Inday TrendingInday Trending
Ang Binabaeng Anak ni Kapitan

Ang Binabaeng Anak ni Kapitan

“T*ngina ka! Wala akong anak na binabae!” Halos mapatid ang litid ni Mang Armando sa kaniyang anak nang makita niya ito sa tindahan na nakasuot ng damit na pambabae.

Isang tanyag at ginagalang na kapitan ng hukbong sandatahan si Mang Armando na nakabase sa Mindanao. Hindi niya ipinaalam ang kaniyang pag-uwi maging sa kaniyang asawa na si Aling Celia sapagkat nais niyang makita mismo ng dalawa niyang mga mata ang nakarating sa kaniyang balita na tuluyan nang nadladlad ang kaniyang nag-iisang anak na lalaki na si Rogelio. Hindi niya ito lubusang matanggap at ang malaking tanong sa kaniyang isipan ay kung bakit hinayaan lamang ito ng kaniyang asawa.

“Put*ng ina ka! Hindi ka pinanganak na babae!” dismayado at galit na galit na sigaw ng Mang Armando.

Halos bumalandra ang katawan ni Rogelio sa lansangan sa tindi ng gulpi na inabot niya sa kaniyang ama habang hinuhubaran siya nito.

“Tama na po, tay! Tama na po! Nasasaktan na po ako, tay! Parang awa niyo na po!” halos maubusan ng hininga si Rogelio sa pagmamakaawa niya sa kaniyang ama.

“Tarant*do ka! Mapap*tay talaga kita kung ‘di ka titigil sa kabadingan mo! H*yop ka! Ikinahihiya kita! Wala kang kahihiyan! Simula ngayon hindi na kita anak!” patuloy na sambit ni Mang Armando habang kinakaladkad pauwi ang anak.

“Aling Celia! Aling Celia!” tawag ng isang binata sa ginang na kasalukuyang nagluluto ng pananghalian nang mga sandaling iyon. “Aling Celia, si Mang Armando po binubugbog si Rogelio sa may kanto!” sigaw ng binata.

Dali-dali namang sinara ni Aling Celia ang kalan at agad itong tumakbo patungo kung nasaan ang mag-ama.

“Armando, tigilan mo ‘yang anak mo! Parang awa mo na!” pakiusap ni Aling Celia sa kaniyang asawa. Pilit man niyang awatin si Mang Armando ay wala siyang magawa sa lakas ng kaniyang asawa.

“Isa ka pa!” sigaw ni Mang Armando kay Aling Celia.

“Anong klaseng ina ka? Hinahayaan mo ‘yang kababuyan ng anak mo! Kapitan ako ng hukbong sandatahan, Celia! Ano na lang ang sasabihin sa akin ng mga tao? Na may anak akong abnormal?” nanggagalaiting sigaw muli ni Mang Armando.

“Walang ginagawang masama ang anak mo, Armando. Hindi ba bata pa lamang siya ay nararamdaman mo ng lalambot-lambot ‘yan? Bakit hindi mo matanggap kung sino talaga siya?” sambit ng ginang.

Galit na umalis si Mang Armando. Iniwan naman niyang nakasalampak sa kalsada ang kaniyang halos mahubaran ng anak na duguan ang mukha mula sa kaniyang pambubugbog.

Niyakap agad ni Aling Celia ang kaniyang anak. “Sa bahay ka lang, anak. Hindi ka aalis. Ako ang bahala sa’yo!” umiiyak na wika ni Aling Celia.

“Inay, natatakot po ako kay tatay!” Hindi naman mapatid sa paghagulgol si Rogelio.

Hindi man tuluyang umalis si Rogelio sa kaniyang tahanan ay ramdam naman niya ang pagkayamot sa kaniya ng ama. Nasundan pa kasi ang mga pananakit ni Mang Armando kay Rogelio.

“Naaalibadbaran ako sa tuwing nakikita ko ‘yang anak mo, Celia. Dapat siya na lang ang ipain sa mga rebelde! Mas nanaisin ko pang mawalan ng anak kaysa makita ko ‘yang abnormal na ‘yan!” sambit ni Mang Armando sa kaniyang asawa.

“Tigilan mo na ‘yan, Armando. Napakasama mo. Hindi abnormal ang pagiging binabae ng anak mo! Tandaan mo sa atin siya nanggaling. Kahit ano pa siya anak pa rin natin siya. Kailangan mong tanggapin ‘yan!” paliwanang naman ng ginang.

“Paano ko matatanggap ang pagkabading niyang si Rogelio. Pinanganak siyang lalaki pero pinipilit niyang magpakababae! Pagbalik ko rito, Celia, siguraduhin mo na lalaki na ‘yan kung ‘di ay ako mismo ang kik*til sa buhay niya!” saad ni Mang Rogelio.

Palihim na nakikinig si Rogelio sa pag-uusap ng kaniyang mga magulang. Lubusan siyang nasaktan sa mga sinabi ng kaniyang ama ngunit hindi siya nawawalan ng pag-asa. Kahit na babae ang kaniyang puso ay hindi na siya muling nagdamit pa ng pambabae bilang respeto na rin sa kaniyang ama.

Makalipas ang apat na araw ay kinailangan na muling bumalik ni Mang Armando sa Mindanao upang makipagbakbakan sa giyera.

“Samahan ka lagi ng Panginoon, Armando. Mag-iingat ka palagi,” wika ni Aling Celia sa kaniyang asawa.

