Limang taon na ang nakakalipas magmula nang masaksihan ng buong Pilipinas ang malagim na aksidenteng kumitil sa buhay ng batang si Juan. Kaliwa’t kanang news report ang ibinalita sa telebisyon at radyo maging sa social media tungkol sa nangyari.
Masayang naglalaro lamang ang bata kasama ang kaniyang pamilya sa isang kilalang beach resort sa Batangas at hindi inasahan ng lahat ang sasapitin niya sa mala-paraisong lugar na iyon.
“Mama, magpupunta lang po ako doon, ha?” paalam ng anim na taong gulang na si Juan habang itinuturo ang duyan na malapit sa puwesto ng isang lifeguard sa nasabing beach resort.
“O, sige. Dito lang naman kami ng papa mo. Ang kuya mo naroon pa sa kwarto. Mamaya pababantayan kita,” sagot ni Meldy, ina ng bata.
Isa. Dalawa. Tatlo. Tatlong ugoy lamang ng nasabing duyan at tuluyang tumumba ang duyan kasabay ng bata. Gawa ito sa puro matigas at mabigat na bakal.
“Diyos ko, ‘yong bata!”
“Nadaganan ng swing ‘yong bata! Tulungan niyo siya, o Diyos ko!”
“Tumawag na kayo ng ambulansya!”
Kaliwa’t-kanang sigaw ng mga taong nakasaksi sa duguang si Juan na pilit na gumagapang palayo sa mabigat na duyang nakapatong sa mura niyang katawan.
“Anak! Diyos ko. Ang anak ko! Paano nangyari?” sigaw ni Meldy habang tumatakbo papalapit sa kaniyang anak.
“Put*ngina naman! Bakit walang lock sa lapag itong swing ninyo? Mga bobo ba kayo? Naturingang sikat na sikat ang resort ninyo pero ganito! Diyos ko!” galit na galit na sigaw ni Butch, ama ni Juan, habang tinitignan ang istruktura ng duyan na kanina’y sinasakyan ng kaniyang anak.
Panay hingi naman ng tawad ng lifeguard na nakasaksi ng buong pangyayari. Habang tumatawag ng ambulansya’y dumating din ang manager ng nasabing resort upang pakalmahin ang pamilya.
Isinugod na sa ospital ang naghihingalong si Juan. At dahil maliit ang ambulansyang dumating isang tao lang ang maaaring sumama. Napagdesisyunang ang inang si Meldy na lamang ang sasama kay Juan. Naiwan naman doon si Butch habang ginigisa ang pamamahala ng beach resort.
“Kapag may nangyari sa anak ko humanda kayo! Gagawin namin ang lahat para lamang maipasara kayo! Ang tagal naming nag-ipon para lamang makapagbakasyon kami rito tapos nang dahil lang sa kapabayaan ninyo ay trahedya pa pala ang sasapitin namin!” bulalas ni Butch sa mga tauhan.
“Pasensiya na ho kayo. Sasagutin ho namin ang lahat ng gastusin sa ospital. Nananalangin ho kaming walang masamang mangyari sa anak ninyo,” wika ng manager habang halatang pinagagalitan ang lifeguard na naroroon malapit sa duyan.
Matagal na pala kasing ipinagbabawal ang pagsakay sa nasabing swing dahil hindi pa iyon tuluyang naibabaon sa lupa. Nagkataong natutulog noong panahong iyon ang lifeguard habang naka-duty sa trabaho kaya’t hindi niya napansin ang batang sumakay doon.
“Panalangin? Anong magagawa ng panalangin niyo? At paano nga kung may mangyari sa anak ko? Kung bawian siya ng buhay?” galit na tanong ni Butch.
“Makakatanggap ho kayo ng malaking pera at bukod doon ay buwanang ayudo mula sa pamahalaan ng aming beach resort,” nakayukong sabi ng manager. Doon lamang natigilan sa pagbubunganga ang lalaki.
Mayamaya pa ay nakatanggap na ng tawag si Butch at ang mga tauhan ng beach resort. Sinubukang sagipin ang buhay ng bata ngunit tuluyan na nga raw binawian ng buhay si Juan sa kamay ng mga doktor sa pinagdalhang ospital. Hindi na raw kinaya ng ulo ng bata ang natamong trauma mula sa pagbagsak ng duyan sa kaniyang ulo’t katawan. Ngayo’y ididiretso na pabalik ng Maynila ang malamig na katawan ng bata.
