Inday TrendingInday Trending
Si Misis o ang Bata?

Si Misis o ang Bata?

“Ricardo! Bilisan mo, halika rito!” sigaw ng misis na si Cecille.

Napatigil naman kaagad sa kaniyang pagkain itong si mister at dali-daling tumakbo papunta sa kaniyang misis.

“Diyos ko, ano bang nangyayari, mahal?” sagot ng nag-aalalang lalaki. “Sa wakas! Buntis na ako! Magkakaanak na tayo,” naiiyak na balita ni misis sa kaniyang asawa.

Mahigit tatlong taon na ang nakakalipas nang ikasal ang dalawa at ngayon lamang tila nasagot ang mga panalangin nila na magkaroon ng sariling supling. Nang makumpirma ni Ricardo ang dalawang positibong pregnancy test kit na hawak ng kaniyang misis mahigpit na nagyakap ang dalawa at sabay na mataimtim na nanalangin upang magpasalamat sa Maykapal.

“Aalagaan kita, mahal, ng sobra-sobra!” hiyaw pang muli ni Ricardo habang hinihimas ang tiyan ng mahal niyang asawa.

“Pangako, magiging mabuting ina rin ako at asawa sa inyong dalawa,” malambing na sagot naman ni Cecille.

Lalong nag-alay ng dedikasyon si Ricardo sa trabaho bilang manager ng isang bangko upang madagdagan ang kanilang ipon nang sa gayon ay sa pagsilang ng kanilang anak ay paniguradong magandang buhay ang maibibigay niya sa kaniyang mag-ina.

Sa tuwing umuuwi naman siya’y areglado ang mga pinaglilihiang pagkain ni Cecille at panay rin ang masahe niya sa mga nagsisimula nang sumakit na binti’t hita ng asawa.

Isang gabi ay umuwi pa si Ricardo dala ang isang bungkos ng pulang rosas.

“O, bakit, mahal? May selebrasyon ba?” tanong ni Cecille sabay amoy sa nagtitingkarang bulaklak. “Kailangan ba ng okasyon bago kita mabigyan ng mga ganito? Gusto ko lang magpasalamat dahil nakikita ko ang hirap mo sa pagdadalantao. Napakasuwerte kong ikaw ang magiging nanay ng anak ko,” sabi pa ni Ricardo sabay halik sa noo ng asawa.

“Napaka-sweet mo talaga! O, heto. Nakuha ko na ang resulta ng ultrasound ko kanina,” nakangiting tugon ni Cecille sabay abot ng kapirasong papel na naglalaman ng kasarian ng bata.

“Lalaki siya gaya nang ipinagdasal natin,” dagdag pa ni Cecille. Muli, mahigpit na nagyakap ang mag-asawa at nagsimula pang magkuwentuhan sa mga pangkinabukasang plano kasama ng kanilang magiging anak. Hindi nila parehong maikubli ang labis na sayang nadarama.

Sabado ng tanghali, kabuwanan na ni Cecille at handa na si Ricardo sa gagawin nilang pagsugod sa ospital kung sakaling maramdaman ni misis na siya’y manganganak na. Mapayapang nanonood ng telebisyon si mister nang biglang…

“RICARDO! Manganganak na ko!” sigaw ni Cecille.

Matagal pinaghandaan ni mister ang oras na iyon. Gayunpaman ay tila nanigas siya at nakalimutan ang mga planong inilatag sa araw ng panganganak ni Cecille.

“Okay, Ricardo! Kalma! Hinga. Hinga! Buksan ang kotse, kuhanin ang susi. Alalayan si misis. Magmaneho ng nasa tamang bilis.” wika niya sa kaniyang sarili.

Ilang minuto ang lumipas at maayos niyang nadala sa ospital si misis. Agad naman silang sinalubong at inalalayan ng mga doktor at nurse sa emergency room at mayamaya pa’y dinala na sila sa delivery room.

“Kaya mo ‘yan, mahal. Kayang-kaya mo ‘yan!” pagpapalakas ng loob ni Ricardo sa kaniyang misis.

“Ire, misis! Push!” sabi ng mga doktor at nurse na nagpapaanak kay Cecille.

Kinakabahan ngunit bakas pa rin ang pagkasabik sa mukha ni Ricardo. Sa wakas ay mahahagkan na niya ang kaniyang panganay na lalaki! Ngunit nag-iba ang lahat nang bigla na lamang niyang narinig ang isang matinis na tunog. Nagsimulang magkagulo ang mga doktor at tila ba huminto sa paghinga ang kaniyang misis.

