Inday TrendingInday Trending
Hindi Mo Dapat Palitan si Mama!

Hindi Mo Dapat Palitan si Mama!

Punong puno ng galit ang naramdaman ng binata sa kanyang ama dahil nag-asawa ito ng panibago ilang taon makalipas ang pagkawala ng kanilang ilaw ng tahanan.

“Papa naman. Porket wala na si mama, naghanap ka na ng iba. Hindi ka man lang nagbigay ng respeto sa kanya,” inis na sabi ni Ivan sa ama.

“Nirerespeto ko ang mama mo. Pero kailangan din natin tanggapin na wala na siya,” paliwanag naman ng ama nito.

Dahil sa sagot ng ama nito ay nainis lamang si Ivan. Dumeretso ito sa kanyang kwarto at nang susundan na siya ng kanyang ama ay pinigilan ito ng bagong kinakasama.

“Hayaan mo na muna siya. Gusto niya muna sigurong mapag-isa,” sabi nito sa ginoo.

“Bukas sana lumamig na yung ulo niya,” sagot ng ama ni Ivan.

“Hindi yun ganoon kadali para sa kanya. Baka taon ang kailanganin niya para maging maayos siya. Pero habambuhay niyang dadalhin ang sakit ng sinapit ng kanyang ina. Sana maintindihan mo siya, George,” pakiusap pa nito sa lalaki.

“Oo, naiitindihan ko. Maraming salamat at nandyan ka, Angela,” sagot naman ni George sa bagong nobya.

Dahil sa nangyari ay hindi muna nagpansinan ang mag-ama ng ilang linggo. Kahit si Angela ay hindi pinapansin ni Ivan. Hindi naman ito nagpaparamdam ng galit sa dalawa ngunit sadyang naging malamig ang ugnayan sa munting tahanan ni George.

Kinabukasan ay umalis si Ivan sa kanilang bahay para gumala kasama ang kanyang mga kaibigan.

“Aalis ka? Ayaw mong kumain muna?” sabi ni Angela habang naghahanda ng hapunan.

“Hindi na ho, kayo na lang. Hinihintay na rin ako ng mga kaibigan ko sa pupuntahan namin,” mahinahong sagot naman ng binata.

“Ganun ba? Sige, mag-iingat ka hijo,” nakangiting sabi ng babae na siya namang tinanguan ni Ivan.

Agad naman na umalis ang binata sa kanilang bahay dahil sa kanyang naramdaman na biglang pagsikip ng dibdib. Nakaramdam ito ng awa sa bagong kinakasama ng kanyang ama, dahil alam niya na wala itong kasalanan pero pinaparamdam niya na hindi ito bahagi ng kanilang tahanan.

Makalipas ang ilang oras ay nagkita na ang magkakaibigan. Agad naman na nangamusta ang kanyang mga kaibigan.

“Oy p’re, musta na? Sa bahay niyo? Okay na kayo?” nagtatakang tanong ng isa.

“Okay naman sa amin, Kenneth. Malamig pa rin kami sa bahay pero hindi naman kami galit sa isa’t-isa,” nahihiyang sagot ni Ivan. Agad naman siyang tinapik ng isa pa nitong kaibigan para pasayahin.

“Alam mo p’re, dapat makipag-ayos ka na sa kanila. Naiintindihan naming mahal na mahal mo ang mama mo kaya nasasaktan kang may bago na ang papa mo. Pero hindi ibig sabihin noon ay nakalimutan na siya ng papa mo. Kailangan mo lang mag move-on sa mga nangyari at tanggapin na may bago nang kinakasama ang papa mo. At isa pa, hindi porket may bago na ang papa mo, nawala na ang pagmamahal niya sa mama mo. Sigurado ako, hindi pa rin niya inaalis yung malaking family picture niyo sa sala,” sabi pa ng isang nagmamalasakit na kaibigan.

“Siguro nga tama ka, Dave. Dapat tanggapin ko na si Tita Angela sa buhay namin. Wala naman siyang ginagawang masama e. Isa pa, lagi niya kaming inaalagaan ni papa. Baka mamaya o kaya bukas, kakausapin ko na sila para makipag-ayos,” nakangiting sagot ni Ivan sa kaibigan. Nang matapos ang kanilang usapan ay tumuloy na sila sa kanilang pinlanong panonood ng sine.

Kinagabihan sa bahay nila Ivan, habang naghuhugas ng pinagkainan si Angela ay naliligo naman si George para maghanda sa kanilang pamamahinga. Matatapos na sana si George sa pagligo ng biglang makarinig ito nang napakalakas na pagbagsak mula sa kusina kaya agad agad itong lumabas.

“ANGELA! Anong nangyari sa’yo?” pasigaw na tanong ni George habang pinipilit na ibangon ang duguang kinakasama. Dito niya nalaman na nadulas si Angela dahil sira ang tubo sa ilalim ng kanilang lababo.

