Inday TrendingInday Trending
Mukhang Isda Noon, Mukhang Diwata Ngayon

Mukhang Isda Noon, Mukhang Diwata Ngayon

Tumpulan ng tukso si Lisa noon dahil ang sabi nila ay mukha daw siyang isdang tilapia na may katawang hipon. Malapad na mukha at flat at may patulis na nguso. Masakit para kay Lisa ang mga sinasabi ng mga tao pero hindi na lamang niya iyon pinapansin. Ang mahalaga ay wala siyang naaapakang ibang tao.

Ang mahalaga ay maganda siya sa paningin ni Marco, ang kaniyang nobyo. Wala nang mas hihigit pa sa pagmamahal nito kaya gandang-ganda na siya sa kaniyang sarili. Hindi niya naman ginayuma ang lalaki pero na-inlove ito sa kaniya. Ito ang dahilan kaya sa kabila ng panlalait ng karamihan ay masigla pa rin siya. At least may nagmamahal sa kaniya.

Ngunit isang araw ay nahuli niya si Marco na may kahalikang ibang babae kaya agad niya itong sinugod at umiiyak na pinagsusuntok sa dibdib habang tinatanong kung ano ang nagawa niyang mali.

“Wala kang nagawang mali, Lisa. Alam mo kung anong mali sa’yo? Iyang kapangitan mo. Mukha kang isda na hindi ko matukoy kung ano. Hindi kita kayang ipagmalaki. Wala akong makitang maipagmamayabang sa’yo. Patawarin mo ako,” wika ni Marco.

Akala ni Lisa ay naiiba si Marco. Akala niya ay hindi ito tumitingin sa pisikal na anyo ng isang babae. Pero nagkamali siya. Ganun ba talaga? Kapag pangit ka wala ka ng karapatang magmahal at mahalin? Ang mga magaganda at gwapo lang ba ang may karapatan sa mundong ito?

Isang araw habang abala si Lisa sa ginagawang pagbalasa sa baraha ay biglang may kumausap sa kaniyang beki. Sa isang casino siya nagtatrabaho. Kaya nga siguro siya ginawang nobya ni Marco kasi may maganda siyang trabaho at marami siyang pera.

“Anong pangalan mo?” tanong nito. “Lisa po,” magalang niyang sagot.

“Ako si Mother Lolie as in Lollipop,” nakangiting wika nito. “Alam mo maganda ang katawan mo pero pangit ang mukha mo,” prangka nitong sambit.

Hindi na nasaktan si Lisa sa sinabi nito dahil manhid na siya sa lahat ng panghuhusga sa kaniya mula pa noong bata pa siya.

“Pero don’t worry kasi wala na tayo sa panahong hindi pa uso ang retoke. Gusto mo bang magparetoke? Hindi kita titipirin, dear. Pabobonggahin natin ang fezlak mong shungangit at papalitan natin iyan ng mala-diwatang fez. Pero sa isang kondisyonis. Magtatrabaho ka sa’kin bilang isang sexy model,” alok ng beking si Lolie.

Binigyan si Lisa ng isang linggo ni Lolie para mag-isip.

“Siguro ay ito na ang kaniyang fairy godmother habang siya naman si Cinderella pangit. Ito na ang magbabago ng kapalaran niya. Magbabago ba ang mukha niyang mukhang isda at hindi na siya iinsultuhin ng mga taong mapanghusga sa mundo?” isip-isip ng dalaga.

Tinanggap ni Lisa ang alok ni Lolie na magparetoke. Sa ibang bansa ginawa ang lahat. Tiis ganda at tiis sakit ang naranasan niya. Hindi niya inalintana iyon basta ang mahalaga ay magbabago na ang buhay niya. Hindi na siya si Lisa na pangit!

