Buwisit na buwisit si Aling Nelya kay Tisay, ang asong iniuwi ng kaniyang anak na si Arnel. Ilang gabi na kasi ito tahol nang tahol at nagagambala ang kaniyang pagtulog.
“Ibalik mo na kung saan mo napulot ‘yang aso na ‘yan, Arnel! Bukod sa dagdag palamunin pa ‘yan dito ay napakaingay sa gabi. Walang ginawa kung ‘di magkakahol. Kahit sawayin mo ay wala siyang humpay sa pag-iingay. Tama na sa akin ‘yang si Brownie. Isang aso lang aysapat na para dito sa bahay!” nayayamot na sambit ng ginang.
“Kawawa naman kasi, nay, itong si Tisay kung pababayaan ko lang sa lansangan. Mukhang mabait naman siya, eh. Baka hindi pa kasi siya sanay dito sa atin. Bigyan niyo pa po siya ng kaunting panahon, nay. Please,” pakiusap ng anak. “Tsaka, nay, siyempre kakahol po ito. Aso po siya, eh,” dagdag pa ng anak ni Aling Nelya.
“Ah, talagang nakuha mo pang mamilosopo diyan, ah. Sinasabi ko sa’yo, Arnel, kapag ‘yang aso mo na ‘yan ay hindi pa rin tumigil sa kakakahol ng walang dahilan sa gabi humanda talaga sa akin ‘yan at papalayasin ko talaga ‘yan sa bahay na ‘to! Perwisyo!” saad ng ina.
“Grabe ka naman, nay! Ang kyut-kyut kaya niya. Hayaan niyo na po siya. Sige. Hayaan ninyo. Sa loob ng isang linggo ay aayos din po ‘tong si Tisay,” tugon ni Arnel sa ina.
“Hindi ba, Tisay, papatulugin mo na ang nanay sa gabi. Kailangan mong magpakabait, Tisay. Nagagalit na talaga si nanay,” pagkausap ni Arnel sa kaniyang alagang aso.
Kinagabihan ay walang humpay pa rin sa kakatahol ang asong si Tisay. Muling nagising si Aling Nelya sa kaniyang mahimbing na pagkakatulog. Nayayamot niyang pinuntahan ang aso at agad niya itong binato ng kaniyang tsinelas. “L*tse kang aso ka! Ayaw mo talagang manahimik! Magpatulog ka!” sigaw ni Aling Nelya.
Ngunit hindi natinag ang aso sa kaniyang pagtahol na sinabayan na rin ni Brownie.
“Hay! Mga l*tse talaga itong mga hayop na ‘to! Mga perwisyo sa buhay! Bukas humanda sa akin ‘yang asong ‘yan!” naiinis na sambit ni Aling Nelya sa kaniyang sarili.
Kinabukasan ay reklamo ang ibinungad ni Aling Nelya sa anak. “Iyang aso mo, Arnel, wala na namang ginawa kagabi kung hindi magtatahol ng walang dahilan. Aba, hindi na naman ako nakatulog ng maayos! Kaya, ayun, binalibag ko ng tsinelas pero hindi pa rin nanahimik!” inis na wika niya sa anak.
“Hala, nay, kawawa naman si Tisay! Bakit kailangan niyo pang batuhin ng tsinelas? Hindi na kayo naawa sa aso,” sambit naman ni Arnel sa kaniyang ina.
“Bakit? Siya ba naawa sa akin? Ang dami kong gawain sa bahay at pagod na pagod ako. Tapos hindi siya magpapatulog,” saad ni Aling Nelya.
“Nakakahiya na rin sa mga kapitbahay sapagkat kapag nagsimula siyang magtatahol ay nagsisitahulan na din ang mga aso ng kapitbahay,” dagdag pa nito.
“Hindi ko pakakainin ‘yang aso na ‘yan, Arnel. Bahala ka kung gusto mong ibigay ang pagkain mo. Wala akong pakialam. Si Brownie lang ang pakakainin ko para magtanda ‘yang perwisyong aso mo!” Hindi matapus-tapos ang inis ng ginang.