Matapos matanggap ang sertipiko at mga papeles na nagpapatunay na sumakabilang-buhay na ang bata nagpirmahan na rin si Butch kasama ang manager ng beach resort upang makatanggap ng pera mula sa nangyaring aksidente.
Tatlong taon na ang lumipas at nagpatuloy lamang sa kanilang buhay ang mag-asawang si Meldy at Butch. Tahimik silang namumuhay sa Maynila kasama ang natitira nilang nag-iisang anak na si Ben. Kung noo’y mahirap lamang ang kanilang buhay tila ang aksidenteng nangyari kay Juan pa ang naging dahilan kung bakit ngayon ay naging masagana na ang pamumuhay nila. Nang dahil sa perang ibinibigay sa kanila ng resort napagtapos nila sa magandang kolehiyo si Ben at nakabili na rin sila ng magandang bahay at lupa.
Nakapagpatayo na rin sila ng sariling negosyo at nakabayad na rin sa lahat ng mga pinagkakautangan nila.
Isang araw habang masayang nagsasalu-salo sa masasarap na putahe sa kanilang bahay ang munting pamilya ay biglang nabulabog ang tahimik nilang kainan nang biglang may kumatok mula sa kanilang tarangkahan.
“Sino ‘yon, Meldy? Itago mo muna. Bubuksan ko ang gate at pintuan,” bilin ni Butch sa asawa at tsaka lumabas upang tignan kung sino ang mga taong nasa labas.
Hindi pa nakakakilos ang pamilya nang biglang bumukas ang kanilang pintuan nang bigla itong sipain ng ilang kalalakihang naka-uniporme.
“Pulis ito! Walang kikilos sa inyo kung ayaw ninyong masaktan,” sigaw ng isa sa mga pulis.
Ilang tao rin mula sa DSWD ang pumasok na tila ba may hinahanap sa kanilang bahay. Ginalugad nila, kasama ng mga pulisya, ang buong bahay.
“Ano bang ginagawa ninyo? Wala kaming ginagawang labag sa batas sa bahay na ito! Hindi niyo ito puwedeng gawin sa amin!” sigaw ni Butch habang pilit na kumakawala sa bisig ng tatlong pulis.
“Boss! Positive! Nandito nga ang bata,” sigaw ng isa sa mga pulis nang buksan ang isang maliit na pintuan malapit sa ilalim ng lababo sa kusina.
Isang malaking kalokohan lang pala ang lahat! Pineke ni Meldy, na kasangkot si Butch, ang kamat*yan ni Juan upang makatanggap ng limpak-limpak na salapi mula sa beach resort na kanilang pinagbakasyunan. Ilang taon na nilang itinatago ang kawawang batang si Juan sa loob ng bahay at ikinukulong pa upang patuloy na makatanggap ng ayudo.
“Nakakakilabot kayo! Sarili ninyong anak nagawa ninyong ganiyanin ng dahil sa pera? Pinagkaitan niyo siya ng kalayaan! Mga hayop kayo!” sigaw ng isang matanda sa likod ng mga pulis. Iyon pala ang nanay ni Meldy, ang lola ng batang si Juan.
Noon pa ma’y nakakaramdam na kasi siya na may hindi tama magmula nang umuwi ang pamilya mula sa Batangas. Hindi rin niya bakas sa mukha ng mga ito ang pangungulila kay Juan kaya naman nakipagtulungan siya sa pamahalaan ng resort at sa mga pulisya upang palihim na ituloy ang pag-iimbestiga.
Ngayo’y nasa piitan na ang mag-asawa kasama na rin si Ben na naging katuwang din nila sa pagtatago sa kawawang bata. Kasalukuyan namang nasa pangangalaga ng DSWD si Juan upang ipa-therapy at tuluyang makalimot sa masalimuot niyang pinagdaanan.
Nakatalagang tumira si Juan kasama ng kaniyang lola matapos ang mga panggagamot na gagawin sa kaniya.
Nakatanggap naman ng samu’t saring tulong mula sa sambayanan ang batang si Juan. Siya ay binaha ng sandamakmak na pinansyal na tulong na makakatulong sa kaniya upang magkaroon ng maginhawang buhay kasama ang kaniyang lola.
Tunay ngang nakakakilabot ang nagagawa ng kasakiman sa pera.