Makalipas ang tatlong buwan ay wala na sa pagkatao niya si Lisa. Gaya ng pagbabago ng mukha niya, kasabay nun ay pinalitan na rin ni Mother Lolie ang kaniyang pangalan. Siya na ngayon si Jennifer. Maganda, matangos ang ilong, maliit ang mukha at may kissable lips. Hindi na siya mukhang isdang tilapia.

Gaya ng napag-usapan nila ni Lolie ay nagtrabaho siya bilang isang sexy model sa agency nito.

Makalipas ang isang taon ay biglang bumisita si Marco sa bahay niya.

“Lisa,” tawag sa kaniya ni Marco na labis niyang ipinagtaka. Hindi na siya si Lisa at wala ng kahit anong bakas o palatandaan na siya ay si Lisa.

“Alam kong ikaw pa rin iyan. Sa tingin mo ba hindi kita makikilala? Nagparetoke ka para maging isang sikat na modelo. Nagparetoke ka para maging maganda. Para saan? Para lalong ilugmok ang sarili mo sa kahihiyan? Siguro nga hindi ka na tinutuksong pangit ng mga tao ngayon kasi wala na ang bakas na dati mong itsura. Pero alam mo ba na ang mga taong nakakakilala sa’yo ay kilala ka pa din? Hinuhusgahan ka pa rin nila kahit na maganda ka na! Kahit kailan ay hindi mo maitatago kung sino ka talaga,” saad ni Marco.

“P*tay na ang Lisa na nakilala mo noon, Marco. Pin*tay niyong lahat. Ano man ang gawin ko sa sarili ko ay wala kang pakialam. Ginusto ko ‘to dahil sawang-sawa na akong masabihan ng pangit ng mga bibig ng taong mapanghusga! Katulad mo!” galit na wika ni Lisa.

“Walang taong hindi mapanghusga sa mundong ito, Lisa. Siguro hindi na pangit ang tawag nila sa’yo ngayon pero huwag mong isipin na hindi ka na nila hinuhusgahan dahil lang sa gumanda ka na.” wika ni Marco.

Isang araw habang nasa isang c.r. si Lisa ng mall ay narinig niyang pinag-tsitsismisan siya ng dalawang tao sa labas ng cubicle.

“Alam mo balita ko ‘yan si Jennifer mukha pa lang isdang tilapia ‘yan noon. Nakita ko iyong mga picture niya. Grabe, ang pangit niya girl,” wika ng isang babae.

“Balita ko nga rin, eh. At least, ah, ang ganda ng pagkakagawa sa kaniya. Walang bakas na dati siyang pangit,” sang-ayon naman ng isa.

“Naku! Maganda pa ‘yan ngayon pero kapag tumanda na ‘yan papangit na naman siya. At tsaka isinilang siyang pangit kaya mam*tay pa rin siyang pangit. Kahit sabihin pa natin na mala-diwata na siya ngayon. Kapag nagkaanak ‘yan malamang mukha pa ring tilapia,” wika ng isa pang babae bago sila sabay-sabay na nagtawanan.

Ang akala ni Lisa ay matatapos na ang panghuhusga ng mga tao sa kaniya kapag gumanda na siya. Tama si Marco. Mas malala ang panghuhusga sa kaniya ngayon. Pinagpapantasyahan ng marami ang kaniyang katawan pero patuloy pa ring hinuhusgahan ang kaniyang pagkatao.

Bahagya siyang nasaktan dahil sa mga narinig. Kahit maganda na siya ngayon ay dala-dala pa rin niya ang kaniyang dating mukha. Gustuhin man niyang umatras sa kasunduan nila ni Mother Lolie ay hindi niya magawa dahil sobrang laki ng utang na loob niya dito. Ipinagpatuloy niya ang pagmomodelo at hindi ininda ang masasakit na salita ng karamihan. Ang mahalaga ay kilala niya ang kaniyang sarili at masaya siya sa lahat ng naging desisyon niya.

Kahit anong pagbabago ang gawin mo sa iyong sarili may mga tao pa rin talagang huhusgahan ka. Pangit ka man o maganda!

Advertisement