Agad na nilapitan ni Arnel ang kaniyang alagang aso. “Hayaan mo, Tisay. Hati na lang tayo sa pagkain ko. Ikaw naman kasi alam mo namang magagalit ang nanay pero nag-ingay ka na naman kagabi,” sambit niya sa kaniyang aso habang hinihimas niya ang mga balahibo nito.
Kinahapunan habang nagsasampay sa bakuran si Aling Nelya ay bigla na namang walang humpay sa kakakahol ang asong si Tisay. Hindi ito mapakali at kahit anong saway ni Aling Nelya ay ayaw nitong paawat. Agad siyang pumulot ng bato at ipinukol sa aso. Natamaan niya ito sa bandang ulo. “Sapul kang aso ka!” wika ng babae habang ngumingisi-ngisi.
Ngunit panandalian lamang tumigil ang aso at muli na naman itong nagkakahol.
“Ano bang problem mong aso ka?” nayayamot na sambit ng ginang.”Naririndi na ko sa kakakahol mo! Tumigil ka!” sigaw pa nito habang akmang babatuhin ng tsinelas ang aso.
Mayamaya ay nakita na lamang ni Aling Nelya na susugurin na siya ng aso. Akala niya ay kakagatin siya nito kaya napasigaw at napapikit na lamang siya sa takot. Nang idilat niya ang kaniyang mga mata ay nakita niya sa kaniyang likuran ang asong si Tisay na nakikipagbuno sa isang malaking sawa.
Napatakbo naman si Aling Nelya sa loob ng bahay dahil sa kaniyang takot. “Arnel! Arnel!” humahangos na tawag niya sa kaniyang anak.
“Bakit ho, nay? Ano pong nangyari sa inyo?” nangangamba namang tugon ni Arnel na dali-daling lumabas sa kaniyang silid nang marinig ang tinig ng kaniyang ina.
“Kuhain mo ang bolo! Dalian mo! ‘Yung aso mo nakikipagbuno sa sawa!” utos ni Aling Nelya sa anak.
Agad namang kinuha ni Arnel ang bolo at tumatakbong nagtungo sa bakuran. Hindi siya makapaniwala sa laki ng sawa na kaniyang nakita. Natatakot man ay dali-dali niyang tinaga ang buntot ng sawa na sa panahong iyon ay nakatuklaw na sa kanang binti ng kaniyang aso.
“Tisay!” sigaw ni Arnel nang nakita niyang unti-unting nanghihina ang kaniyang alagang aso.
“Ito marahil ang dahilan, nay, kung bakit siya tahol ng tahol sa gabi. Marahil ay nakikita na niya ang nagtatagong sawa na iyan na naghihintay lamang ng tamang pagkakataon upang makapangbiktima,” naluluhang pahayag ni Arnel sa kaniyang ina.
Natulala naman si Aling Nelya. Nakokonsensiya siya sa kaniyang mga nagawa kay Tisay. Wala pala itong ibang nais gawin kung ‘di bigyan lamang sila ng babala sa nakaambang panganib.
Tuluyan na ngang binawian ng buhay si Tisay. Walang mapaglagyan ang kalungkutan ng mag-ina habang nakikita nila ang hirap na dinanas ng aso upang talunin lamang ang sawa sa kanilang bakuran.
Huli na nang maisip ni Aling Nelya na imbes batuhin niya ng tsinelas ang aso noong mga gabing hindi ito mapakali at nagkakahol ay dapat siniyasat niya ang dahilan nito.
Malungkot man ay lubusan silang nagpapasalamat sa asong nagbuwis ng buhay upang mailigtas sa kapahamakan si Aling Nelya. Kailanman ay hindi makakalimutan ng ginang ang kabayanihan ni Tisay, ang alagang aso ng kaniyang anak.