“Dok! Anong nangyayari?” bulalas ni Ricardo.

“Nurse, ilabas mo muna si mister. Sir, kami na po muna ang bahala sa mag-ina mo. Gagawin po namin ang lahat ng aming makakaya,” sambit ng nagmamadaling doktor at tuluyan na ngang pinalabas ng silid si mister.

Ilang minuto ang lumipas at lumabas na ang doktor na kanina’y kausap ni mister.

“Mister, hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa. Nasa panganib ang buhay ng isa sa kanila. Sa ngayon ay isa lang ang kaya naming sagipin. Kailangan namin ng desisyon mo. Ang ina o ang bata?” diretsa at mabilis na tanong ni Doktor Manuel.

“Mayroon tayong dalawang minuto para magdesisyon kung hindi ay baka dalawang buhay ang mawala sa atin ngayon,” dagdag pa nito.

Halos pinagsakluban ng langit at lupa si Ricardo nang marinig ang sambit ng doktor. “Bakit ako pa ang pinapipili niyo ng ganito gayong matagal ko nang pangarap na makabuo ng sarili at masayang pamilya?” sambit niya sa kaniyang sarili.

Ngunit hindi ito ang panahon upang magpaliguy-ligoy siya. Kailangan niyang magdesisyon. Ang ina nga ba o ang bata na matagal na nilang pinangarap na mag-asawa?

Umaagos ang luha niya nung ipinahayag ni Ricardo ang kaniyang sagot.

“Ang ina. Ang asawa ko na lang po.”

Nang marinig ang tugon ni Ricardo ay nagmadali na ang doktor na makabalik sa loob ng silid. Naiwang naghihinagpis si Ricardo sa labas ng delivery room habang nakatitig sa krus na nakasabit sa dingding.

“O, Diyos ko, sana’y mapatawad ako ng panganay ko. Diyos ko! Napakasakit nito!” panaghoy ni Ricardo habang nakaluhod na sa harapan ng krus. Patuloy pa rin ang pag-agos ng mga luha niya kasabay ang paglaho ng mga pangarap na binuo nilang mag-asawa.

Mayamaya pa ay ipinatawag na siya ng doktor. Tuluyan nang nailabas ang walang buhay na bata mula sa sinapupunan ng kaniyang misis.

“Mahal… Patawarin mo ako, patawad,” patuloy na pag-iyak ni Ricardo sabay yakap sa kaniyang umiiyak ding asawa.

Habang magyakap ang dalawa ay iniabot ng doktor ang walang buhay na katawan ng kanilang panganay upang mahagkan sa una at huling pagkakataon.

“Anak? Anghelo ang pangalan mo. Umakyat ka sa langit kasama ng mga kapwa mong anghel. Patawarin mo si papa. Mahal na mahal ka namin,” sambit ni Ricardo at lalong umagos ang sangkatutak na luha mula sa mga mata niya.

“Mahal na mahal kita, anak. Maraming salamat dahil kahit siyam na buwan lang ay ipinaramdam mo sa akin kung paano ang maging isang ina,” sambit naman ni Cecille habang mahigpit na yakap ang maliit na katawan ng bata.

Kahit wala na ang bata ay pinuno ng mag-asawa ng mainit na yakap ang lumalamig na katawan ng sanggol. Niyakap nila ito nang mahigpit at tsaka ipinagdasal sa Diyos.

Ngunit mayamaya pa ay nabasag ang katahimikan sa loob ng silid nang bigla na lamang…

“Onga! Onga!”

Nanlaki ang mga mata ng mga doktor at nurse sa loob. Imposible!

Nanindig ang mga balahibo nina Ricardo at Cecille nang makitang humihinga na at nakadilat ang kanina’y malamig na sanggol. Buhay ang anak nila! Isang malaking himala! Isang himala ang naganap!

Kinuha muna ng mga doktor ang bata upang makasigurong buhay at maayos na ang lagay nito. Hindi sila makapaniwala na para ngang walang nangyari kanina dahil nasa perpektong kondisyon ang bata.

Laking pasasalamat ng mag-asawa sa Maykapal dahil hanggang sa huli ay dininig Nito ang kanilang panalangin. Nang dahil doon mula sa araw na iyon ay ipinangako nilang palalakihin ng tama at malapit sa Diyos ang bata.

Binansagan ding miracle baby si Anghelo sa ospital na iyon na nabuhay muli nang dahil sa pagmamahal at pananalig ng kaniyang mga magulang.

Advertisement