umalis ka na dito! Maghiwalay na tayo dahil ayoko na sa’yo! Baliw ka na! Hindi na kita maintindihan! Puro ka na lang hinala at wala na akong ginawang tama,” punung-puno ng hinanakit na wika ni Lucas.

Hindi na matagalan ni Lucas ang ugali ng kaniyang asawa. Tutal wala pa naman silang anak mas mabuti pang putulin na nila ang kanilang relasyon hangga’t maaga pa at wala pang inosenteng bata na madadamay. Hindi na niya alam ngayon kung mahal pa rin ba niya ang babae. Pakiramdam niya’y sa bawat paghihinala at pananakit nito sa kaniya ay unti-unting nawawala ang respeto at pagmamahal niya sa asawa.

“Lumayas ka na at maghiwalay na tayo. Wala pa naman tayong anak kaya hindi natin kailangang tiisin ang presensya ng isa’t isa! Umalis ka na kasi ayoko nang makita ang pagmumukha mo!” galit na saad ni Lucas.

“Aalis ako kapag nakuha ko na ang mga bagay na nabili ko,” hirit ni Honey sa lalaki.

“Kahit kunin mo pa ang lahat ng gamit sa bahay basta ang mahalaga ay lumayas ka na sa buhay ko! Punung-puno na ko sa’yo, Honey. Nakakawalang gana kang mahalin. Hangga’t may kaunting respeto pa akong natitira para sa’yo maghiwalay na lang tayo. Baka kasi dumating ang araw na mawalan ako ng respeto sa’yo at totohanin ko na lang ang lahat ng ibinibintang mo sa’kin. Maghiwalay na tayo! Ayoko na talaga sa’yo. Hindi ko na kayang pakibagayan ang ugali mo!” sigaw ni Lucas tsaka siya naglakad palayo sa babae.

Ang totoo ay mahirap para kay Lucas na bitawan ang asawa. Mahabang panahon din silang nagsama at hindi ganoon kadaling bitawan ang mga alaalang binuo nila. Handa siyang patawarin at tanggapin muli ang babae pero dapat ay magbago muna ito ng ugali. Baka kailangan din muna nila ng espasyo sa isa’t-isa. Ayaw niyang tuluyang mawala ang respeto at pagmamahal niya sa asawa. Ayaw niyang mapalitan ng galit ang laman ng puso niya.

Tuluyan na ngang naghiwalay ang dalawa. Mahirap kapag walang tiwala sa’yo ang taong mahal mo.

Labis na nasasaktan si Honey sa paghihiwalay nila ni Lucas. Alam niyang malaki ang kasalanan niya sa asawa dahil palagi na lang niya itong pinaghihinalaan gayong wala naman pala itong ginagawang masama.

Simula kasi nung maghiwalay sila ni Lucas ay araw-araw nang sinusubaybayan ni Honey ang lalaki. At napatunayan niyang wala talagang ibang babae ang asawa. Walang ibang ginawa ang kaniyang asawa kung ‘di ang magpakapagod sa trabaho. Palagi pa nga nitong tinatanggihan ang mga alok ng katrabaho na sumama sa kanila sa bar para makipaginuman.

Ngunt hindi rin siya masisisi ni Lucas. Natatakot kasi si Honey na baka katulad si Lucas ng tatay niya, isang matinik na babaero na walang ginawa kung ‘di ang lokohin ang nanay niya. Natatakot siyang baka matulad siya sa kaniyang ina na palaging umiiyak at nagdurusa.

Makalipas ang tatlong buwan ay umuwi si Honey sa bahay nila at nagmakaawang tanggapin siyang muli ni Lucas.

“Miss na miss na kita. Sorry. Sorry talaga, Lucas, sa lahat nang nagawa kong kasalanan. Pangako magbabago na ko. Hindi ko na paiiralin ang init ng ulo ko. Hindi na kita pagdududahan. Kung sakali mang may bumabagabag sa’kin tatanungin muna kita at kakausapin ng maayos. Hindi na ako magiging immature, Lucas. Hindi ko kayang mawala ka. Mahal na mahal kita,” humahagulgol na wika ni Honey.

Agad namang niyakap ni Lucas ang babae. “Magtiwala ka lang sa’kin, Honey. Iyon lang ang hihilingin ko mula sa’yo. Subukan mo akong pagkatiwalaan. Hindi ako katulad ng tatay mo. Ikaw lang naman ang mahal ko mula noon hanggang magpakailanman. Wala naman akong tinatagong sekreto sa’yo, ‘di ba? Lahat sinasabi ko. Hindi mo nga lang ako pinapaniwalaan kaya lagi tayong nagbabangayan,” mahinang wika ng lalaki.

“Sorry na, Lucas. Pangako magtitiwala na ako sa’yo. Huwag ka lang mawala sa’kin,” muling paghingi ng patawad ni Honey.

Mahal na mahal ni Lucas ang asawa niya kaya muli niya itong tinanggap sa kaniyang buhay at nagsama silang muli. Gaya ng ipinangako ni Honey binago niya ang kaniyang pag-uugali na pagiging mainitin ang ulo. Ibinigay rin niya ang buo niyang tiwala kay Lucas. Mas maayos na ang pagsasama nila ngayon. Maliban pa doon ay kompleto na ang kanilang pamilya dahil nabiyayaan na sila ng isang napakalusog at napakatalinong anak.

Advertisement