Inday TrendingInday Trending
Ang Lihim ni Divine

Ang Lihim ni Divine

Tuliro ang pakiramdam ni Edward kaya nagtungo siya sa isang bar. Natanggal siya sa trabaho. Hiniwalayan siya ng kanyang girlfriend at nalamang sumama na pala ito sa ibang lalaki. Patong-patong din ang kanyang mga utang at mga obligasyong dapat bayaran. At least sa bar, pansamantala siyang makalilimot sa kanyang mga isipin.

Alas siyete pa lamang ng gabi subalit dagsa na ang mga tao sa Malate. Iba-ibang tao. Iba-ibang lahi at estado sa buhay. Iba-iba rin ang kasarian. Sila ang mga taong nais ipalamon sa dilim ang kanilang panimdim. Naapuhap nila sa mga sulok ng maingay na lugar ang katahimikan ng kalooban.

Pumasok sa loob ng paboritong bar si Edward. Napakasaya ng lahat. Nagsasayawan na. May makikita kang wild na wild, ang iba naman ay nagtutukaan na sa isang tabi. Walang pakialam dito si Edward. Nagtungo siya sa mesang malayo sa karamihan, umorder ng alak, at pinanood ang mga tao.

Sa isang malapit sa counter, isang magandang babae ang pumukaw sa kanyang paningin. Napakaseksi nito. Hakab na hakab ang likod nito kaya kita ang kurba ng katawan. Nakasuot din ito ng sapatos na may mataas na takong na kulay pula. Mahaba ang buhok nito na hanggang baywang. Habang naghihintay sa kanyang order, naglakas-loob si Edward na lapitan ito.

“Hi! Are you alone?”

Nagulat ang babae sa pagsasalita ni Edward at napasulyap ito sa kanya. Maamo ang mukha nito. Nangungusap ang mga mata. Wala itong make up kaya litaw na litaw ang kasimplehan ng mukha.

“It’s Edward,” pagpapakilala ni Edward sa babae. Inilahad niya ang kanyang kamay.

Kiming kinuha ito ng babae. “It’s Divine.”

Divine. Napakagandang pangalan. Parang puro. Dalisay. Banal.

“Wanna join me? Mag-isa lang ako sa table ko eh,” aya ni Edward kay Divine.

Saglit na tinitigan ni Divine si Edward. Parang nanantiya muna. Saka nito kinuha ang shoulder bag at sumama kay Edward sa mesa nito.

“Bakit mag-isa ka lang sa ganitong lugar?” Tanong ni Edward kay Divine.

“Bawal bang mag-isa sa ganitong lugar?” Balik-tanong ni Divine. Sumimsim ito sa kopitang iniinuman.

Natawa si Edward. “Sungit mo naman. Natanong ko lang naman. Baka kasi kasama mo ang boyfriend mo, eh di nakahanap ako ng kaaway.”

Tumawa nang bahagya si Divine. “Huwag kang mag-alala. Walang aaway sa iyo. Single ako.”

“Good,” mabilis na sabi ni Edward. “I wanna know more about you.”

“Anong gusto mong malaman sa akin?”

“Kahit ano. Bahala ka. Age, location, work…”

“Siguro huwag tayo rito. Sa private place, what do you think?”

Natunugan ni Edward ang nais sabihin ni Divine. Binayaran niya ang kanilang inumin at inaya si Divine na sumama sa kanya. Mabuti na lang at dala niya ang kanyang kotse. Sa isang mumurahing motel sila nagtungo na matatagpuan din sa Malate.

Pagkapasok na pagkapasok sa loob ng inupahang kwarto, umaatikabong halikan ang ginawa nila. Naglakbay din ang kamay ni Edward sa katawan ni Divine. Nakarating ang kanyang kamay sa loob ng damit ni Divine, at tinatanggal na niya ang hook ng bra nito nang biglang humikbi ang babae.

“B-bakit?” Takang tanong ni Edward.

Hindi sumagot si Divine. Humagulhol lamang ito. Nataranta naman si Edward. Inisip niya, baka biglang magsisisigaw ang babae at paratangan siya ng panggagahasa.

“Wait, what happened? Ayaw mo ba? Are you still a virgin?” Tanong ni Edward.

Nang kumalma si Divine, tumingin ito ng diretso kay Edward. “Hindi ito tama. Sorry. Hindi ako masamang babae. Hindi ako ganito.”

Naupo si Edward sa tabi ni Divine. “Kung ayaw mo pala nito, bakit mo ko inaya rito? O nagkamali lang ba ako? Coffee shop ba ang tinutukoy mong private place?”

“No. Ginusto ko ito. Pero hindi ko pala kaya. I’m sorry. Kailangan ko nang umuwi,” sabi ni Divine. Kinuha na niya ang mga gamit.

Pagkalabas ng motel, inalok ni Edward na ihahatid na lamang niya pauwi si Divine. Todo-tanggi ang babae. Tila kabado rin ito.

“Kaya ko namang umuwi mag-isa. Hindi mo ako kailangang ihatid,” matiim na sabi sa kanya ni Divine.

“May asawa ka na ba? Strict ang parents mo? Tell me?” Tanong ni Edward sa dalaga.

Napahinto sa paglalakad si Divine. Sumulyap ito sa lalaki at bahagya siyang natawa. Naweweirdohan na si Edward sa babaeng ito.

“Pwede ba kitang makita ulit? Can I have your number?”

