Inday TrendingInday Trending
Ang Nagbuklod sa Amin

Ang Nagbuklod sa Amin

Isang dekada nang magkapitbahay ang pamilya Delos Reyes at pamilya Villanueva ngunit isang dekada na rin ang patuloy na patutsadahan ng dalawa.

Nagsimula ang lahat noong magkasabay sa pamimili sa palengke ang dalawang ilaw ng tahanan na sina Emilia at Tessa.

“Dalawang kilo nga hong baboy, iyong pang-ihaw!” sabi ni Tessa sa nag-iisang tindera ng baboy sa maliit na palengke sabay abot ng limang daang piso.

“Sa akin nama’y isang kilo lamang,” sunod na sabi naman ni Emilia na naunang nakatayo sa harapan ng puwesto ng babuyan.

“Naku, pasensiya na ho. Isang kilo na lamang ho ang natitira dahil nagkaubusan ho ng baboy sa merkado. Bukas pa ho ng umaga ang susunod na angkat,” sagot ng tinderang hindi malaman kung sino ang uunahin sa dalawa.

Agad namang nagkatinginan ang dalawang nanay. Pareho silang ipagdidiwang ang kaarawan ng kanilang anak kaya naman hindi patatalo ang kahit na sino sa kanila.

“Ako ang nauna rito kaya sa’kin mo ibigay ang baboy! Mag-iihaw kami para sa kaarawan ng bunso ko!” palabang sabi ni Emilia.

“Aba! Ako ang naunang magsabi sa tindera. Sa akin mapupunta ang baboy! Bakit, anak mo lang ba ang may kaarawan, ha?!” mataray na sagot naman ni Tessa.

“Bagong lipat pa lang kayo ang yabang mo na! Akin ‘yan! Ale, isupot mo na. Dagdagan ko na ng bente pesos. Sa akin mo na ibigay ‘yan!” patuloy na ratsada ni Emilia.

Patuloy ang patutsadahan at bungangaan ng dalawa ngunit natigilan sila nang marindi na ang tindera.

“Tama na nga! Sa akin na lang ang baboy na ito. Mga bwisit kayo! Ang iingay ninyo! Wala, ubos na. Bumili na lang kayo ng manok sa iba!”

Nakasimangot na naghiwalay ng landas sa palengke ang dalawa. Sinundan pa ang alitan nung ang mga mister naman nila ang sumunod na nagkrus ang landas.

“Pare, ano ba naman ‘yan? ‘Yong kotse ninyo nakaharang sa driveway namin. Kung wala kayong garahe huwag kayong bibili ng sasakyan,” maangas na entrada ni Lito, asawa ni Tessa, sa kapitbahay na si Gibo. Maayos naman sana niyang kakausapin ang lalaki ngunit nang maalala niya ang reklamo ng misis niya sa misis ng lalaki ay nag-init agad ang ulo niya.

“Ang yabang, ah! Ngayon lang naman ‘yan dahil hinihintay ko lang mabakante ang pinagpa-park-an ko doon sa kanto. Parehong-pareho kayo ng asawa mo,” inis na sagot ni Gibo sabay lipat ng pinagtatalunang sasakyan.

Parehong dalawa ang anak ng dalawang mag-asawa. Nagkataong magkaklase naman sa iisang eskwelahan ang bunso nilang sina Mylene at Edward. Dahil doon ay lalo pang umigting ang iringan at paligsahan ng dalawa.

“Anak, galingan mo sa exam! Dapat mataasan mo ang anak ng mga asungot sa kabila. Ikaw pa naman ang magmamana ng negosyo natin,” bilin ni Emilia sa anak na si Edward.

“Mama, naman. Magkaibigan kami ni Mylene, eh. At tsaka mas matalino talaga sa akin ‘yon pagdating sa eskwela,” mahinahong sagot ng binata.

“Sige, hindi ko dadagdagan ang baon mo kapag naungusan ka noon sa eskwela!” seryosong pagbabanta naman ng kaniyang ama.

Napakamot na lamang ng ulo si Edward sabay akyat sa kwarto niya.

Kinabukasan pagdating sa eskwela ay agad tinabihan ni Edward ang magandang dalagang si Mylene upang makipagkwentuhan. Sa kabila kasi ng awayan ng kani-kanilang pamilya ay lihim na nagkakamabutihan ang dalawa.

“Alam mo ba ang sabi ni mama at papa sa’kin kapag ‘di ko raw natapatan ang grado mo sa eskwela, eh, ‘di raw nila dadagdagan ang baon ko?” natatawang bungad ni Edward kay Mylene sabay abot ng isang maliit na tsokolate.

