“Hoy, Hilda, nariyan na ang sundo mo! Harot ka na naman!”
Napangiti ang makeup artist na si Hilda sa sinabi ng kaniyang kasamahang ni Nel. Inilagay niya sa loob ng makeup kit ang mga kalilinis na brotsa. Sinipat niya ang kaniyang sarili sa salamin. Sinuklay-suklay ng kaniyang mga daliri sa kamay ang mahabang buhok.
“Happy petchay, girl!” Kaway ni Nel sa kaniya paglabas niya ng salon. Nariyan na kasi ang sundo niyang si Fabian, isang kilalang pulitiko. Malaki ang agwat ng edad nina Hilda at Fabian. 25 taong gulang pa lamang si Hilda habang si Fabian naman ay 45 taong gulang. Mahilig makipagrelasyon si Hilda sa mga lalaking mas matanda sa kaniya. Bukod dito ay alam niyang may asawa na si Fabian. Tanggap ni Hilda na isa siyang kabit.
Pagsakay sa loob ng kotse ni Fabian ay agad na siniil ng halik ni Hilda ang kaniyang boyfriend.
“Sarap naman. Kaya ikaw ang hinahanap-hanap ko, eh. Hindi ang matabil at bungangera kong misis,” sabi ni Fabian kay Hilda.
“Alam ko namang mas maganda, mas seksi at mas sariwa ako kaysa sa asawa mo,” natatawang tugon ni Hilda. Kinindatan niya ang kaniyang boyfriend at sumandal dito.
Gaya ng dati ay dumiretso sila sa condo unit na binili ni Fabian para kay Hilda. Doon sila dumidiretso kapag gusto nilang masolo ang isa’t isa. Malayo rin sa mga posibleng makakitang kakilala na maaaring magsumbong sa asawa ni Fabian na si Laura.
Matapos ang dalawang round ng pagsisiping ay nagpaalam na si Fabian na aalis na dahil nagagalit na raw si Laura. Bago tuluyang umalis ay isang halik ang ipinabaon ni Hilda sa kaniyang boyfriend.
“Mag-text ka kapag nakauwi ka na, ha?” Bilin ni Hilda kay Fabian.
Kinabukasan ay walang text na natanggap si Hilda mula kay Fabian. Labis na nag-alala si Hilda. Tuwing umaga ay nagtetext naman si Fabian kung nakauwi na ito. Binuksan ni Hilda ang telebisyon upang manood ng paborito niyang morning show. Nagulat siya sa tumambad na balita. Isang aksidente ang kinasangkutan ni Fabian. Nawawala rin ang mahahalagang gamit nito gaya ng pitaka, selpon at laptop.
Labis na nag-alala si Hilda. Gusto niyang puntahan si Fabian subalit hindi siya maaaring magpadalus-dalos. Siguradong naroon si Laura, ang asawa nito. Walang magawa si Hilda. Nanonood na lamang siya ng balita upang kahit papaano ay magkaroon siya ng update tungkol sa sikat niyang kalaguyo.
Makalipas ang tatlong araw ay hindi na nakatiis si Hilda. Kailangan niyang mapuntahan si Fabian. Umisip siya ng paraan. May kaibigan siyang nurse. Hihiramin niya ang isa sa mga uniporme nito at magpapanggap siyang nurse.
Gayon nga ang ginawa ni Hilda. Kahit kinakabahan sa kaniyang gagawin ay isinuot niya ang unipormeng pang-nurse na ipinahiram ng kaniyang kaibigan at nagtungo sa ospital. Walang sumita sa kaniya. Wala ring nakahalata. Agad niyang ipinagtanong ang room number ni Fabian at dali-daling nagpunta roon.
Wala si Laura o ang mga anak nito sa loob ng kwarto ni Fabian maliban sa mga bodyguards na nakaabang sa labas. Pinapasok siya ng mga ito sa pag-aakalang isa siyang nurse. Pagdating sa loob ay agad na nilapitan at niyakap ni Hilda si Fabian. Gulat na gulat naman si Fabian.
“Anong ginagawa mo rito?” gulat na tanong ni Fabian kay Hilda.
