Mababa ang tingin ng ilan sa mga babaeng nanliligaw sa lalaking gusto nila. Ngunit ano ang dapat gawin ni Joy ngayong in love siya sa isang torpeng lalaki? Hihilain na lang ba niya ang dila nito o papahirapan niya umamin lang?
Matagal nang may gusto si Joy kay Vincent at ramdam niyang gusto din siya nito. Ang problema ay hindi nga lang ito marunong manligaw. Papansin ito at lagi siyang binibiro. Pahugot-hugot kunyare at panay ang palipad sa hangin pero hindi nito masabi ng direkta sa kaniya kung ano ang nilalaman ng kaniyang puso.
“Vincent, umamin ka na kasing mahal mo si Joy,” kantiyaw ng mga kaibigan nila.
“Sige ka kapag may nanligaw diyan kay Joy lampas langit ang pagsisisi mo niyan,” segunda pa ng isa.
“May tamang panahon ang lahat, guys. Huwag kayong atat. ‘Di ba, Joy?” baling ni Vincent sa dalagita. “Oo na lang Vincent,” sagot naman ni Joy.
“Pasensya ka na talaga, Joy. Kami na ang magsasabi. Mahal na mahal ka talaga ni Vincent. Kaso torpe kasi siya kaya hindi niya magawang aminin sa iyo,” saad ni Reloy, ang leader ng grupo, sa dalagita.
“Torpe ba iyan? Mas madaldal pa nga ang bunganga niyan kaysa sa pwet ng manok tapos torpe pala ‘yan?” pang-aasar ni Joy na agad namang tinawanan ng barkada ni Vincent.
“Pero maiba tayo. Madaldal ‘yang si Vincent sa’min pero kapag nandiyan ka ay biglang natatahimik iyang tropa namin na iyan, ah,” seryosong wika ni Reloy.
“Grabe ka naman sa pwet ng manok, Joy. Hindi ba puwedeng pwet na lang ng baka?” dagdag ni Reloy na lalong hinalakhakan ng mga katropa nito.
Nagtatawanan ang lahat maliban kay Vincent na mataman lamang nakatitig sa mga mata ni Joy.
Kung puwede lang sanang umamin si Joy na mahal niya ang lalaki ay ginawa na niya. Kaso may inaalagaan pa rin siyang pride bilang isang dalagang Pilipina kaya hinihintay niyang ligawan siya ni Vincent. Hindi nga lang niya alam kung kailan darating ang sinasabi nitong tamang panahon. Darating ba ‘yon kapag may hawak na siyang tungkod? Paano pa siya manganganak nun?
“Hi, Joy,” masiglang bati ni Vincent nung minsang hinarang niya ang dalagita “Hello, mag-isa ka yata?” tanong ni Joy.
Himala kasing mag-isa lang ang binata at walang katropang bumubuntot dito.
“Ah, busy silang lahat, eh. Tsaka nakakahiya namang manligaw kung kasama ko silang lahat. Puro kantiyaw lang ang inaabot ko,” nahihiyang wika ni Vincent.
Noon kapag nakakausap niya si Vincent ay makapal ang mukha nito at laging may nakikitang mali sa kaniya upang asarin siya. Doon nga yata siya na-in love sa lalaki, sa pagiging mapang-asar nito.
“Bakit manliligaw ka ba?” tanong ni Joy. Gusto lang niyang siguraduhin kung tama ba ang narinig niya. “Oo sana,” nauutal na wika ng binata.
“Bakit? Ito na ba ang tamang panahon na sinasabi mo?” natatawang tanong ng dalagita.
“Oo, kasi wala ng mga maiingay na asungot,” sagot ni Vincent dahilan upang matawa si Joy ng malakas.
“Ganun ba? Sana sinabi mo sa’kin noon pa man na iyon lang pala ang hinihintay mo. Nagawan na sana natin ng paraan,” biro ng dalagita.
Napakamot si Vincent sa ulo dahil sa sinabi ni Joy. “Hindi kasi ako tatantanan ng mga iyon kapag alam nilang liligawan kita. Gusto nilang sumama sa’kin palagi. Akala ko naman susuportahan nila ako pero ang totoo ilalaglag lang naman nila ako ng tuluyan,” nahihiyang wika ni Vincent.
“Kung manliligaw ka pumunta ka sa bahay. Magpaalam ka sa mga magulang ko. Kasi ang sabi ni mama hindi daw niya ako iniluwal sa daan,” nakangiti wika ni Joy.
Ginawa naman ni Vincent ang sinabi ng dalagita. Pinuntahan niya ang babae sa bahay nito at nagpaalam sa pamilya nito.
Nang malaman ng mga kabarkada ni Vincent na nanliligaw na ang binatilyo kay Joy ay tinulungan nila ang kanilang kaibigan na haranahin ang dalagita.
Isang gabi ay nabulabog ang pamilya ni Joy ng mga malalakas na tahol ng mga aso mula sa labas ng kanilang bahay.
“Sino ba ang nasa labas? Bakit nagrarambolan ang mga aso natin?” tanong ng papa ni Joy.
Agad namang sumilip si Joy sa labas ng kanilang gate para lang matawa sa kaniyang makikita. Naka-Barong Tagalog si Vincent at ganun din ang mga kaibigan nito habang may kaniya-kaniyang bitbit na gitara, drum at mic. Animo’y may pa-fiesta si mayor sa bahay nila. Nakita niyang nahihiyang nagkamot sa ulo si Vincent bago nagsalita.
“Hello, Joy, alam kong hindi na uso ang harana pero sa pag-ibig wala namang naluluma, ‘di ba? Mahal kita at gusto kong patunayan iyon sa’yo kaya hahandugan ka namin ng isang kanta. Sana kalugdan mo ang ibig sabihin ng kantang ito,” kinakabahang saad ni Vincent bago nito sinimulan ang panghaharana sa dalagita.
“Panalangin, ko sa habang buhay…”
Ang pagkanta ni Vincent ay labis na nagpataba ng puso ni Joy. Mabuti na lang at hinintay ng dalagita ang sinasabi nitong tamang panahon dahil hindi naman dapat minamadali ang pag-ibig.
Pagkatapos kumanta ni Vincent ay agad na tumakbo si Joy upang yakapin ang binata. “I love you, Vincent,” bulong nito sa tenga ng lalaki.
“Ano iyon? Hindi ko masyadong narinig,” nakangiting tanong ni Vincent. “Sabi ko I love you, Vincent,” sigaw ni Joy sa binatilyo.
Agad namang naghiyawan ang lahat ng tao sa paligid nila lalo na nang siniil ni Vincent ng halik ang labi ni Joy.
“Hoy! Huwag kayong p*rn dito. Nakikita kayo ng pamilya ni Joy,” natatawang saway ni Reloy.
Binitawan muna ni Vincent si Joy upang magbigay galang sa mga magulang nito.
Makalipas ang ilang buwan ay naganap ang kasal nina Vincent at Joy at lahat ng tropa at pamilya nila ay imbitado.
Umpisa pa lang ay alam na ni Joy na si Vincent na talaga ang kaniyang the one! Labis ang kaniyang pasasalamat dahil tama ang kaniyang desisyon na hintayin ang tamang panahon dahil kung nagmadali siya ay baka hindi magiging abot langit ang kaniyang kaligayahan ngayon.