Hindi ito sumagot sa kanya. Sa halip, pumara ito ng taxi. Sumakay ito, at ni hindi man lamang lumingon sa kanya.

Agad namang sumakay si Edward sa kanyang kotse at palihim na sinundan ang taxi. Maya-maya, nagulat siya dahil natanaw niya mula sa malayo na huminto ang taxi sa isang kumbento. Bumaba rito si Divine at parang palihim na pumasok sa loob.

Isang tanong ang bumulaga at gumugulo ngayon sa isipan ni Edward. Huwag mong sabihing madre ka? Hanggang sa pagtulog ay iniisip niya ito.

Kinabukasan, dahil wala naman na siyang trabaho, minabuti ni Edward na magtungo sa kumbento. Nais niyang abangan kung lalabas mula rito si Divine upang kompirmahin ang kanyang hinala. Nakahanda siyang maghintay. Halos isang oras siyang nakaabang kung may lalabas na isang pamilyar na mukha. At hindi nga siya nagkamali. Isang magandang madre ang lumabas mula sa kumbento, may bitbit na bayong, at mukhang tutungo sa palengke. Hindi siya maaaring magkamali. Ang madreng iyon ay walang iba kundi si Divine!

Sinundan ni Edward ang madre na patungo nga sa palengke. Bumaba si Edward at pumasok sa loob. Naabutan niyang bumibili ng isda si Divine. Ibang-iba ang awra nito. Hindi makabasag-pinggan. Madreng-madre.

Nang lalabas na ito ng palengke, hinarangan niya ito sa daraanan nito.

“Hi, Sister Divine.”

Kitang-kita ang pagkagulat sa mukha ni Divine. Namula at namutla ito pagkakita kay Edward.

“A-anong ginagawa mo rito?” nabubulol na tanong ni Divine

“Sinundan kita kagabi, at heto, natuklasan ko ang lihim mo,” sagot ni Edward.

Inaya ni Edward si Divine na sumakay sa kanyang kotse upang makapag-usap sila. At doon ipinagtapat ni Divine ang lahat. Isa siyang madre. Tuwing gabi, lumalabas at tumatakas siya sa kumbento upang hanapin ang kanyang sarili. Ayaw ni Divine ang pagmamadre subalit wala siyang magawa sapagkat ito ang gusto ng kanyang pamilya para sa kanya.

Kaya naman, isang kasunduan ang nabuo sa pagitan nina Edward at Divine. Tuwing gabi, sasamahan niya si Divine. Sasamahan niya ito sa pagsasaya. Pumayag si Divine. Gabi-gabi silang magkasama. Kung saan-saan sila nagpupunta. Namamasyal, umiinom, kumakain sa labas. Hanggang sa maramdaman na nilang mahal na nila ang isa’t isa.

Isang gabi, masinsinang kinausap ni Edward si Divine.

“Mahal kita, Divine. Patawarin ako ng Diyos kung pinagtataksilan ko Siya. Gusto kitang ilaban. Lumabas ka na sa pagiging madre at sumama ka na sa akin,” pagtatapat ni Edward sa babaeng minamahal.

Napangiti si Divine. Hinawakan niya ang mukha ni Edward. “Salamat sa pagmamahal, Edward. Sa sandaling panahong magkasama tayo, nahulog na rin ang loob ko. Subalit ito ang aking sinumpaang tungkulin at pangako sa aking Mama bago siya nawala. Gusto ko na rin ang ginagawa kong paglilingkod sa Diyos, sa ganitong paraan.”

Kinuha ni Edward ang mga kamay ni Divine. Tinutop. Inilagay sa kanyang mga labi. Hinalikan. “Divine, pwede mo namang paglingkuran ang Diyos kahit hindi ganito. Magpakasal tayo. Bumuo tayo ng sariling pamilya. Magkaroon tayo ng mga anak.” Nangingilid ang mga luha ni Edward.

Binawi ni Divine ang kanyang mga kamay. “Mahal kita Edward, at nagpapasalamat ako sa Diyos dahil nakilala kita. Pero kailangan ko itong gawin. Nangako ako sa Diyos. Ito na ang huling gabi na magkikita tayo. Sana igalang mo ang desisyon ko.” Hinalikan ni Divine sa pisngi ang lalaking kanyang mahal sa huling pagkakataon. Pinakiusapan ni Divine si Edward na ihatid na siya sa kumbento.

Bago bumaba sa sasakyan, nagyakap muna nang mahigpit ang dalawa.

“Mahal na mahal kita, Divine. Handa akong magparaya. Kung iyan ang makapagpapasaya sa iyo, handa akong magsakripisyo. Salamat at nakilala kita.” Buong katapatang sabi ni Edward kay Divine.

Tumango si Divine. Ngumiti. Pinahid ang mga luhang namalisbis sa kanyang pisngi. Lumabas siya sa kotse ni Edward, at gaya ng dati, palihim siyang pumasok sa kumbento, nang walang nakakakita.

Nahinto na ang pagkikita nina Divine at Edward. Minabuti na lamang ni Edward na ayusin ang kanyang buhay, at ginawa niyang inspirasyon si Divine. Malungkot man dahil mas pinili ng babaeng mahal ang tawag ng tungkulin, masaya na rin siya dahil nakaramdam siya ng tunay na pagmamahal. Napagtanto ni Edward na ang tunay na pag-ibig ay marunong magpalaya at magparaya.

Advertisement