“Sorry, hon, hindi na ako nakatiis. Nabalitaan ko ang nangyari sa iyo. Kumusta ka? Ok ka na ba?” nag-aalalang tanong ni Hilda sa kaniyang boyfriend. “Ayos na ko. Huwag kang mag-alala. Nagpanggap ka pa talagang nurse para makapunta rito, ah,” Nakangiting sabi ni Fabian.
“Oo, para sa iyo,” nakangusong tugon ni Hilda.
Sinamantala ng dalawa ang pagkakataon habang wala si Laura. Isang umaatikabong halikan ang naganap. Nag-init ang mga pakiramdam nina Fabian at Hilda. Inutusan ni Fabian si Hilda na ibaba ang kaniyang pantalon at panty. “Mabilisan” lamang daw. Tuluy-tuloy na sana ang biyahe ng dalawa hanggang langit nang makarinig sila ng pag-uusap mula sa labas. Narinig nila ang tinig ni Laura.
Mabilis pa sa kidlat na itinaas ni Hilda ang kaniyang puting pantalon at panty, inayos ang sarili at kunwari ay nagpunta sa isang kalapit na lamesita upang ayusin ang gamot ni Fabian. Si Fabian naman ay mabilis na nahiga at nagtulug-tulugan.
Bumungad nga sa pinto ang misis ni Fabian na si Laura. Nakapustura ito at mukhang mataray. Sumulyap ito sa kinakabahang si Hilda na nagbigay naman ng kiming ngiti.
“Nurse, if you’ll excuse me, mag-uusap lang kami ng asawa ko.”
Bantulot na ngumiti si Hilda at akmang aalis na subalit kunwari ay nagising si Fabian at binati ang dumating na asawa. Isang makahulugang sulyap ang iniwan ni Fabian kay Hilda na nagsesenyas na umalis na siya. Subalit hindi pa man tuluyang nakalalabas sa kwarto si Hilda ay nagpupuyos na binulyawan ni Laura si Fabian.
“H*yop ka talagang lalaki ka! Hindi mo na ako binigyan ng kahihiyan! Lumabas na ang report tungkol sa aksidente mo. Siraulo ka! Babaeng talipandas ang nagnakaw sa mga gamit mo. Kaya ka nabangga ay dahil naghaharutan kayo sa loob ng kotse!” galit na galit na sabi ni Laura sa asawa.
Nagulat naman si Hilda sa kaniyang mga narinig. Hindi siya nakalabas ng kwarto at nakinig sa usapan ng mag-asawa. Napasulyap naman si Fabian kay Hilda.
“Anong sinasabi mo? Hindi totoo iyan,” depensa ni Fabian.
“Tumigil ka! Nahuli na ang babae mo. At umamin siyang may relasyon kayo. Kinarma ka tuloy ano? Walangh*ya ka talaga. Iyan ang napapala sa mga tulad mong makakati! Masakit bang pagnakawan ng sarili mong kalaguyo! Sa akala mo ba’y palalagpasin ko ito? Idedemanda ko kayong dalawa!” pagbabanta ni Laura sa asawa.
Napansin nitong nasa pinto pa rin si Hilda kaya ito ang pinagbalingan niya.
“Hindi ba sinabi ko sa iyo na lumabas ka? Out!” asik na sabi ni Laura kay Hilda. Tumalima naman si Hilda at nagtatakbo palabas ng kwarto.
Sa pasilyo nag-iiyak si Hilda. Alam naman niyang kabit lamang siya subalit ang isiping bukod sa kaniya ay may iba pang kinakalantari si Fabian, masakit iyon para sa kaniya. Lalo na’t nangyari iyon noong gabing katatapos lamang nilang magsama sa condo.
Tila sinampal ng katotohanan si Hilda. Napagtanto niyang walang patutunguhan ang pakikipagrelasyon niya kay Fabian. Isa pa, nakita niya kung gaano kabagsik si Laura at ayaw niyang magulo ang kaniyang buhay. Minabuti na lamang niyang makipaghiwalay kay Fabian at magsimula ng panibagong buhay malayo sa anino ng bawal. Pinutol niya ang lahat ng bagay na mag-uugnay sa kaniya at kay Fabian.