“Tay…” hindi pa man naitutuloy ni Rogelio ang kaniyang sasabihin ay agad na siyang binara ng kaniyang ama. “Wala akong anak na bading. Pagbalik ko rito ayoko nang makita iyang pagmumukha mo!” saad ni Mang Armando. Napaluha na lamang si Rogelio sa sinabi ng kaniyang ama.

Naging mainit naman ang bakbakan ng mga sundalo at rebelde sa Mindanao. Kabi-kabilaan ang pagsabog at barilan. Marami na ang sugatan at marami na rin ang nasawi ngunit walang nagpapatinag.

“Tuloy ang laban! Walang aatras!” sigaw ni Kapitan Armando sa mga kasamang sundalo.

Matapang na sinuong ni Kapitan Armando, kasama ang iba pang mga sundalo ang delikadong labanan. Habang pinapasok nila ang isang gusali ay binulaga na lamang sila ng isang matinding pagsabog. Dito ay napuruhan si Kapitan Armando. Dali-dali siyang iniligtas ng kaniyang mga kasamang sundalo at dinala sa kampo. Dahil sa malubhang pinsalang natamo ng kaniyang katawan ay kinailangan nang putulin ang kaniyang mga binti.

Halos himatayin naman si Aling Celia nang malaman ang sinapit ng kaniyang asawa.

Nang mailipat si Mang Armando sa ospital sa kampo ng sundalo dito sa Maynila ay agad siyang pinuntahan ng kaniyang mag-ina. Ngunit imbes na ikatuwa ito ng ginoo ay nagalit lang ito nang makita niya na kasama ng kaniyang asawa si Rogelio.

“Anong ginagawa ng abnormal na ‘yan dito?” nangagagalaiting tanong ni Mang Armando sa asawa. “Armando, nais kang makita ng anak mo kaya pagbigyan mo na siya,” pakiusap naman ng ginang.

“Sabihin mo diyan sa tar*ntado mong anak na ayusin niya ang kilos niya sa harapan ng mga kapwa ko sundalo at ayokong maging katatawanan dito!” paalala ni Mang Armando.

“Tay, gusto ko po kayong alagaan. Hayaan niyo na po akong alagaan kayo,” pakiusap ni Rogelio.

Kahit na galit na galit at kung anu-ano ang sinasabi ni Mang Armando sa anak ay hindi niya ito napigilan sa pag-aalaga sa kaniya. Halos hindi natutulog ang kaniyang anak sa pagbabantay sa kaniya. Kung kailangan niya ng alalay ay laging nariyan ang anak upang umagapay sa kaniya.

Ilang buwan ding nanatili si Mang Armando sa ospital at sa mga panahong iyon ay hindi siya iniwan ng kaniyang anak.

Nang makalabas ng ospital si Mang Armando ay halinhinan ang mag-ina sa pag-aalaga sa baldadong haligi ng tahanan.

“Huwag po kayong mag-aala, tay. Maghahanap po ako agad ng trabaho. Ako na po ang bahala sa inyo ni nanay,” sambit ni Rogelio habang nagmamadaling ayusin ang hihigaan ng kaniyang ama. Pagkatapos ay inihanda naman niya ang pamunas ng katawan at pamalit na damit ng ama. Kahit patpatin ang kaniyang katawan ay pilit niyang binuhat mula sa wheelchair si Mang Armando at inilipat ito sa kama.

Sa mga sandaling iyon ay napagtanto ni Mang Armando na mali ang kaniyang inasal nung nalaman niya ang tunay na kasarian ni Rogelio. Hindi niya inaasahan na sa kabila ng hindi niya pagtanggap sa anak ay naging mabuti pa rin ang trato nito sa kaniya.

“Rogelio,” sambit ni Mang Armando sa anak.

Natigilan si Rogelio sa kaniyang ginagawa at tila kinakabahan. Natatakot kasi siya na baka kung ano na naman ang sabihin ng kaniya ng kaniyang ama. “Bakit po, tay?”

“Gusto kong magpasalamat sa iyo sa lahat ng pag-aaruga mo sa akin,” wika ni Mang Armando.

“Hindi ko inaasahan na sa kabila ng lahat ng pamamahiya, pagbubuhat ng kamay at lahat ng masasakit na salitang nasabi ko sa iyo ay ganito pa ang gagawin mo sa akin. Salamat at hindi mo ako pinapabayaan, anak!” saad ni Mang Armando habang nanggigilid ang kaniyang luha.

“Wala po sa akin ‘yon, tay,” humihikbing sagot ni Rogelio. “Ang mahalaga po ay mapagsilbihan ko kayo bilang ama ko. Hindi man po akong lumaking isang ganap na lalaki tulad ng gusto niyo ay lumaki naman po ako na baon ang lahat ng pagmamahal at pagkalinga niyo sa akin. Hindi niyo po ako tinuruan na tumalikod sa mga magulang, tay. Kayo po ni nanay ang inspirasyon ko lagi para magpatuloy sa buhay,” patuloy pa rin sa pag-iyak si Rogelio.

Lumapit si Rogelio sa kaniyang ama at niyakap niya ito nang mahigpit.

Masaya si Aling Celia habang lihim na nakikinig sa usapan ng kaniyang mag-ama. Sa wakas ay natanggap na rin ni Mang Armando ang tunay na kasarian ni Rogelio.

Sa bandang huli ay pagmamahal pa rin ang nanaig sa bawat isa. Sa kabila ng lahat nang nagawa ni Mang Armando sa kaniyang anak ay pagmamahal pa rin ang isinukli sa kaniya ni Rogelio.

Hindi mahalaga kung ano ang iyong kasarian. Ang tinitignan ng Diyos ay ang kabutihang nakatanim sa iyong pagkatao.

Advertisement