“Naku! Si mommy rin kinausap ako kagabi. Hindi ba sabay ang birthday natin sa darating na Sabado? Malaking handaan daw ang gagawin para raw mainggit ang mama’t papa mo,” humahagalpak ang tawang kwento naman ni Mylene sa binata.

Sanay na sanay na ang dalawa sa ganoong kwentuhan. Idinadaan na lamang nila sa tawanan ang mababaw na iringan ng kanilang mga ama’t ina ngunit nag-iba ang lahat nang tuluyan na silang nahulog sa isa’t isa.

“Oo, sinasagot na kita, Edward. Tayo na!”

“Talaga? Girlfriend na kita, Mylene?” tanong ng napakasayang si Edward. “Oo nga! Oo, oo, oo! Girlfriend mo ko at boyfriend na kita!”

Mahigpit na nagyakapan ang dalawa. Pareho kasing nalalapit ang pagtatapos nila sa kolehiyo at hindi na sila makapaghintay sa kinabukasang magkasama nilang haharapin. Ngunit natigilan sila nang biglang may naalala.

“Ngunit… Paano ang mga pamilya natin?” naluluhang tanong ni Mylene nang maalala ang hidwaan ng kanilang pamilya.

Malalim na napaisip ang dalawa. Sa kanilang pag-uusap ay napagdesisyunan nilang mas makabubuti kung itatago muna nila ang kanilang relasyon.

Umabot ng halos dalawang taon ang pagtatago ng dalawa sa kanilang pag-iibigan. Nakatapos na rin ang dalawa ng pag-aaral at pareho silang naatasan na pamunuan ang kani-kaniyang negosyo ng kanilang mga pamilya.

Ngunit isang araw ay nabigla ang lahat sa isang pasabog na balita. Itinipon ni Mylene at Edward ang kanilang mga magulang sa isang lugar at doon sila kinausap.

“Mama, papa, huwag po kayong mabibigla,” sabi ni Edward sa kaniyang mga magulang. Ganoon din ang sabi ni Mylene sa kaniyang sariling mga magulang.

“Ano ba ‘yon, Mylene? At bakit tayo magkakasama rito? Alam mong ayaw na ayaw kong makikita ang pagmumukha ng mga iyan!” saad ni Tessa.

“Ayaw mo kaming makita? Mas lalong ayaw namin kayong…” hindi na natapos ni Emilia ang sasabihin nang sumabat si Mylene.

“Buntis po ako. Si Edward ang ama. Sa ayaw at sa gusto ninyo magpapakasal po kami. Matagal na po kaming nagmamahalan,” mariing sabi ni Mylene sabay pakita ng positibong pregnancy test kit. Sa kaliwang kamay naman ay hawak niya ang kamay ng nobyong si Edward.

“Totoo po ang lahat ng sinasabi niya. Kaya parang awa niyo na. Sa ngalan ng magiging anak namin at magiging apo ninyo isantabi na muna ninyo ang mga pambatang ‘di pagkakasunduan at magbati-bati para sa aming magiging pamilya,” pakiusap ng lalaki sa dalawang mag-asawa.

Tila natauhan ang dalawang pares nang titigan ang positibong pregnancy test kit. Nasa tamang gulang na ang kanilang mga anak kaya naman walang dahilan upang sila ay magalit.

“Pasensiya ka na, Tessa. Handa akong isantabi ang lahat para sa kapakanan ng bata,” panimulang paghingi ng tawad ni Emilia.

“Sorry rin, ha? Tunay ngang napakababaw ng mga awayan natin,” sagot naman ni Tessa sabay beso-beso sa ginang.

Nagkamayan naman ang dalawang haligi ng tahanan.

“Walang problema sa akin basta Lito Jr. ang ipapangalan sa bata kung lalaki ang magiging anak ninyo,” sabi ni Lito sa lahat.

“Hindi maaari. Siyempre dapat sa pangalan ko isunod lalo na kapag kamukha ko!” sagot naman ni Gibo.

“Tumigil nga kayo!” bulyaw ni Mylene sa dalawa at tsaka naman nagtawanan ang lahat.

“Biro lang, hija. Siyempre kayo ang bahala.”

Matapos ang dalawang buwang preparasyon sa wakas ay natuloy rin ang hindi inaasahang kasalan. Hindi naman makapaniwala ang lahat na ito pa ang nagbuklod sa dalawang pamilyang may matagal nang hidwaan.

Advertisement