“Tulong! Tulong!” naiiyak na sigaw nito sa labas ng kanilang bahay dahilan ng paglabas ng mga tao sa kani-kanilang mga bahay.

“Tumawag kayo ng ambulansya! Parang awa niyo na!” muling sigaw ng nagmamakaawang ginoo sa mga tao. Sakto naman na inihinatid ni Dave si Ivan pauwi sa kanilang bahay gamit ang sasakyan nito kaya labis ang gulat nila ng makita na umiiyak si George.

“Pa! Anong nangyari?” nagaalalang tanong ni Ivan sa ama.

“Kotse! Kotse! Dave, tulungan mo ako. Dalhin natin si Angela sa ospital. Sa byahe ko na ipapaliwanag ang nangyari,” sabi naman ni George habang buhat-buhat ang nobya.

“Tara po! Magmadali na tayo para maligtas natin si tita Angela!” sigaw naman ng dalawa. Agad na pinagbuksan ni Ivan ng pintuan ng sasakyan ang ama para makapasok ito. Pagkatapos ay dali-dali na rin itong sumakay para maihatid agad si Angela sa pinakamalapit na ospital.

Nang makarating sila sa ospital ay agad na ipinasok ni George sa emergency room si Angela kung saan sinalubong siya ng mga nurse at pinahintilutan na pumasok dahil gagamutin na ang kanyang nobya.

“Pa, anong nangyari?” nagtatakang tanong ni Ivan sa nag-iiiyak na ama.

“Nadulas siya sa kusina natin tapos tumama yung ulo niya sa kanto ng tiles ng lababo. ‘Yung tubo kasi sa ilalim nun nasira. Dapat ginawa ko na agad yun bago maligo. Ang t*nga-t*nga ko talaga!” sagot ni George habang pinipigilan ang sarili na umiyak.

“‘Wag kayo mag-alala tito, magiging okay po siya. Nandito lang kami pag kailangan niyo ng kasama,” singit ni Dave sa mag ama.

“Salamat Dave, salamat din, anak. Kung hindi kayo dumating, hindi ko alam ang gagawin ko. Salamat talaga sa inyo,” sabi pa ng ama ni Ivan sabay yakap sa dalawa. Niyakap naman siya pabalik ng magkaibigan para pagaanin ang loob niya.

Ilang minuto ang makalipas ay nagpaalam na si Dave para umuwi dahil hindi alam ng kanyang magulang kung nasaan na siya. Muli namang nagpasalamat si George sa kaibigan ni Ivan bago ito umalis.

Lumipas pa ang ilang oras ay inilabas na sa Emergency Room si Angela dahil bumuti na ang kalagayan nito. Inilipat ang babae sa isang kwarto at dito kinausap ng doktor ang mag ama.

“Buti naman at walang fractured skull ang na-image sa xray. Buti cut lang siya sa skin kaya nilinis namin iyon tapos tinahi nalang namin. Nilagyan ko na rin po ng bandage ang ulo niya para mag-tighten pa yung tahi sa sugat niya. Wag na po kayo mag-alala, ok na po ang inyong asawa,” paliwanag ng doktor sa mag ama.

“Maraming salamat po, dok. Maraming salamat po talaga,” sagot naman ng dalawa at agad na pumasok sa kwarto dahil napansin nila na nagising na si Angela.

“Tita Angela, okay na po ba kayo? Kakausapin ko pa naman sana kayo ngayon kaso nga lang naaksidente pa kayo,” sabi ng binata sa nobya ng ama.

“Ok naman na ako, Ivan. Maraming salamat. Ikaw naman, George. ‘Wag ka na umiyak. Ayos na ako. Aksidente lang ito. Ah, Ivan. Ano palang pag-uusapan natin?” nakangiting sagot ni Angela sa binata habang nakaharap sa mag ama.

“Tita, sorry po. Kung pinaparamdam ko na hindi kayo parte ng bahay natin. Kung palagi kong tinatanggihan ang mga alok niyo. Alam ko naman na wala kayong kasalanan talaga. Ako talaga yung mali dito, sana patawarin niyo po ako,” sabi ni Ivan habang pinipilit na pigilan ang pag iyak.

“Hayaan mo na yun, ang mahalaga. Maayos na tayo ngayon,” natatawa ngunit naiiyak na sabi pa ni Angela. Agad naman siyang niyakap ni Ivan dahil sa tuwa at nagpasalamat sa bago niyang ina. Bago pa ito bumitaw ay binigkas niya ang ilang salita na hinding hindi makakalimutan nilang tatlo.

“Welcome to the family, ma.”

Dahil dito ay natutunan ni Ivan na muling buksan ang puso sa panibagong tao na kumakatok dito. Tinanggap na niya ng buong puso ang bagong babae sa buhay nilang mag-ama, at magmula noon ay muli niyang naramdaman ang saya ng pagkakaroon muli ng masaya at buong pamilya.

Advertisement